KUNG ikaw ay ipinanganak na may kapansanan, nakikita ka ba ng iba bilang isang tao sa unang tingin? O ang iyong inkapasidad ba agad ang nagbibigay ng depinisyon sa iyong pagkatao?

Ayon sa pinakahuling datos ng World Health Organization (WHO) noong 2010, mahigit sa isang bilyon o 15 porsiyento ng populasyon sa buong mundo ang mayroong pisikal na kapansanan na nagsisilbing hadlang sa kanilang pamumuhay. At 80 porsiyento mula sa bilang na ito ay mula sa mga developing countries, kung saan limitado ang serbisyong rehabilitasyon para sa kanilang kalagayan.

Isa na rito ang Filipinas. Nakasaad sa 2010 datos na inilabas ng National Statistics Office (NSO) na mayroong 16 na “persons with disability” (PWD) sa bawat 1,000 Filipino, 40 porsiyento nito ay nagmula sa pangkat na may edad na 15 hanggang 49.

Kung ganito kalaki ang populasyon ng mga taong may kapansanan sa ating bansa, bakit sila hindi mabigyan ng puwesto at kahalagahan sa lipunan?

Bago pa man magkaroon ng terminong PWD, ang malimit na ginagamit na salita patukoy sa mga may kapansanan ay negatibo, tuland ng “lame” o “crippled” o “baliw.” Para sa iba, walang masama rito. Ngunit, natanong na ba natin ang ating mga sarili kung gaano kinahon ng mga salitang ito ang mga taong may kapansanan na hindi naman ginusto ang kanilang kalagayan?

Sa pamamagitan ng terminong PWD, nagkaroon sila ng pagkikilala bilang mga tao na likha rin ng Panginoon at mga indibidwal na kapantay ng mga normal na tao. Sa ating bansa, nakasanayan na natin tingnan nang may awa sa ating mga mata ang mga PWD o kaya naman ay isipin na sila ay mas mababa sa atin dahil sa kanilang mga “pagkukulang.”

READ
New York cardinal praises Filipinos' Marian devotion

Hindi man natin ito namamalayan, nakikita at nararamdaman ito ng bawat PWD. Tuluyan lamang nagiging disabled kung pati ang tingin nila sa kanilang sarili ay walang kapasidad at kakayahan.

Nakakabahalang isipin na kaysa protektahan natin ang mga PWD, tila tinutulak pa natin ang kanilang kalooban papalayo sa atin.

Dahil dito, sila ay nagkakaroon ng takot sa lipunan at nahihiyang maging sa paghingi ng tulong sa atin at sa ating pamahalaan. Sa huli, nakikita nila ang kanilang mga sarili bilang kahihiyan sa lipunan.

Subalit, tila hindi prayoridad ng pamahalaan ang mga pangangailangan ng mga PWD. Makikita natin ito sa mga itinatayong imprastruktura at gusali na walang mga tiyak na pasilidad para sa madaling pagpunta at paggamit ng mga taong may kapansanan.

Malinaw na nakasaad sa Republic Act 7277 na bahagi ng ating lipunan ang mga PWD at kailangan silang bigyan ng suporta ng pamahalaan para sa kanilang pangkalahatang pagpapabubuti sa sarili.

Gayunpaman, kahit maganda ang layunin ng batas na ito, hindi pa rin ito lubusang naisasakatuparan.

Kaysa mapaglaanan ng pondo ang mga pangangailangan ng bawat PWD, mas napupunta pa ang kaban ng bayan sa mga proyektong wala namang makabuluhang benepisyo sa lahat.

Nariyan ang kamakailan lamang na isinakatuparang paggamit ng smart card na Beep para sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT). Sa simula pa lang, hirap nang gumamit ang mga PWD ng LRT at MRT ng walang gabay ng ibang tao ngunit kaysa bigyan ng atensiyon ang problemang ito na sana ay may solusyon na dati pa, ito ay hindi napagtuunan ng pansin.

READ
UST must brush up its global image

Isang pang malinaw na halimbawa ng pagwawalang-bahala ng gobyerno sa mga alalahanin ng PWD ay ang mga makikitid na pintuan ng mga silid sa mga pampublikong opisina at maging sa ibang mga ospital at klinika, na hindi madaanan ng wheelchair na kadalasang gamit ng mga PWD.

Nariyan din ang maliliit na sukat ng mga banyo na hindi magamit ng mga PWD. Nakakalimutan ding lagyan ng mga rampa ang harapan ng mga gusali at handrail ang gilid ng hagdanan para sa mas madaling nilang transportasyon.

Maging sa trabaho, mas maliit ang oportunidad para sa mga PWD kaysa sa mga walang kapansanan. Marahil ito rin ay dahil sa diskriminasyon sa mga PWD.

Malaki ang pagkakaiba natin sa Amerika kung saan maging ang ilang silid-pahingahan ay may braille na nakadikit sa pader para sa mga bulag. Maraming trabaho rin ang bukas sa bansang ito para sa mga PWD na may sapat na suweldo at konsiderasyon sa pasilidad ng mga opisina.

Hindi maitatanggi na maaaring ang problema ay nakaatang sa ating kultura bilang Filipino na matagal nang nakakahon sa pag-iisip na ang mga PWD ay pasakit. Dahil dito nagkakaroon ng problema sa komunikasyon o social barriers sa pagitan ng mga normal at mga may kapansanan, na mahirap buwagin.

Kadalasan, nakakaligtaan natin na bilang mga mamamayan, tungkulin nating makipagkapuwa-tao at respetuhin ang dignidad ng bawat isa, normal man o may kapansanan.

May kakayahan tayong hubugin ang tiwala ng mga PWD sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila na sila ay may importansya rin sa ating komunidad at pagkumbinsi sa kanila na kaya rin nilang makipagsabayan sa iba’t ibang larangan.

READ
Bagong dekada ng kalidad na pagsusulat

Dito pumapasok ang Community-Based Rehabilitation (CBR) kung saan tinuturuan ang mga PWD at kanilang mga pamilya ng mga nararapat na exercises at treatments para sa kanilang kondisyon. Layunin ng CBR na maging independent ang bawat PWD at mamuhay sila ng may sariling kasarinlan.

Maging ang Unibersidad ng Santo Tomas ay nagsisikap na maging bahagi ng CBR taon-taon. Sa kasalukuyan, may walong partner communities ang UST para sa CBR, kabilang ang mga lugar sa Naga City, Camarines Sur at Bataan.

Sa huli, responsibilidad ng bawat isa sa atin na ipakita sa mga PWD na sila ay may lugar din sa ating lipunan. Kailangan nating ipadama sa kanila na sila ay hindi naiiba sa ating mga normal na Filipino upang sila ay magkaroon ng tunay na kasarilan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.