SA BAWAT pagbubukas ng akademikong taon, ginaganap ang Discurso de Apertura (talumpating pambungad) upang magsilbing gabay ng mga Tomasino sa buong taon.
Ayon kay Regalado Trota-Jose, archivist ng Unibersidad, taong 1865 sinimulan ang taunang Discurso de Apertura.
Pansamanatala itong natigil noong 1929 nang nakaligtaang gumawa ni Don Nicanor Cortez ng kaniyang talumpati. Makalipas ang 12 taon, ibinalik ang tradisyong ito kung saan si P. Angel de Blas, O.P., isang sikolohista, ang inimbitahang magbigay ng talumpati sa paksang, “Address on the Modern Thomistic Views Regarding the Constitution of Psychological Personality.”
Nang sumiklab ang digmaan noong 1942, muling natigil ang pagbibigay ng diskurso at ibinalik na lamang ito noong 1946.
Si Josefa Estrada naman ang kauna-unahang babaeng nagbigay ng diskurso noong 1949.
Ang ilang mga kilalang personalidad na nagbigay ng kanilang mga talumpati sa Discurso de Apertura ay ang dating Dean of Science Carmen Kanapi, ang prominenteng pharmacist na si Leon Ma. Guerrero, UST Graduate School Dean Lilian Sison, at ang dating AB Dean na si Ophelia Dimalanta.
Hindi na nakumpleto ang koleksyon ng mga diskurso dahil nalilimutang isumite ng ilang nagtatalumpati ang kanilang gawa kahit natapos na ang digmaan laban sa mga Hapon.
Sa kasalukuyan, inililimbag ng UST Publishing House ang mga kopya ng Discurso de Apertura at mababasa rin ang mga ito sa Philippiniana Sacra, ang opisyal na pahayagan ng UST Central Seminary.
Tomasino siya
Isang Tomasino ang isa sa mga pinuno ng nag-iisang life insurance company na Briton sa bansa.
Si Henry Joseph Herrera na nagtapos ng kursong Edukasyon sa Unibersidad noong 1976, ang kasalukuyang namumuno sa Audit Committee ng Prudential Life United Kingdom (Pru Life UK).
Taong 1989 nang sumapi siya sa Actuarial Society of the Philippines at ‘di nagtagal ay naging governor in charge ng mga komite ng Regulation and Taxation, Examination and Investment, at sa Programs and Arrangements.
Noong 2005, pumasok si Herrera bilang pangulo at chief executive officer (CEO) ng Sun Life Management Company Incorporated, isang sangay ng Sun Life of Canada Incorporated sa Pilipinas. Ang Sun Life ay ikalawa sa pinakamalalaking life insurance companies sa bansa.
Makalipas ang dalawang taon ay hinirang siya bilang pangulo at CEO ng SLOCPI.
Kinilala ang kaniyang husay sa pamamahala noong 1995 nang gawaran siya ng Young Insurance Manager Award.
Tomasalitaan
Liso (PU)—payak; simple
Hal.: Nais lamang niyang makagawa ng isang lisong tula na may malalim na kahulugan.