MULA SA pagkatatatag nito noong Abril 28, 1611, ang UST ay magdiriwang ng ika-400 na anibersaryo nito sa darating na Enero 28 kasabay ng pagdiriwang ng pista ni Santo Tomas de Aquino, ang patron ng Unibersidad.

Paliwanag ni Giovanna Fontanilla, direktor ng Office of Public Affairs, Enero, at hindi Abril ipagdiriwang ng UST ang ika-400 anibersaryo nito sapagkat buo ang UST bilang isang pamilya tuwing Enero.

“Sa Enero, kasama nating ang mga pinakaimportanteng mga stakeholder natin—ang mga mag-aaral. Ang populasyon ng Unibersidad na mahigit 40,000 na mga mag-aaral ay naririto. Tayo ay kumpleto bilang isang pamilya,” ani Fontanilla.

Ang pagdiriwang na ito ay sinimulan pa noong ika-20 siglo ng mga paring Dominikano simula noong kinilala na si Santo Tomas de Aquino bilang patron ng mga paaralang Katoliko.

“Ang pista ng Unibersidad ay ipinagdiriwang tuwing buwan ng Enero dahil si Santo Tomas ang kinikilalang patron ng Unibersidad at ang buwan ng Enero ang simula ng taon,” ani P. Angel Aparicio, O.P., Prefect of Libraries.

Ang mga pagdiriwang para sa ika-400 taon ng Unibersidad ay hindi lamang tatagal ng isang araw kundi isang buong taon upang magbigay-pugay sa mga naging ambag ng Unibersidad sa bansa.

Tomasino siya

Maraming Tomasino ang nakaaalam sa botika na Mercury Drug, ngunit ang hindi alam ng nakararami ay isang Tomasino rin ang nasa likod ng matagumpay na botikang ito.

Si Vivian Que-Azcona, pangulo ng Mercury Drug Corporation, ay nagtapos ng kursong Pharmacy sa UST noong 1977.

Bago magsimula ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagtayo ng isang botika sa Maynila si Mariano Que, ama ni Azcona at isa ring Tomasino, kung saan nagtinda ito ng mga gamot na magagamit sa digmaan.

READ
A Thomasian night of song

Pinangalanang Mercury Drug ang botikang ito noong 1945, hango sa pangalan ng isa sa mga diyos ng mga Romano na si Mercury na humahawak sa caduceus, ang simbolo ng medisina.

Taong 1963 nang buksan ang ikalawang botika nito sa Makati, at ang ikatlo noong 1965 sa Quiapo, Maynila.

Dekada ‘70 nang palawigin ng Mercury Drug ang serbisyo nito mula sa pagtitinda ng mga gamot hanggang sa pagbebenta ng iba’t ibang pharmaceutical supplies at mga instrumentong ginagamit sa surgery na nagbunsod dito upang palitan ang pangalan sa Mercury Group of Companies, Inc.

Sa kasalukuyan, mayroong 700 na botika ang Mercury Drug sa buong bansa, na mayroong higit kumulang 9,000 na empleyado.

Isa si Azcona sa pinangalanang Top 15 na pinakamayamang tao sa Pilipinas noong 2010.

Ang Mercury Group of Companies Inc. ay nakatanggap ng iba’t ibang parangal tulad ng Most Outstanding Drug Store Chain noong 1999, silver award sa Top 3 Retailers sa bansa mula noong 2004 hanggang 2008, at 2005 Outstanding Retailers of the Year. Noong Disyembre 2010, isa si Azcona sa mga pinarangalan ng Outstanding Thomasian Alumni Business Leaders Award mula sa Office for Alumni Relations. Patricia Isabela B. Evangelista

Tomasalitaan

Mananap (png)- hayop

Halimbawa: Ang mga mag-aaral ng medisina ay gumagamit ng mga mananap sa kanilang pag-aaral sa anatomiya.

Mga Sanggunian:

Vivian Que Azcona – WikiPilipinas: The Hip ‘n Free Philippine Encyclopedia. (n.d.).Main Page – WikiPilipinas: The Hip ‘n Free Philippine Encyclopedia. Retrieved January 5, 2011

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.