Dibuho ni Rey Ian M. CruzHABANG abala ang karamihan sa pagsalubong ng bagong taon, heto ako at nag-iisa sa madilim, mainit at tahimik na lugar na ito.

Dati, pinoproblema ko kung saan kukuha ng pera pambili ng mga bilog na prutas, pansit o kahit tinapay at mantikilya para pagsaluhan ng aking pamilya sa Media Noche. Natatakot pa nga akong maputukan ng five-star sa kalsada kaya hindi ako lumalabas. At halos mapaos na din ako sa kakasaway sa anak kong si Jun-Jun na huwag nang maglaro ng watusi. Noon iyon, hindi na ngayon.

Limang taon ko na ring pinagbabayaran ang kasalanang hindi ko naman ginawa. Pero dahil napagpasyahan ng mga marurunong na ako raw ang may sala, heto’t mula pagdilat sa umaga hanggang sa pagtulog ay rehas ang aking nakikita. Ako raw kasi ang pumatay sa amo kong babae at may malinaw daw akong motibo para gawin iyon. Magnanakaw daw ako. Nanlaban daw si Ma’am at dahil doon ay sinaksak ko raw siya. Akala ko raw ay makalulusot ako pero natagpuan nila sa bag ko ang patalim na ginamit ko sa pagpatay.

Mabilis ang naging proseso. Wala pang isang linggo nang matagpuan ang bangkay ni Ma’am ay kinulong na ako. Lumapit ako sa public attorney’s office pero wala ring nangyari. Walang kalaban-laban akong nasadlak sa impiyernong ito dahil na rin sa kahirapan. Mayroong nagsabi sa akin na kumuha ng pribadong abogado, ngunit wala naman akong sapat na pera para magawa iyon. Wala rin naman kaming malalapitang kamag-anak dito sa Maynila. Kung mayroon man, wala rin naman silang maitutulong dahil pare-parehas lang kami ng katayuan sa buhay.

Wala siguro ako ngayon dito kung hindi ako naging mahirap at naging hardinero. Kasi naman si Ma’am, bakit namatay pa. Kung hindi siguro siya namatay kaagad, masasabi niyang hindi ako ang sumaksak sa kaniya.

Pero sa palagay ko, hindi ang pagiging mahirap o pagiging hardinero ko ang problema. Lalong hindi rin ang pagkamatay ni Ma’am. Ang problema ay napagbintangan ako sa isang bagay na kailanma’y hindi ko magagawa. Wala namang may kagustuhan na mamatay siya, liban nga lamang sa pumatay sa kaniya, na sa aking suspetsa ay ang kaniyang sariling asawa. Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng mga naninilbihan sa mag-asawa na madalas silang magtalo dahil sa pagkalulong ni Sir sa sugal at babae. Mayroon pa ngang mga pagkakataon na napagbubuhatan ni Sir ng kamay si Ma’am lalo na kapag hindi na siya binibigyan nito ng pera dahil nilulustay lamang niya ito sa gabi-gabi niyang pagpunta sa casino. Sa katunayan nga, noong gabi bago matagpuan ang bangkay ni Ma’am ay narinig ko ang pagtatalo nila. Nagising pa nga ako dahil sa lakas ng kanilang mga sigaw. Pero dahil sa pagod ay nakatulog ako ulit. Malalim akong matulog kaya siguro hindi ko namalayan nang mayroong pumasok sa aking silid at naglagay ng duguang patalim sa aking bag.

READ
Mga Asyanong obispo bumisita sa UST

Kumusta na kaya ang pamilya ko? Ang bahay namin, buo pa kaya? Naalala ko, sa tuwing mabubuwal ito ng bagyo ay matiyaga ko itong tinatayong muli gamit ang pinagtagpi-tagping yero. Mayaman din ito sa kalawang na kung sa aksidente’y masugatan ka, walang dudang magkakaroon ka ng…ano nga ba iyon? Titanos? Tetanus? Ewan. Dati nga ay nasugatan ako sa mga yero roon. Natakot nga ako dahil nilagnat pa ako. Buti na lang at nawala rin agad matapos ang dalawang araw. Hindi nga ako nakapasok noon sa trabaho. Buti na lang mabait si Ma’am, kung hindi ay baka nasisante na ako.

Biglang umingay. Naghihiyawan ang mga kakosa ko sa selda. Anong oras na kaya? Siguro malapit nang maghatinggabi. Buti pa sila magkakasama samantalang ako mag-isa rito sa bartolina. Kasalanan ito ni Lucy.

Si Lucy ang asawa ko. Maganda siya ngunit hindi ko maintindihan kung bakit kapag sinasabi ko iyon, hindi siya naniniwala. Mag-asawa na nga raw kami nambobola pa ako. Pero sa totoo lang, maganda naman talaga siya. Balingkinitan ang kaniyang katawan at hindi katangusan ang ilong. Pero mayroon siyang biloy sa magkabilang pisngi. Si Jun-Jun naman ang kaisa-isa naming anak. Kaisa-isa kasi paano ba naman namin siya masusundan gayong narito ako sa Munti hindi ba? Isa pa, mahirap magpalaki ng bata. Hindi naman kami tulad ng iba riyan na anak nang anak pagkatapos ay ipamimigay kapag hindi na kayang buhayin, o ‘di kaya’y pagpapalimusin.

Noong unang araw ko nga rito sa kulungan, dumalaw agad silang mag-ina. Parehong umiiyak.

“Paano na tayo ngayon?” tanong ni Lucy habang humihikbi-hikbi pa.

READ
UST sa gitna ng iskandalo sa PT board exam

“Oo nga Tatay, ayaw mo na ba sa bahay natin? Hindi ka na ba uuwi?”

Hindi ako nakasagot agad. Ayaw kong maawa sa sarili. Pangit iyon.

“Ayaw ba ninyo ito, libre ako sa pagkain, tubig at kuryente? Hindi jumper ang koneksiyon ng kuryente, hindi gaya doon sa atin. Gawa sa semento at rehas ang tinutuluyan ko hindi tulad ng kinakalawang na yero. At higit sa lahat, big time ako dahil maraming nagbabantay sa akin!” sabi ko sabay tawa. Paano kasi, kung sasabay pa ‘ko sa pag-iyak nilang mag-ina, walang mangyayari sa amin. Pare-parehas kaming maaawa sa aming mga sarili, at pare-parehas kaming mawawalan ng pag-asa. Ayaw kong mangyari iyon.

Apat na taon na rin ang nakalipas, mula ng una at huling pagdalaw nilang iyon. Hindi naman ako nagtatampo. Iniisip ko na lang na baka sinuwerte si Lucy, nakapagtrabaho sa ibang bansa at isinama ang aming anak o kaya’y sa probinsiya na nanirahan. Mahirap nga lamang kapag naiisip ko sila, wala man lamang akong matignang litrato. Noong huling dalaw nila, humingi ako. Pero inabot ng mga araw, linggo, buwan hanggang sa naging taon. Walang dumating na litrato, walang dumating na Lucy at Jun-Jun.

Kung hindi dahil sa kanila, siguro wala ako dito sa bartolina ngayon. Kung dumadalaw lamang ba sila lagi, sana hindi ako kinantiyawan ni Berto kanina na naghihintay lang ako sa wala at nakalimutan na. Sana hindi ko nasuntok ang damuhong iyon. Sana hindi nagkasagupaan ang mga kaibigan ko at mga kaibigan niya. Sana wala ako ngayon dito sa bartolina. Sana wala ako ngayon dito.

Isang boses ang pumutol sa aking pagtulog. “Makakabalik ka na sa selda mo.” Si Warden. Pagtayo ko mula sa pagkakahiga, inabot niya sa akin ang isang sulat. Kanino naman kaya galing? Hindi alam sa probinsiya na nakulong ako. Puwera na lamang kung nagpunta doon si Lucy. Nanlamig ako sa nakita kong nakasulat sa sobre nito: “Lucy…” Dali-dali kong binuksan ang liham.

READ
My Catholic journey

Edgar,

Kumusta ka na? Ipagpatawad mo kung hindi na nasundan ang una naming pagdalaw ni Jun-Jun diyan. Naging abala kasi ako sa paghahanapbuhay lalo pa at nagsimula nang mag-aral ang ating anak. Alam kong hindi sapat ang dahilang aking nabanggit upang masagot ang iyong mga katanungan. Ang totoo niyan ay nahihiya ako sa iyo kung kaya’t ngayon lamang ako nagkalakas ng loob na sumulat. Ilang beses ko na ring tinangkang dumalaw sa iyo para kausapin ka nang personal pero natatakot ako.

Edgar, nagpakasal na ako sa iba. Tanggap niya si Jun-Jun at ang aking nakaraan. Alam kong labis kitang masasaktan oras na malaman mo ito. Patawarin mo ako. Wala ka namang naging pagkukulang sa amin ngunit sadyang hindi ko lubos maisip kung makakayanan kong buhayin ang ating anak nang wala akong katuwang. Noon ko nakilala si Juanito. Mabait siya. Sa katunayan ay siya na ang nagpapaaral sa ating anak. Oo nga pala, sa susunod na buwan ay birthday na ni Jun-Jun. Hiniling niya sa akin na makita ka. Dadalhin ko siya diyan ngunit hindi na muna ako magpapakita sa ‘yo. Hindi pa ako handa at alam kong gayon ka rin. Sana ay mapatawad mo pa ako.

Lucy

Binasa ko ulit ang sulat, umaasang nagkamali lamang ako nang pagkakabasa. Pero walang nagbago, iyon at iyon pa rin. Hindi ako makaluha, kahit alam kong labis akong nasasaktan. Unang araw pa naman ng taon ngayon. Bagong taon. Bagong pag-asa. At para kay Lucy, bagong asawa. Bagong katuwang sa buhay.

Isang taon na naman ang lumipas. Isang taon man ang nabawas sa sentensiya kong 40 taon, isang taon din naman ang nadagdag mula noong huli kong makita sina Lucy at Jun-Jun.

Napapikit ako at bigla kong naisip ang isang lalaki na karga-karga si Jun-Jun habang nakakapit sa kanyang braso ang aking Lucy. Tuluyan na akong napaluha. Sa aking pagmulat ay namataan ko si Bertong ngingisi-ngising nakatingin sa akin. Nagdilim ang aking paningin. Sa isang iglap ay dumapo ang aking kamao sa humpak na pisngi ni Berto. Nagkagulo ang buong selda. Sa bartolina na naman ako matutulog mamaya.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.