NOON pa man ay masalimuot na ang pinagdadaanang proseso ng isang Tomasino makamit lamang ang inaasam na diploma.

Malimit na maririnig mula sa mga estudyante ng UST ang katagang “hell week” na kadalasang tumutukoy sa isang linggong pagdurusa dahil sa sunod-sunod na mga deadline at pagsusulit. Ngunit lingid sa kaalaman ng nakararami, mas mahirap ang naging karanasan ng mga mag-aaral noon.

Noong 1619, nagkaroon ng tinatawag na “Noche Triste” o malungkot na gabi sa Unibersidad.

Tumutukoy ito sa isang gabi bago ang mga lubos na kinatatakutang mga pagsusulit na kailangang pagdaanan ng mga mag-aaral para makakuha ng licentiate degree sa Pilosopiya o Teolohiya, kaya naman sinasabing nagkakaroon ng nakabibinging katahimikan at nakapaninindig-balahibong hangin sa Unibersidad tuwing ito ay idaraos.

Bagaman nakagisnan nang tawagin bilang malungkot na gabi upang isalarawan ang pighating nararanasan nila, higit pa sa isang gabi ang itinatagal ng Noche Triste. Ginamit ang katawagang ito sa kabuuang panahon ng pagdaraos ng pagsusulit hanggang sa paghihintay ng resulta nito.

Nagsisimula ang proseso sa pagpapadala ng isang mag-aaral ng liham hinggil sa kaniyang pagnanais na magkamit ng degree sa Arsobispo ng Maynila na tumatayong chancellor ng kolehiyo.

Susundan ito ng asignación de puntos o ang pagbibigay ng saklaw ng mga aralin na kinakailangang saulado na ng mag-aaral para sa mga mahahabang pagsusulit.

Walang nakaaalam kung ano ang magiging saklaw ng pagsusulit maging ang maestroescuala na magbibigay nito sapagkat natutukoy lamang ito sa mismong araw sa pamamagitan ng pagbuklat sa isang libro ng anim na beses para sa dalawang lecciónes.

Bibigyan ang mag-aaral ng isang oras upang pag-isipan ang kaniyang mga proposisyon hinggil sa lecciónes na kinakailangan niyang iprisinta at idepensa kinabukasan, matapos ay magpapatuloy ang pagsusulit sa ika-lima ng hapon kung saan bibigyan ng isang oras kada paksa ang mag-aaral para magbigay ng diskusyon.

READ
Sin tax, hindi nailayo ang kabataan sa bisyo

Magkakaroon ng labing-anim na argumento sa kabuuan ng apat na oras na pagsusulit na kinakailangang masagot ng mag-aaral.

Matapos nito, magkakaroon ng deliberasyon sa pamamagitan ng pagboto ng mga tagapagbigay ng pagsusulit gamit ang dalawang bola na may mga nakasulat na “reprobado” o bagsak at “aprobado” o pasado. Kinakailangang makakuha ng walong aprobado ang mag-aaral upang matukoy ang resulta ng pagsusulit.

Hindi na kinakailangan pa pagdaanan muli ng mga mag-aaral na nagnanais magkamit ng master’s degree ang Noche Triste sapagkat nakalaan lamang ito para sa mga kumukuha ng licentiate degree.

Tomasino siya

Alam n’yo ba na isang Tomasino ang kinikilala sa larangan ng agham at teknolohiya dahil sa pagsusulong ng multi-disciplinary approach sa pananaliksik at pagpapaunlad ng siyensiya sa bansa?

Si Lydia Tansinsin, nagtapos ng kursong B.S. Chemical Engineering noong 1954 sa Unibersidad, ay ang kauna-unahang babaeng tagapangulo ng Board of Examiners for the Licensure Examination for Chemical Engineers at ng Professional Regulation Commission.

Siya rin ang kauna-unahang Pilipino na naging honorary engineer sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at ang naging unang pangulo ng Philippine Association for the Advancement of Science and Technology.

Noong 1980, isinali niya ang Science and Technology Chapter sa Philippine National Development Plan na naglalayong higit na paunlarin at pabilisin ang inobasyon ng teknolohiya sa bansa.

Si Tansinsin ang isa sa mga nagsulong ng Magna Carta for Scientists and Technologists o Republic Act 8435, na nagbigay daan upang mabigyan ng mga benepisyo tulad ng hazard allowance, honorarium at scholarship programs ang mga siyentipiko at iba pang dalubhasa sa bansa.

READ
That's a wrap

Matapos nito, pinangunahan ni Tansinsin ang pagpapatupad ng mga proyekto at polisiya gamit ang pondo at suporta mula pa sa ibang bansa tulad ng “Balik Scientist Program,” kung saan hinihikayat ang mga Pilipinong siyentipiko na bumalik sa bansa upang ibahagi ang kanilang karunungan sa lupang pinagmulan.

Pinangunahan din niya ang iba’t ibang ASEAN non-conventional energy projects tulad ng biogas technology, solar at wind assessment at geothermal utilization project para sa solar at wind mapping sa bansa.

Tomasalitaan

Salaghati (PNG)—pagkainis, pagkayamot;

Hal.: Hindi na kinaya pa ni Ally na ikubli ang matagal nang kinikimkim na salaghati kay Jon.

Mga Sanggunian:

Designation of Engr. Lydia G. Tansinsin as Officer-In-Charge of the PCIERD. Nakuha mula sa http://records.dost.gov.ph/index.php?option=com_docman&task=doc_ details&gid=3340&Itemid=6

Dr. Lydia G. Tansinsin. Nakuha mula sa http://montinola.org/dr-lydia-g-tansinsin/

Dr. Lydia G. Tansinsin. Nakuha mula sa http://www.zoominfo.com/p/Lydia-Tansinsin/1162103562

Villarroel, Fidel (2012). A History of the University of Santo Tomas: Four Centuries of Higher Education in the Philippines, 1611-2011 (Vol. I) Manila: UST Publishing House.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.