OPISYAL nang nakuha ng UST ang Guinness World Record para sa “largest human cross” na isinagawa sa open field noong Marso 9, ayon sa Office of the Secretary General.
Batay sa talaan ng Guinness, ang pangyayaring isinabay sa pagdiriwang ng Ash Wednesday ay nilahukan ng 13,266 Tomasino—lubhang mababa sa naunang tantsa na mahigit sa 20,000 na kalahok.
Ngunit lubha itong mababa sa inaasaahang humigit-kumulang 24,000 na kalahok.
“The official count only recognized those who swiped their ID’s both when entering and going out of the field, as relayed during the instructions,“ ayon sa UST QUADRI, ang Facebook account na nasa pamamahala ng Office of the Secretary General.
Nagtipun-tipon ang mga mag-aaral, guro, empleyado, at kasapi ng pamunuan ng Unibersidad upang buuin ang puti at itim na Dominican cross, na sumisimbolo sa Katoliko at Dominikanong pagkakakilanlan ng UST, at sabay-sabay nanalangin sa loob ng 15 minuto.
Tinalo ng UST ang naunang rekord ng Oslo Red Cross sa Norway na mayroon lamang 935 kalahok noong Mayo 7 ng nakaraang taon.
Inihanay ng Guinness ang UST cross sa mga kategoryang “Amazing Feats” at “Mass Participation” sa website nito.
Ang “largest human cross” ang ikalawang tangka ng Unibersidad na makapasok sa Guinness matapos ‘di kilalanin ang “largest living rosary” na tinatayang nilahukan ng 24,000 Tomasino noong nakaraang Disyembre 8, sabay sa kapistahan ng Immaculate Concepcion.