MAAARI na ngayong makatanggap ng diploma mula sa Europa ang mga Tomasino nang hindi umaalis sa Pilipinas.
Nakipag-ugnayan ang College of Commerce and Business Administration sa International University of Cooperative Education (iUCE) ng Alemanya upang buuin ang kauna-unahang German-Filipino dual double bachelor program sa bansa.
Ang mga mag-aaral na mag-eenroll sa nasabing programa ay makatatanggap ng dalawang titulo: isang diploma ng Business Administration mula sa UST at isang diploma naman ng International Business Management mula sa iUCE.
Dalawang taon ang gugugulin ng isang mag-aaral para sa curriculum na inihanda ng UST, samantalang tatlo’t kalahating taon naman ang gugugulin para sa curriculum ng Alemanya at pagsusulat ng thesis.
Humigit-kumulang 45 na mag-aaral ang planong tanggapin ng kolehiyo para sa double bachelor program, ani Ma. Soccoro Calara, dekano ng College of Commerce and Business Administration.
Sa kabuuan, nagkakahalaga ng P793,200 ang lima at kalahating taong kurso kung isasama ang isang taong pananatili sa Alemanya. Kung pipiliin ang pag-aaral sa Pilipinas lamang, tinatayang aabutin sa P575,200 ang matrikula.
Walang katiyakan
Sa kabila nito, walang kasiguraduhan kung matatanggap ang mga nagsipagtapos ng programa sa iba’t ibang kompanya sa Alemanya at ibang bansa.
“We cannot compel the companies to accept the graduates,” ani Calara. “[However, what] we can assure is, [the program] can [provide] what the industry needs.”
Ayon kay Holger Manzke, bise presidente ng German-Philippine Chamber of Commerce and Industry, hindi pa sapat ang edukasyon sa Pilipinas sa larangan ng komersyo.
“The industry is complaining of the education’s insufficient integration of the industry [as] the education system [here] is not really having enough practice,” ani Manzke sa orientation ng programa na ginanap noong Agosto 16-17 sa Thomas Aquinas Research Complex Auditorium.
“Students should not only learn theories in the school but also have a good introduction to the work that will they will later do in the company,” aniya.
Ayon kay Dean Eduardo Ong, tagapangasiwa ng edukasyon ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, hindi natutugunan ng ilang mga unibersidad sa Pilipinas ang pangangailangan ng industriya.
“[There is a lack of] immersion of students to the industry, which universities are not giving much emphasis [on],” ani Ong sa Varsitarian. “Trainings [should be] in-depth and not just [devoted on] clerical responsibilities.”
Ayon naman kay Nona Ricafort, commissioner ng Commission on Higher Education, ang kakulangan sa mga pagsasanay ng mga mag-aaral ay maaaring maiugnay sa paraan ng pagtuturo ng kurso sa mga unibersidad.
“Ayon sa analysis [na isinagawa ng komisyon], karamihan ng mga course heavily relies on theories,” ani Ricafort. “[But] this one (dual study program) will be both heavy on application and theories, which is attuned to the demand of the international market.”
Ang dalawang araw na orientation ay dinaluhan ni Eric Swehla, pangulo ng iUCE; Clarita Carillo, UST vice rector for academic affairs and research; at mga kinatawan ng iba’t ibang kumpanya sa Pilipinas at sa Alemanya.