SA SUSUNOD na buwan, libu-libong Tomasino ang magpapaalam sa buhay-kolehiyo. Isang panibagong buhay ang sisimulan ng lahat, malayo sa nakasanayang buhay-eskuwela sa loob ng halos 14 na taon—ang pagiging manggagawa.

Ngunit hindi lahat ay papalaring makahanap agad ng trabaho. Habang taun-taon ay parami nang parami ang nangangailangan ng trabaho, pakaunti naman nang pakaunti ang mga oportunidad.

Ang kawalan ng trabaho ay isa sa pinakamalaking problema hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong daigdig. Habang patuloy ang paghihirap ng maraming Filipinong walang trabaho, patuloy din ang pagbibigay ng pangako ng pamahalaan na masosolusyunan ang problemang ito. Gayon pa man, mahirap maghanap ng solusyon kung hindi lubusang nauunawaan ang problema. Ayon sa ulat ng Department of Labor and Employment, nasa 1.7 porsyento ng populasyon ang walang trabaho, pinakamataas sa Kalakhang Maynila kung saan nakapagtala ito ng 12.6 porsyento.

Kung tutuusin, kaya namang masolusyunan ang problema sa kawalan ng trabaho. Maaaring magtatag ng mga industriya ang pamahalaan na makapagbibigay ng maraming trabaho sa mga mamamayan. Para magawa ito, kailangan ng kapital na maaaring magmula sa gobyerno. Hindi naman masasabing walang salaping mailalaan ang pamahalaan na ipamumuhunan. Kung hindi sana kabi-kabila ang katiwalian, madali sanang maabot ang mga mithiing ito.

Maari ring magmula ang kapital sa mga dayuhang investors ngunit sa halip na tumaas ang foreign direct investments (FDI) ng bansa, bumaba ito ng 36.5%, ayon sa pinakahuling tala mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas. Kung ikukumpara sa ating mga karatig-bansa tulad ng Malaysia, Indonesia, at Singapore, malayung-malayo ang agwat ng FDI ng mga ito na tumaas nang mahigit sa limang beses kumpara sa nagdaang taon.

READ
Arts and Letters student council offers scholarship

Para kay Robert Sears, Executive Director ng American Chamber of Commerce of the Philippines, “…all three [branches of government] from the executive, legislative and judiciary have to work together to improve the country’s investment image.”

Isa sa mga itinuturong dahilan ng pagkawala ng interes ng mga investors sa bansa ay ang kalagayan ng ating ekonomiya kung saan maraming kompanya ang napipilitang magsara dahil sa pagkalugi. Hindi naman natin masisisi ang mga investors kung magdalawang-isip sila sapagkat malaking halaga ang mawawala kung sakali. Kamakailan lamang ay itinanghal ng IBM ang Pilipinas bilang “most sought after destination,” sa larangan ng Business Process Outsourcing, titulong dati’y hawak ng bansang India. Nangangahulugan lamang ito na kung gugustuhin lamang natin ay may magagawa pa tayo upang maiangat ang ating ekonomiya. Gayon pa man, hindi lang dapat natin mithiin na maparami ang industriya, bagkus ay makamit din sana natin ang pinakamataas nitong kalidad.

Kung masosolusyunan lamang ang suliranin sa kawalan ng trabaho, sana’y wala nang mga krimen tulad ng pagnanakaw dahil hindi na mapipilitan pang gumawa nang masama ang ilan upang makakain.

Nakalulungkot isipin na habang parami nang parami ang mga Filipino na handang maglingkod sa bayan ay pakaunti nang pakaunti ang oportunidad para sa kanila. Sana’y mabigyan ng silbi ang 14 na taon o higit pang ginugol ng mga mag-aaral sa paaralan, at pati na rin sa mga magulang na sumuporta sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Hindi pa huli ang lahat para sa Pilipinas. Habang may mga Filipinong handang maglingkod sa bansa, mananatili pa ring buhay ang mga pangarap. Sana nga lamang ay kasabay na nangangarap ng mga taong ito ang pamahalaan na siyang makatutulong upang tuluyan nang mabigyang-lunas ang lumalalang suliranin sa kawalan ng hanapbuhay.

READ
Civil Law to hold first mock bar

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.