Agosto 10, 8:00 p.m. – IGINAWAD ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (Umpil) ang Gawad Pedro Bukaneg para sa taong ito sa Varsitarian bilang pagkilala sa mga naibahagi nito sa panitikan.
“Ang pagtataguyod ng The Varsitarian ng taunang Ustetika na nagluwal sa maraming tanyag nang manunulat sa ngayon at ang patuloy nitong paglinang ng mataas na disiplina sa sining ng pamamahayag sa kasapian nito ay kapuri-puri at karapat-dapat na kilalanin at pahalagahan,” ani Michael Coroza, kalihim pangkalahatan ng Umpil.
Ang Ustetika, sa higit 26 taon nito, ang nananatiling pinaka-prestihiyoso at pinakamatandang campus literary contest sa bansa.
Ang Varsitarian ang kauna-unahang pahayagang pang-mag-aaral na ginawaran ng naturang parangal.
Ani Coroza, ang Gawad Pedro Bukaneg ay iginagawad ng Umpil sa natatanging samahang pampanitikan “na walang tugot na nagbibigay ng puwang sa paghubog ng mga susunod na henerasyon ng mga manunulat at mambabasa tungo sa lalong pagyabong at paglaganap ng Pambansang Panitikan ng Filipinas.”
Pormal na tatanggapin ng Varsitarian ang parangal sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman sa Agosto 27. Ito ang magiging tampok na bahagi ng ika-37 na Kongreso ng Umpil.
Sa ika-83 taon ng Varsitarian, nananatili itong aktibo sa mga gawaing pampanitikan sa pamumuno ng mga seksyong Panitikan at Filipino. Ilan sa mga extra-editorial activities na patuloy na isinasagawa bilang tulong sa pagyabong ng panitikan at peryodismo ay ang Fiction Workshop (na ngayong taon ay magkakaroon na rin ng parallel poetry sessions), ang national journalism fellowship na Inkblots, at J. Elizalde Navarro Workshop on Art Criticism. Camille Anne M. Arcilla
Congratulations, Varsitarian! 🙂