PINAHAHALAGAHAN ng Unibersidad ang mga katangi-tanging ambag ng sinuman, Pilipino man o dayuhan, sa anumang larangan sa pamamagitan ng paggagawad sa mga ito ng honorary degree o honoris causa.
Noong Pebrero 19, 1974, si Juan Carlos de Borbon ng Espanya ang naging kauna-unahang Tomasinong prinsipe na binigyan ng Unibersidad ng Doctor of Laws. Dahil dito, nakasama siya sa hanay ng mga kilalang personalidad na nauna nang nagawaran ng parehong karangalan. Sina Gob. Hen. Frank Murphy (Doctor of Laws, 1934); Andres Soriano (Doctor of Commerce, 1940); Unang Ginang Aurora Quezon (Doctor of Philiosophy in Pedagogy, 1940); at Hen. Douglas McArthur (Doctor of Laws, 1945) ang ilan lamang sa mga ito.
Sa palatuntunang idinaos sa Medicine Auditorium, inihayag ni Prop. Felicisimo Feria, Dekano ng Faculty of Civil Law, ang iba’t ibang akademiko at pangmilitar na paghahanda ng prinsipe, na noon ay nakatakda nang palitan ang kanyang amang si Alfonso XIII sa pagkahari. Sinundan ito ng pagbibigay-pugay ni Rektor P. Leonardo Legaspi, O.P. sa prinsipe at pagpapaabot dito ng pasasalamat sa Royal patronage na iginawad ni Haring Carlos II sa UST noong 1680.
Kasama ang kabiyak na si Prinsesa Sofia at ang dating Unang Ginang Imelda Marcos, iginawad sa Prinsipe ng España ang scarlet hood na simbolo ng Civil Law degree at ang isang medalyang pilak na simbolo naman ng karangalan bilang Royal Patron ng Unibersidad.
Ngayon, mas kilala sa katawagang Haring Juan Carlos I ang honorary degree holder na ito ng UST.
Noon po sa Amin
Sa pagpasok sa kolehiyo, maliban sa mataas na kalidad ng pagtuturo, hangad ng bawat mag-aaral ang mapabilang sa isang samahang magpapahalaga sa kani-kanilang interes at hilig, mga organisasyong ang layunin ay mahubog ang tunay na galing ng mga miyembro nito.
Bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaidig, nabuo sa Unibersidad ang dalawampu at apat na samahang kumatawan sa hangarin ng bawat kasapi nitong Tomasino.
Nangunguna sa listahan ng mga organisasyong ito ang Santo Tomas Student Association. Itinatag ito upang magsilbing tulay ng pagkakaisa ng mga mag-aaral ng iba’t ibang kolehiyo. Layon din ng samahan ang mapaunlad ang kaisipan, pangangatawan, at pang-isipiritwal na aspekto ng mga Tomasino.
Kasabay nito, bumuo rin ng mga grupo ang iba’t ibang mag-aaral ng UST. Umusbong ang Medical Society ng Faculty of Medicine and Surgery; Pharmaceutical Society ng College of Pharmacy; Civil Engineering Society, If-my-Club, at UST Engineering Soceity ng Faculty of Engineering; Housekeeper’s Club ng mga mag-aaral ng kursong Home Economics; Ateliers Club ng mga mag-aaral ng kursong Arkitektura; UST Law School Debating Society ng UST Faculty of Civil Law; at ang UST Press Club ng Faculty of Philosophy and Letters (ngayo’y Faculty of Arts and Letters).
Samantala, bilang isang Katolikong institusyon, nagtatag rin ang mga mag-aaral ng mga samahang may layuning mapaunlad ang buhay-ispiritwal ng mga mag-aaral: ang Theological Society; Holy Name Society na itinatag bilang pamamata sa Banal na Pangalan ni Hesus; at ang Junior Catholic Women na katesismo ang pangunahing gawain.
Hindi rin nagpahuli ang mga Tomasinong makata, sa mga taong iyon. Umusbong noong 1930 ang The Quill at ang UST Literary Society, na kapwa naghahangad na paunlarin at palaganapin ang panitikan sa Unibersidad. Ang mga pangalang Jose Villa Panganiban, Paz Latorena, Mercedes Grau Santamaria, Clemencia Joven Colayco, at Carmen Ledesma ang ilan sa mga naging bunga ng samahang ito.
Noong Agosto 28, 1928, naitatag ang kauna-unahang fraternity sa UST, ang Alpha Sigmu Tau. Agad na sinundan ng mga kababaihan ang kapatirang ito noong 1930 nang itatag nila ang Epsilon Kappa Phi, ang kauna-unahang sorority sa Unibersidad.
Kinupkop naman ng UST Musical Society ang mga mag-aaral na mahuhusay sa pag-awit at pagtugtog ng mga instrumento. Samantala, ang mga atletang Tomasino naman ang bumuo sa UST Athletic Association.
Maliban sa mga mag-aaral, bumuo rin ng samahan noong 1931 ang mga propesor ng Unibersidad. Tinawag nila itong Faculty Club. Hangad ng samahan ang maayos na ugnayan ng mga guro at pagpapaunlad ng mga miyembro nito sa pamamagitan ng regular na pagpupulong.
Matapos ang digmaan, nag-iba-iba na ng pangalan at anyo ang mga ito. Ang Santo Tomas Student Association ay tinatawag na ngayong Central Student Council; ang Thr Quill ay nabubuhay sa kasalukuyan bilang The Flame, ang opisyal na pahayagan ng AB; at UST Faculty Club naman ay kilala na bilang UST Faculty Union.
Tomasino Siya
Nagsilbi sa bayan bilang abogado, ekonomista, at guro ang matagumpay na Tomasinong si Dr. Jaime Hernandez.
Ipinanganak sa Libmanan, Camarines Sur noong Hulyo 11, 1892, higit na nakilala ang pangalan ni Hernandez nang maglingkod ito bilang Kalihim sa Pananalapi sa ilalim ng limang Pangulo ng Pilipinas—Manuel Quezon, Sergio Osmeña, Manuel Roxas, Ramon Magsaysay, at Carlos Garcia.
Nagtapos sa UST ng mga kursong Master of Laws (1935) at Doctor of Laws (1937), naunang itinalagang Deputy Auditor si Hernandez sa Capiz, Aklan. At dahil sa kanyang kahusayan, naitalaga siya bilang district auditor sa Albay, Cebu, Pangasinan, bago maitalaga sa Maynila, sa ilalim ng Bureau of Audits.
Si Hernandez ang kauna-unahang Pilipinong insular auditor sa ilalim ng pamahalaang Amerikano.
Noong 1935, sa kainitan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kasama siya sa pangkat ng Pamahalaang Pilipinas na ipinatapon sa Estados Unidos.
Isa sa pinakamahalagang naiambag ni Hernandez sa bansa ang pamumuno niya ng isang survey mission sa Japan noong 1954. Mula rito, nagawa niya ang “Hernandez Reports” na pinagbatayan ng pamahalaan sa hiningi nitong bayad-pinsala laban sa pamahalaan ng mga Hapon.
Sa pamamagitan ng natatanging kahusayan, pinagbuti ni Hernandez ang kalagayan ng lungsod ng Naga sa Bicol. Doon, itinatag niya ang itinuturing na pinakamalaking bangko-rural sa rehiyon, ang Rural Bank of Nueva Caceres. Naging pangulo rin siya ng Bicol Electric Company.
Sa larangan ng edukasyon, minsang nagsilbi si Hernandez bilang pangalawang pangulo ng University of the East sa Maynila. Samantala, itinayo naman niya noong 1948 sa lungsod ng Naga, ang Nueva Caceres Colleges na naging Unibersidad noong 1954.
Bilang abogado, natanggap si Hernandez sa American Bar noong 1942.
Dahil sa mga ipinamalas, iginawad ng UST Alumni Association noong Enero 1976 kay Hernandez ang Golden Medallion Award sa larangan ng Economics at Public Service.
Tomasalitaan
Prakaso – (pangngalan) pagbagsak; bangkarota; kalugihan
Nagresulta sa isang malawakang prakaso ng ekonomiya ang pag-atake ng mga terorista sa Estados Unidos.
Mga Sanggunian
De Ramos, Norberto. I Walked with Twelve UST Rectors. UST Press. 2000.
Lim-Pe, Josefina. University of Santo Tomas in the Twentieth Century. “Pre-War Organizations.” UST Press. 1973. 185-189.
The Varsitarian. (Tomo 45, Blg. 23). 20 Pebrero 1974. 1.
UST Alumni Association, Thomasian’s Who’s Who. Tomo 1. 1982. 85.