SAPILITANG pagsasara ng mga pribadong unibersidad dulot ng posibleng pagbaba ng bilang ng estudyante ang magiging suliranin kapag ipinatupad ang Free Tuition Law sa state universities and colleges (SUCs).

Noong Akademikong Taon 2016-2017, umabot ng 35,633 enrollees ang tinanggap ng Unibersidad, pinakamataas na bilang sa lahat ng pribadong unibersidad sa bansa.

Ngunit nang aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act (RA) 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act, iginiit ni Carlos Manapat, dalubguro ng economics sa Faculty of Arts and Letters, na maaaring mabawasan ang bilang dahil sa posibleng “massive transfer” sa SUCs.

Nakasaad sa batas na magkakaroon ng libreng matrikula, educational expenses at living allowance sa mga SUC at technical-vocational institutions (TVIs).

“Ang mga paaralan ay kasama sa tinatawag nating pure competition kung saan sila ay dapat handa sa dagdag na pondo at kung hindi nila kayang makipagsabayan, maari silang magsara,” wika ni Manapat sa isang panayam sa Varsitarian.

Mababawasan din ang mga program sa mga pribadong paaralan, dagdag ni Manapat.

Ayon kay Joseph Noel Estrada, legal counsel ng Catholic Educational Association of the Philippines, mawawalan din ng trabaho ang mga guro kung magsilipatan ang mga estudyante.

“Maraming pribadong paaralan ang magsasara dahil mawawalan sila ng estudyante [kaya posibleng] maraming guro ang mawawalan ng trabaho,” sabi ni Estrada.

Ngunit sinabi ni Prospero de Vera III, commissioner sa Commission on Higher Education (CHEd), na malilimitahan ang paglipat ng mga estudyante sa mga SUC dahil sa “no-transfer policy.”

“Ang ibang [SUCs] ay may no-transfer policy sa second, third at fourth year students. Ang posibleng paglipat ay maaari lamang maapektuhan ang darating na freshmen batch,” wika ni de Vera sa isang pulong-balitaan sa Malacañang.

Sa Unibersidad, nakabase ang pagtanggap ng mga transferees sa bilang ng mga bakanteng slot, resulta ng qualifying examinations, marka sa dating transcript of records ng estudyante at ang apruba ng secretary general.

Ayon sa datos ng Planning, Research and Knowledge Management Office ng CHEd, 1,710 ang bilang ng pribadong paaralan habang 233 naman sa pampublikong paaralan.

Ang Polytechnic University of the Philippines na tumanggap ng 66,011 enrollees ang may pinakamataas na bilang ng bagong mag-aaral sa lahat ng SUCs sa bansa noong nakaraang taon.

‘Kontrol sa SUCs’

May posibilidad na maging “anti-poor” ang batas dahil kaunti lamang ang mga mahihirap na magkakaroon ng benepisyo, ayon kay Emmanuel Lopez, tagapangulo ng UST economics department.

“Ang realidad ay nasa mataas na estado ang nakakamit ng mas masaganang kaalaman kaysa sa mga mahihirap na kinakailangang magkaroon ng kinikita sa halip na mag-aral habang nasa batang edad,” wika ni Lopez sa isang panayam sa e-mail.

Ayon kay Manapat, kailangang suriin ang background ng estudyanteng nais mag-apply sa SUCs.

“Dapat linawin ng gobyerno ang pagsumite ng requirements tulad ng income tax return ng pamilya at mga certificate galing sa paaralang pinanggalingan ng aplikante,” sabi niya.

Idiniin ni Sen. Loren Legarda na dadaan sa masusing proseso ang pagpili ng SUCs sa mga tatanggaping estudyante na makikinabang sa libreng tuition.

“Maaaring lumahok sa libreng tuition ang mga estudyanteng hindi kayang bayaran ang malaking tuition sa mga pribadong unibersidad at kolehiyo ngunit may katiyakang may limitasiyon ang mga SUCs sa pagtanggap,” sinabi ni Legarda sa isang panayam sa Varsitarian.

Tertiary education subsidy

Nakasaad naman sa tertiary education subsidy for Filipino students ng RA 10391 na magbibigay din ang pamahalaan ng benepisyo sa mga mag-aaral ng pribadong kolehiyo at unibersidad, diin ni Estrada.

Ang mga mag-aaral na makakatanggap ng libreng matrikula ay dapat parte ng Listahanan 2, ang management system ng Department of Social Welfare and Development na nagbibigay impormasiyon tungkol sa per capita household income ng mga mahihirap, o makakapagbigay ng proof of income na dadaan sa pagsusuri ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education o Unifast ng Ched.

Subalit hindi naniniwala si Manapat na maaaring mabigyan ng pamahalaan ng tulong na salapi ang lahat ng kwalipikadong mag-aaral.

“Hindi mabibigyan ng prayoridad ang mga nasa pribadong paaralan dahil sa ownership issues. Kung kailangan nila ng pondo maaari sila makakuha mula sa mga bangko at mga private individuals,” ani Manapat.

Kawalan naman ng pondo ang magiging kahinaan ng batas, ayon kay Lopez.

“Ang pinaka-crucial na problema na maaaring makaapekto sa batas ay ang kawalan ng pondo na magpapatibay sa dito,” ani Lopez.

Kahit napirmahan na ang batas, problema pa rin ang pondo ng libreng tuition at kinakailangan pa ng konsultasyon, ayon kay Pangulong Duterte sa isang press conference sa Malacañang noong ika-7 ng Agosto.

Sa unang taon ng implementasiyon ng batas, P16.8 billion ang nakalaan na pondo para sa 112 SUCs, P16 billion sa local universities and colleges at P3 billion sa TVIs habang halos P20 billion pesos ang kakailangang budget sa taong 2018.

 

To investigate and expose unspoken issues and anomalies, send confidential news tips to the Special Reports team of the Varsitarian at specialreports.varsitarian@gmail.com or at THE VARSITARIAN office, Rm. 105, Tan Yan Kee Student Center, University of Santo Tomas, España, Manila.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.