ISA NANG “National Historical Landmark” ang buong kampus ng UST.

Ito ay sa pamamagitan ng Resolution No. 5, series of 2011 ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) noong Mayo 24.

Naaayon din ito sa Republic Act (RA) 10086, o ang batas na naglalayong palakasin ang nasyonalismo ng mga Pilipino sa pamamagitan ng kasaysayan ng Pilipinas.

Ayon kay Augusto de Viana, tagapangulo ng Department of History, isinulong niya ang resolusyon na maitanghal ang Unibersidad bilang “national historical landmark” dahil sa “hindi matawarang ambag ng UST sa kasaysayan ng Pilipinas.”

Ayon sa RA 10086, ang isang “national historical landmark” ay isang lugar o istruktura sa bansa na nagkaroon ng malaking ambag sa kasaysayan ng Pilipinas.

“Dahil sa 400-taong paghuhulma ng pamantasan sa lipunang Pilipino [kaya naideklara ang UST bilang isang ‘national historical landmark’],” ani Regalado-Trota Jose, archivist ng Unibersidad.

Nagsilbing kanlungan ng mga bayani gaya nina Jose Rizal, Apolinario Mabini, at Emilio Jacinto ang Unibersidad. Sa UST din nagtapos ang apat na pangulo ng Pilipinas na sina Manuel Quezon, Sergio Osmeña, Jose Laurel, at Diosdado Macapagal.

Maaalalang ang Sampaloc campus ng UST ay naging internment camp noong pananakop ng mga Hapon at naging saksi rin ito sa marami pang pangyayari sa kasaysayan ng bansa.

UST lamang ang natatanging pamantasan na binisita ng dalawang Santo Papa ng tatlong beses–sina Pope Paul VI noong Nob. 28, 1970, at Pope John Paul II noong Peb. 18, 1981 at January 13, 1995. Taong 1995 nang ganapin ang World Youth Day sa Pilipinas, kung saan nagsilbi ang UST bilang isang venue ng naturang pagdiriwang.

READ
Overworked yet fortunate

Ani De Viana, maglalagay ng palatandaan sa isang prominenteng lugar sa loob ng campus sa pagtatapos ng Quadricentennial celebration sa Enero 2012.

“Ito (ang pagkilala ng NHCP sa UST bilang “national historical landmark”) ang pinakamataas na antas ng pagkilala ng bayan sa isang makasaysayang lugar,” ani Jose.

Ayon naman kay De Viana, hindi na maaaring basta-basta gumawa ng mga pagbagago sa mga gusali ng UST sapagkat ito ay napo-protektahan na ng RA 10086 o “National Heritage Act.”

“Bago gumawa ng alterations, renovations, o reparations sa buildings, especially sa Main Buliding. Kailangan munang ipagpaalam ito sa [NHCP],” ani De Viana.

Dagdag pa niya, maaari na ring makatanggap ng technical aid ang UST mula sa NHCP upang pangalagaan ang pagiging “national historical treasure” nito.

“Kung may mga gusto tayong ipaayos, like the statue of Benavides, we can ask help from the NHCP. They can refurbish it,” ani De Viana.

Noong Enero ng nakaraang taon, kinilala ng National Museum ang apat na estruktura ng UST bilang mga “national cultural treasures.” Ang naturang mga istruktura ay ang Main Building, Central Seminary, Arch of the Centuries, at Grandstand at mga open spaces.

Ayon sa Seksyon 3 ng Cultural Properties Preservation and Protection Act, ang isang “national cultural treasure” ay bukod-tanging bagay na makikita sa loob ng Pilipinas na nagtataglay ng walang kapares na kultural, historikal, masining, o siyentipikong halaga.

Ang UST ang natatanging Unibersidad na kinikilalang “national historical landmark” ng bagong NHCP, habang ang apat na istruktura sa UST ay bukod-tanging “national cultural treasures” na matatagpuan sa isang unibersidad. REDEN D. MADRID

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.