KUNG nagkaroon kamakailan ng mainit na pagpuna sa The Da Vinci Code ni Dan Brown, nagkaroon din ng kaparis na reaksiyon noong 1950 nang maging kontrobersiyal ang isang libro tungkol kay Rizal.

Noong Enero 28, 1950, naglunsad ng protesta sa loob ng Unibersidad ang Students’ Catholic Action, isang grupo ng mga estudyante na kabilang ang UST, na dinagsa ng humigit-kumulang 50,000 estudyante mula sa 30 paaralang pribado. Nangyari ito matapos imungkahi ng pamahalaan na gawing required reading sa mga estudyante ng mataas na paaralan ang librong Pride of the Malay Race ni Rafael Palma, isang talambuhay tungkol kay Jose Rizal. Sa Pride of the Malay Race, pinabulaanan ang pahayag ng mga Heswita sa retraction o pagbawi ni Jose Rizal bago siya mamatay sa kanyang mga pagtuligsa sa Simbahan sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo.

Inilabas ang libro noong 1949 at ipinanukalang babasahin ng isang komiteng kinabibilangan nina Ricardo Nepomuceno, Prudencio Langcauon at Asuncion Perez, mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Elpidio Quirino.

Si Palma rin ang nagtatag ng pahayagang El Renacimiento, na nasangkot sa malaking kasong libelo noong 1909 dahil sa inilathala nitong editorial, ang Aves de Rapiña, laban sa isang Amerikanong opisyal. Matapos niyang lisanin ang pagiging peryodista, naging abogado at senador si Palma. Kapatid niya si Jose Palma, ang naglapat ng lirika sa ating pambansang awit.

Pinamunuan nina Marcos Herras, isang abogado at propesor sa UST, at Jose Hernandez, dekano ng kolehiyo ng liberal arts ng Philippine College of Commerce and Business Administration (University of the East sa kasalukuyan) ang pagprotesta na tumagal ng isang araw. Kinondena ni Herras ang diumanong “pagbili ng estado ng mga librong mapanira sa Simbahan gamit ang pera ng bayan.” Ganoon din ang tuligsa ni Hernandez, at binalaan niya na kung itatakda ng pamahalaan ang pagbabasa ng libro sa mga estudyante, magbibigay ito ng matinding dagok sa kanilang pananampalataya dahil taliwas daw ang mga sinasabi nito sa mga turo ng Simbahan.

READ
Self-inflicted pain

Sa isang resolusyon, ipinahayag ni Sixto Roxas, isang delegado ng Ateneo de Manila, ang mga dahilan ng kanilang pagprotesta laban sa libro. Una, binaluktot nito ang “katotohanan” sa usapin ng pagbawi ni Rizal sa mga isinulat niyang mapanira umano sa Simbahang Katoliko. Pangalawa, nabahiran ang karangalan ng mga Heswita dahil sa isinulat ni Palma. At ikatlo, isang paglabag sa prinsipyo ng paghihiwalay ng Simbahan at Estado ang panukalang ipabasa sa mga estudyante ng mataas na paaralan ang anumang literaturang panig o laban sa Simbahan. Sinundan ang protesta ng isang martsa patungo sa Malacañang kung saan ibinigay ng mga raliyista ang kanilang resolusyon kay Bise-Presidente Fernando Lopez.

Tumagal pa ng dalawang buwan ang pagtatalo hinggil sa libro hanggang noong Marso 15, 1950, nang mapagpasyahan ng isang komite ng Kongreso na hindi na gagawing sapilitan ang pagbabasa ng libro. Ruben Jeffrey A. Asuncion

Tomasalitaan:

Hinakdal: sama ng loob

Halimbawa:

Nagkaroon siya ng hinakdal sa kanyang propesor matapos bumagsak sa pagsusulit.

Sanggunian:

The Varsitarian Magazine, Tomo 23, Blg. 3, Pebrero 28, 1950

Sunday Times, Tomo 5, Blg.165, Enero 23, 1950

Sunday Times, Tomo 5, Blg.211, Marso 16, 1950

Unitas, Tomo 23, Blg.1, 1950.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.