NITONG mga huling araw ay nabalot ako ng magkahalong saya, pangamba, at lungkot. Saya dahil sa wakas ay nagbunga na rin ang apat na taon ko sa kolehiyo, at nakamit ko na ang pinakaaasam kong diploma; pangamba dahil hindi ko pa natitiyak kung ano ang naghihintay sa akin sa labas ng Unibersidad; at lungkot dahil iiwan ko ang pamantasang buong-pusong kumanlong sa akin mula noong ako’y 15 taong gulang pa lamang.
Sariwa pa sa aking alaala ang unang pagtapak ko sa Unibersidad na ito. Labing-apat na taong gulang ako noon, at lumiban pa ako sa klase para ipasa ang aking application form sa Main Building. Wala akong kamalay-malay na iyon na pala ang hudyat ng aking pagiging Tomasino. Sa katunayan, hindi ko naman pinangarap na maging Tomasino. Ngunit sadyang nakatadhana akong sa kanlungan ni Santo Tomas mapunta.
Sa paglipas ng panahon, unti-unti kong natutunang mahalin ang UST. Natutunan kong mahalin ang mga rumaragasang sasakyan ng España; ang mga karinderya ng P.Noval; ang baha ng Dapitan; at ang mga maliliit na tindahan ng Lacson.
Lubos akong nagpapasalamat sa Unibersidad ng Santo Tomas, hindi lamang sa karunungang ibinahagi nito sa akin, kundi pati na rin sa mga taong nakilala ko sa pamamalagi ko sa institusyong ito.
Sa aking mga naging propesor, lalung-lalo na kay Jeremaiah Opiniano, sa pagbabahagi ng inyong mga kaalaman na bagaman ipinagpalalagay naming ang iba’y hindi naman namin magagamit, ay buong-husay n’yo pa ring ibinahagi sa amin. Salamat Ma’am at Sir sa lahat-lahat, lalo na sa mga gintong aral na napulot namin sa inyo;
Sa aking mga kamag-aral sa JRN1, lalung-lalo na kina Pineda at Mich, sa pagiging tunay kong mga kaibigan.
Sa mga kapanalig ko sa thesis na sina Mich, Erika, at Maica, na kasabay kong nakaramdam ng tensiyon at taranta sa ating “pases” para makamit natin ang ating mga diploma.
***
Sa loob ng isa’t kalahating taon, ang pagiging bahagi ng Varsitarian ay isa sa pinakamagandang bagay na nangyari sa akin. Bagaman freshman pa lang ako ay gusto ko nang sumali, naunahan ako ng pangambang baka hindi ako pumasa kaya’t noong 2009 lang ako sumubok, dahil na rin sa pang-uudyok ng isang kamag-aral. Lubos na napamahal sa akin ang ‘V’, lalung-lalo na ang mga taong naging bahagi at bahagi nito.
Ang pagpapaalam sa ‘V’ ay maihahanlintulad sa pakikipaghiwalay sa iyong minamahal, masakit ngunit kailangan mong gawin dahil kailangan n’yong magpatuloy at umunlad bilang mga indibidwal. Kaya sa abot ng aking makakaya’y susubukin kong magpaalam sa mga taong naging karamay ko sa lungkot at saya—sa mga taong itinuring kong pamilya.
Kay Sir Lito, Sir Ipe, at Sir Ian, sa pagiging ama n’yo sa aming lahat. Madalang man namin kayong makasama ay ramdam namin ang inyong pagpapahalaga sa bawat isa sa amin;
Kay Kuya Cliff, sa iyong walang patumanggang determinasyon at pagmamahal sa aming lahat, sa kabila ng mga kabiguang idinudulot namin sa iyo sa bawat pagtatapos ng cycle;
Kay Paeng, gayon din kay Arra at Jonnie, kayo na ang bahala sa Pinoy. Huwag na huwag n’yong pababayaan ang seksiyong minahal ko at patuloy kong mamahalin;
Kay Robin G., na lagi akong inaasar, hindi kita makalilimutan at tandaan mong nandito lang ako lagi para makinig sa mga drama mo;
Kay Rose, ang aking paboritong extra-editorial partner, na katuwang ko rin sa mga kuwento kong pangtelenobela: Walang limutan, at alam mo naman kung gaano kita kamahal;
Kay Cha, ang kasingmaldita kong “mars,” salamat sa mga tawanan natin at sa pagiging isa sa mga tunay kong kaibigan. Hindi man tayo naging malapit sa klase, nadama ko naman ang pagkakaibigan natin sa ‘V’;
Kay Ailex, ang mortal kong kaaway at kaasaran: Hahanap-hanapin ko ang pagtutulakan natin sa daan, pagpapalitan ng maaanghang na mga salita, mga kuwentuhan, tawanan, at siyempre ang ating katakawan. Kahit parehas nating hindi matukoy kung kailan at paano tayo naging malapit na magkaibigan, nagpapasalamat pa rin ako dahil naging bahagi ka ng buhay kolehiyo ko. Ikaw na ang bahala sa ‘V’, alam naming kayang-kaya mo iyan;
At sa mga pinakamatatalik kong kaibigan sa ‘V’—Frau, AJ, at Jilly: Mahal na mahal ko kayo. Salamat sa pagtitiwala at sa pagkakaibigan. Naging bahagi kayo ng buhay ko at patuloy kayong magiging bahagi nito. Walang limutan.
Ngayon ay tuluyan ko nang masasabing, “Minsang ‘V’, Mananatiling ‘V’!”