MADALAS kong itinatanong sa sarili na kung ipinanganak kaya akong lahing Kanluranin sa halip na Filipino, mas magiging maganda kaya ang aking buhay?

Mula pagkabata, hinubog ako ng mga tradisyon at kaugaliang sariling atin na tunay na maipagmamalaki. Lumaki akong sanay na magmano at gumamit ng “po” at “opo” bilang tanda ng pagrespeto sa mga nakatatanda.

Madalas akong kumain nang nagkakamay. Nabuo ang aking pagkabata sa paglalaro ng mga larong katutubo kabilang na ang tumbang preso, patintero, at luksong-baka.

Naaalala ko pa noong musmos pa lang ako, paborito kong panuorin ang “Batibot,” “Sineskwela,” “Hiraya Manawari” at iba pang lokal na programang pambata.

Masaya rin ako sa pagkain ng mga kakanin gaya ng suman, palitaw, puto at marami pang iba tuwing meryenda. At nanatili pa rin ang sinigang bilang pinakapaborito kong pagkain.

Sa kabila ng pagkagiliw ko sa mga banyagang palabas, libro at pagkain, hindi pa rin nawala sa akin ang pagmamahal ko sa bansang Filipinas.

Gayunpaman, hindi ko rin naman maitatanggi na unti-unti ring nag-iiba ang persepsiyon ko sa aking identidad bilang isang Filipino simula nang tumanda ako at mamulat sa mga modernong bagay kabilang na ang telebisiyon at Internet.

Marami sa mga Filipino ang mas nagnanais makapangibang-bansa at mas ginugustong magkaroon ng foreign citizenship.

Ayon sa pag-aaral ng Pew Research Center sa kanilang 2013 Global Attitudes Project, nakita na nangunguna ang Filipinas sa mga bansang may “favorable view” sa US at sa mga Amerikano.

Kabilang rin tayo sa mga ibang lahi na namamalagi sa US simula pa 1990. Noong 2013, naitala ang mga Filipino bilang may pinakamalaking populasyon ng migrante sa US—4.5 porsiyento mula sa kabuuang 41.3 milyong populasyon ng mga migrante sa Estados Unidos.

READ
Lessons learned from Nursing leak

Dahil sa kagustuhan ng marami sa atin na makapagsimula ng bagong buhay sa banyagang bansa, karamihan sa ating mga skilled workers at professionals ang nangingibang-bayan na nagiging sanhi ng “brain drain.”

Hindi naman natin sila masisisi dahil na rin sa kakulangan ng oportunidad dito sa ating bansa. Sa kabila nito, naniniwala pa rin ako na darating ang pagkakataon na matatagpuan ng mga taong marunong magtiyaga at magpursigi sa kanilang larangan, kahit gaaano pa kahirap, ang bansang kanilang kalalagyan.

Dapat nating mapagtanto na sa halip na itakwil natin ang buhay sa sariling bansa upang mamuhay sa bayang hindi natin sinilangan, sikapin nating ialay ang ating mga talento at kakayahan sa pagpapaganda at pagpapalago ng ating Inang Bayan.

Nagsasawa na akong makakita ng mga taong pilit ikinukubli ang kanilang tunay na identidad bilang mga Filipino—mga kinikulayan ng blonde ang buhok, pinapaputi ang balat at kung anu-ano pang pisikal na modipikasyon para magmukhang “foreigner.”

Lingid sa kanilang kaalaman, ang pagiging foreigner o banyaga sa sariling bayan ang pinakamalaking insulto na maaari nilang makuha.

Marahil kung tatanungin ko ang mga Filipino tungkol sa mga bagay patungkol sa Filipinas, maraming hindi makasasagot. Sa katunayan, marami pa rin sa mga mag-aaral sa elementarya ang hindi nakaaalam sa pamagat ng ating pambansang awit.

Isa itong patunay na hindi nagbibigay ng dedikasyon ang mga Filipino upang linangin ang pag-aaral ng kultura at identidad ng isang tunay na mamamayang Filipino.

Kung hindi ko ipagmamalaki na isa akong Filipino at kung hindi tatanggapin ng iba na Filipino rin sila, habang panahong malulugmok ang ating bansa sa kahirapan. dahil magsisimula lamang ang pag-asenso kapag naging totoo tayo sa ating mga sarili.

READ
Educational ironies

Dapat rin nating mapagtanto na maraming nagbuwis ng buhay para ipaglaban ang ating kalayaan at karapatan nating maging malaya—ang tawagin at kilalanin ng ating mga mananakop bilang isang lahi na kayang tumayo sa sarili nating mga paa.

Hindi mapipigilan ang pagkakaroon ng mas malawak na perspektibo ukol sa iba’t ibang kultura ng mundo dahil sa modernisasyon. Sa panahon ngayon, kailangan na ng mga taong magkaroon ng internasiyunal na pag-iisip, hindi para abandunahin ang identidad natin bilang mga Filipino, ngunit para mas lalo pa nating pahalagahan ito.

Sa kabila ng mga patung-patong na suliraning kinakaharap ng Filipinas at samu’t saring negatibong impresyon ng mga banyaga sa mga Filipino, hindi ko pa rin maikakaila na marami pa ring rason para ipagmalaki ko sa buong mundo na isa akong Filipino.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.