DAGDAG kaalamang panrelihiyon mula sa libreng edukasyon.

Tinanggal noon ng Unibersidad ang matrikula sa mga asignaturang panrelihiyon upang makaakit ng mga mag-aaral na kumuha nito.

Taong 1939 nang ipinatupad ng dating rekotor na si P. Silvestre Sancho, O.P. ang panukalang ito upang mapalawak ang edukasyong panrelihiyon sa Unibersidad. Ninais niyang mapalawak ang edukasyong panrelihiyon dahil sa pagtawag ng Santo Papa na si Leo XIII na ang Unibersidad ay Pontifiical noong 1902.

Marami ang agad na kumuha ng oportunidad na ito, pati na rin ang mga guro dahil bagaman libre ang bayad ng mga mag-aaral sa mga asignaturang ito, nananatili silang sinusuwelduhan ng Unibersidad.

Lumaki ang populasyon ng mga mag-aaral na kumukuha ng paksang relihiyon at maaring ito ang nagdulot sa pagiging opisyal na Katoliko ng Unibersidad, taong 1947 na iginawad ng Santo Papa na si Pius XII.

Tinanggal ang sinabing panukala ng dating rektor nang patuloy na dumami ang mga mag-aaral at hindi na kaya ng Unibersidad ang magbigay ng libreng pagtuturo.

Tomasino siya

Alam n’yo ba na isang Tomasino ang namumuno ngayon sa tanyag na Texas Instruments Philippines (TI Philippines) na kilala sa larangan ng makabagong teknolohiya?

Nagtapos ng kursong Electronics and Communications Engineering, unang namasukan bilang product engineer ng TI Philippines si Engr. Norberto Viera noong 1979. Dito nahubog ang kaniyang galing sa pangangasiwa na nagdala sa kaniya sa pagiging pangulo at managing director nito noong 1996 hanggang kasalukuyan.

Hindi naging madali para kay Viera ang pagpananatili ng TI Philippines bilang pinakamalaking tagapagtustos ng mixed signal and analog integrated circuit products sa buong bansa. Dahil dito, pinangunahan ni Viera pagtatatag ng panibagong pabrika ng Texas Instruments sa Clarkfield, Pampanga na nakapagbigay ng 3,000 na trabaho sa mga Pilipino.

READ
UST admin, tinanggal na guro, 'di nagkasundo

Patuloy sa pag-asenso ang TI Philippines sa pamamahala ni Viera at naitalang umaabot sa mahigit 2.1 bilyong dolyar ang export value nito sa bawat taon.

Si Viera ay ginawaran ng iba’t ibang parangal gaya ng Centennial Award, Total Thomasian Award for Science and Technology at Hall of Fame Award sa larangan ng pag-iinhinyero.

Kasalukuyan siyang naninirahan sa lungsod ng Baguio kung saan unang itinayo ang Texas Instruments Assembly and Test Facility sa bansa na nagbukas ng 2,500 na hanapbuhay. Jonah Mary T. Mutuc

Tomasalitaan:

Aranya (png) —magagarbong ilaw, chandelier

Halimbawa: Ipinag-utos ni Encar ang paglalagay ng aranya upang mapaganda pa ang bulwagang pagdarausan ng pagtitipon bukas.

Mga Sanggunian:

De Ramos, N.V. I Walked With Twelve UST Rectors. Central Professional Books Inc., 2000

Ust.edu.ph

http://www.workforce.com/section/hr-management/feature/global-workforce-report-emerging-markets-expanding-the/45th annual meeting of Philippine Economic Society Souvenir Program

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.