Dibuho ni JASMINE C. SANTOSISANG tanong ng mga Tomasino, isang sagot ng Varsitarian.

Ang mga mag-aaral noon sa Unibersidad ay nagkaroon ng pagkakataon upang magtanong ukol sa mga pamantayan, batas, o ano pa mang may kaugnayan sa UST sa pamamagitan ng Varsitarian.

Tinawag na “Service Column,” ang bahaging ito ng pahayagan ay nilikha noong Mayo 1968 (Tomo 40, Bilang 1) sa ilalim ng pamumuno ng punong patnugot na si Hernando Masangkay. Ito ay isang serbisyong-publikong handog ng Varsitarian upang magbigay-kasagutan sa mga katanungan at hinaing ng mga mag-aaral tungkol sa Unibersidad at sa buhay mag-aaral. Ang mga hindi taga-Unibersidad ay malaya ring magtanong basta’t ito ay kinalaman sa UST.

Ang pangalan ng mga mag-aaral na magbibigay ng komento, tanong, o pahayag ay maaaring hindi ipalabas sa pahayagan, ngunit ang mga sulat na ipinaabot nang walang pangalan ay hindi kikilalanin.

Ang mga katanungang ito ay sasagutin ng mga taong sangkot o kabilang sa departamentong tinutukoy sa susunod na isyu ng pahayagan.

Ang unang “Service Column” ay inilimbag noong ika-15 ng Hulyo 1968 (Tomo 40, Bilang 3) na tungkol sa pagkasusulat ng diploma ng UST sa wikang Latin. Ang tanong na ito ay ipinadala ni Luz Fiel ng Avanceña High School sa Maynila, at agad namang sinagot ni P. Fausto Gomez, O.P., ang noo’y secretary general, na sinabing pinalitan na sa wikang Filipino at Ingles ang mga diploma noong taong 1968-1969.

Ang “Service Column” ay tumagal ng halos dalawang taon sa Varsitarian. Ito ay huling lumabas noong ika-21 ng Oktubre 1970 (Tomo 42, Bilang 32). Ang huling tanong na nalimbag ay tungkol sa laboratory deposits na binabayaran ng mga mag-aaral sa Faculty of Medicine and Surgery. Ang tanong na ito ay ipinadala nina Rolly Bautista at Jun Calimag, na agad namang ipinaliwanag ng Treasurer’s Office.

READ
Saksi sa pag-alab ng panitikang Tomasino

Sa kasalukuyan, ang mga puna, komento, o hinaing ng mga Tomasino ay maaaring ipadala sa Varsitarian upang mailimbag. Maaari namang magtanong ng mga bagay tungkol sa agham at teknolohiya sa bahaging “Info Quest” ng seksyong Science and Technology. Ang sagot ay ilalathala sa susunod na paglabas ng Varsitarian.

Tomasino siya

Alam n’yo ba na isang Tomasino ang nasa likod ng isa sa mga nangungunang paggawaan ng tubo sa bansa?

Si Jacinto Uy, tagapangulo ng Moldex Group of Companies, ay nanatili sa Unibersidad mula 1971 hanggang unang semestre ng taong pampaaralan 1972-1973. Itinayo niya ang isang maliit na kumpanya noong 1967 upang magtustos ng plastic at tubing materials sa mga pabrika. Hindi naglaon, lumaki ito at nagsimulang magtustos ng mga materyales na ginagamit sa sewerage system at mga construction project tulad ng tubo.

Noong dekada ‘90, lumago ang Moldex Group of Companies sa Moldex Realty Inc. dahil sa pagbebenta nito ng mga lupa at bahay. Ilan sa mga ito ay ang Metrogate Communities at Heritage Residences.

Taong 2006 naman nang matapos ng Moldex Realty, Inc. ang 1322 Golden Empire Tower, ang pinakamataas na residential condominium sa lungsod ng Maynila na mayroong 57 palapag. Sa taon ding iyon, itinayo ang The Grand Towers sa Maynila.

Sa kasalukuyan, ang Moldex Group of Companies ay higit-kumulang 40 taon na at may apat na iba pang mga kompanya, ang Moldex Land, Inc., Moldex Realty Marketing, Inc., Moldex Construction, Inc. at Moldex Insurance Agency, Inc.

Si Uy ay pinarangalan noong Oktubre 2010 bilang isa sa mga Outstanding Thomasian Alumni Business Leaders.

READ
Taming technology

Tomasalitaan:

Hidlaw (pnr)- sabik

Halimbawa: Ang mga mag-aaral ng Unibersidad ay hidlaw sa mga pagdiriwang na gaganapin sa susunod na buwan.

Mga sanggunian:

The Varsitarian: Tomo 40, Bilang 1, Mayo 1968

The Varsitarian: Tomo 40, Bilang 3, ika- 15 Hulyo 1968

The Varsitarian: Tomo 42, Bilang 32, ika-21 Oktubre 1970

Welcome to Moldex Group of Companies. (n.d.). Moldex .Retrieved February 16, 2011, from http://www.moldex.com.ph/index

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.