ISIGAW mo ang tinig ng iyong henerasyon.

Ito ang hamon ng mga bantog na manunulat na sina Jerry Gracio, Jun Cruz Reyes, at Ricky Lee sa ginanap na diskurso tungkol sa pagsusulat na “Ang Kuwento ng Kanilang mga Kuwento: Isang Talakayang Pampanitikan” sa Faculty of Arts and Letters Lecture Hall noong ika-3 ng Marso. Isa-isang ibinahagi ng mga panauhin ang kanilang mga karanasan bilang manunulat, mga naging pagbabago dahil sa napiling larangan, at ang kanilang mga hiling para sa bagong henerasyon ng mga manunulat.

Para kay Jerry Gracio, isang multi-awarded scriptwriter, ang pagsusulat mula ay iba noon kumpara ngayon.

“Noong bata pa ako kailangan ko ng inspirasyon para makasulat—kailangan ko ng crush, o kung anuman. Pero ngayon kailangan kong isipin ang kakainin ko sa susunod na araw para makapagsulat. Trabaho ito para sa akin. Hindi libangan, hindi pamatay-oras,” ani Gracio na nagkamit ng sari-saring parangal kabilang ang National Book Award (2007), Palanca Award for Poetry and Short Stories (2002), at Poet of the Year mula sa Commission on Filipino Language (2005).

Siya ang gumawa ng mga script ng mga critically-acclaimed na pelikula tulad ng Emir, Santa Santita, at ang screenplay ng aklat ni Eros Atalia na “Ligo na U, Lapit na Me.”

“Araw-araw, tuwing ika-7 ng umaga, bumabangon ako sa higaan, nagtitimpla ng kape, at umuupo sa harapan ng computer para magsulat. May listahan ako ng mga kailangang tapusin bawat araw… May tatlong bagay na lang akong kino-konsider tuwing ako’y magkukuwento: Dapat ito ay may sining, may relevance, at commercial,” aniya.

READ
Accountancy drops summer; adds one year

Mula sa iba’t ibang salik nagmumula ang mga kuwento—at hindi na naiiba rito ang mga pinanggagalingan ng mga likha ni Gracio

“Nagsisimula ang script sa kuwento, at kung saan-saan nagmumula ang mga kuwento ko: Sariling kong kuwento, kuwento ng kaibigan, kakilala, kuwento sa diyaryo, sa libro, kuwento ng ibang tao. Trabaho ng manunulat ang makinig sa ibang kuwento na magagamit niya sa sariling pagkukuwento,” ani Gracio.

Dagdag pa niya, ang pagsusulat ay isang paglalakbay.

“Sa pagsusulat, naglalakbay ka kasama ang iyong mga tauhan sa kuwento at ang iyong sarili. Ang pinakamalaking pagkakamali na puwedeng gawin ng isang writer ay ang maglakbay nang mag-isa, nang hindi kasama ang kaniyang mga tauhan,” ani Gracio.

Isinalaysay din ni Gracio ang kaniyang palagay sa naturang hati sa pagitan ng mainstream at “indie” na tipo ng pagsusulat.

“Ang kuwento ay kuwento, period. Ang pelikula ay pelikula, period. Maganda ito dahil maganda ito, hindi dahil ito ay mainstream o “indie,” aniya.

Ayon naman kay Jun Cruz Reyes, bantog na awtor ng maikling kuwento na Utos ng Hari, ang isang manunulat ay hindi dapat tumitigil sa paglikha ng mga bagong ideya.

“Dapat ang trabaho ng isang tao ay mabuhay lamang ng isang panahon. Ibig sabihin, may gamit ang panulat. Kung nasagot na ng iyong panulat ang hamon ng iyong panahon, hayaan mong masagot naman ang hamon ng kasalukuyang panahon ng mga bagong manunulat,” ani Reyes na pinarangalan ng unang premyo sa National Centennial Literary Contest (1998) para sa kaniyang akdang Etsa-Puwera at National Book Award (2001).

Gustuhin mang magbigay ni Reyes ng konkretong payo sa mga kabataan, buong pagpapakumbaba nitong inamin na siya man ay walang maitutugon sa suliranin ng kasalukuyang henerasyon.

READ
OSA head bats for stricter student policies

“Nagtatanong pa rin ako. Wala akong mga tiyak na sagot sa mga malalaking tanong ng ating panahon. Umaasa ako ng pagbabago, umaasa ako ng isang lipunang kakaunti lamang—o maaaring—wala nang mga naaapi. Gusto kong makita na ang lahat ng nasabi ng ating mga bayani ay naganap,” aniya.

Samantala, si Ricky Lee, na nakilala sa mundo ng scriptwriting at pagsusulat ng mga maikling kuwento, nobela, at dula, ang siyang huling nagkuwento ng kaniyang buhay-manunulat.

“Kaya ako naging isang writer ay dahil pumapasok ako sa pintong nakabukas. Hindi ako nag-iisip kung ano’ng nasa likod ng pintuan—baka baduy, baka gasgas na ‘yung kuwento, baka delikado, baka ‘di ko magustuhan ‘yung nandoon. Binubuksan ko ‘yung pinto at pumapasok ako,” ani Lee na nakapagsulat na ng mahigit sa 150 na scripts, limang dula, dalawang dula, isang scriptwriting manual, isang antolohiya, at mga maiikling kuwento.

Inamin ni Lee na sa ngayon ay mas naeengganyo ito sa kaniyang “unang pag-ibig”—ang pagsusulat ng nobela.

“Mas masarap pero mas mahirap ang pagsusulat ng libro. Ang script, nakatatapos ako in a month, or two months. Ganoon kadali. Dalawang nobela pa lang ang naisusulat ko, compared sa higit sa 150 na script na naisulat ko na. ‘Yung una kong nobela, it took me one year. ‘Yung sunod, three years,” ani Lee na kamakailan lamang ay inilunsad ang kaniyang ikalawang nobelang “Si Amapola sa 65 na Kabanata.”

Masayang inanyayahan ni Lee ang mga nais sumunod sa kanilang yapak, katuwang sina Gracio at Reyes.

“Handa kaming (Gracio, Reyes, at Lee) gumabay sa mga bagong manunulat na gusto ring tahakin ang aming landas dahil naniniwala kaming huhusay lang ang isang writer kapag ibinabahagi niya sa iba [ang kaniyang kakayahan]. ‘Pag hindi mo ibinahagi sa iba, mabubulok ‘yan sa loob, hanggang sa ikaw mismo ang mabulok. Ang talino, habang pumapasok, dapat ay ibinabahagi sa iba,” aniya.

READ
Philets Foundation inducts officers

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.