Isinisigaw ng isang madre ang kanyang pagtutol sa pork barrel kasama ang libu-libo pang kababayan sa kasagsagan ng Million People March. Kuha ni John Paul R. Autor

26 Agosto 2013, 9:05 p.m. –  NAKIISA ang mga Tomasino sa iba’t ibang sektor ng lipunan sa malawakang protesta kontra pork barrel, na tinaguriang “Million People March,” sa Rizal Park kaninang umaga.

Ayon kay P. Herminio Dagohoy, O.P., Rektor ng UST, maituturing na national concern ang isyu pork barrel scam na dapat pakialaman ng bawat Pilipino.

“This is a national concern and an important issue that everybody should be involved with. We are all taxpayers and we should be angry that our taxes are not spent in the proper way,” ani Dagohoy. “[W]e want accountability, we want transparency in the use of public funds.”

Tatlong araw bago ang protesta, ipinahayag ng Pangulong Benigno Aquino III, na dating hindi pabor na alisin ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala bilang pork barrel, na sinusuportahan na niya ang pagbuwag nito. Subalit nilinaw niya na ang aalisin lamang ay ang “lump-sum distribution” ng pork barrel sa mga mambabatas, na papalitan naman ng “line-item budgeting.”

“It’s the same thing. They just have to chop the liempo and turn it into bacon, para sa akin. [I] am really for the scrapping or abolition of the PDAF or pork barrel,” ani Dagohoy.

Hinikayat ng Kardinal Luis Antonio Tagle, Arsobispo ng Maynila, ang mga Pilipino na patunayan ang karangalan ng kanilang lahi sa gitna ng kinahaharap na pagsubok ng bansa.

“Sa anumang bahagi at bansa ng mundo, patunayan po natin na marangal ang Pilipino. Bakit marangal? Marangal dahil may takot sa Diyos, may paggalang sa buhay, may pagpapahalaga sa kapwa tao, may pagmamalasakit sa bayan at pag-aaruga sa kalikasan. Ang marangal na sarili ang siyang mamayani. Mga sistema at patakaran, dapat daan ng kabayanihan,” ani Tagle. “[‘P]ag sinabing bayanihan, sabay-sabay tayong magiging bayani.”

Pinaalala naman ng pangulo ng Radio Veritas, si P. Anton Pascual, sa kanyang homiliya sa idinaos na Banal na Misa na ang katiwalian ay nagsisimula rin sa mismong mga mamamayan.

“Kaya sira ang ating lipunan, kasi tayong maliliit na tao, corrupt din tayo e. Kapag ‘yung personal na interes na natin ang nakasalang, nagiging corrupt din tayo. Kaya we need to pray for conversion not only of politicians, but conversion of every Filipino,” ani Pascual.

Humigit-kumulang 75,000 katao ang tumulak patungo sa Rizal Park kaninang umaga ayon kay Joel Coronel, senior superintendent sa Manila Police District.

Kabilang sa mga dumalo ay sina Secretary General P. Winston Cabading, O.P., mga opisyal ng Central Student Council, Student Organizations Coordinating Council, at ng Central Board. Namataan ang ilang personalidad tulad nina Rodolfo Noel “Jun” Lozada na whistleblower ng NBN-ZTE deal, at ang dating punong hukom ng Korte Suprema na si Renato Corona na umalis din agad matapos ang ‘di magandang pagtanggap ng ilang mga dumalo sa protesta.

Ang Million People March ay isang panawagang nagsimula sa social media upang maipahayag ang pagtutol ng mga Pilipino sa pork barrel, matapos maibunyag na napunta lamang ang pera ng bayan sa mga pekeng non-government organizations.

Ang negosyanteng si Janet Lim-Napoles ang itinuturong utak ng pandarambong. Kasalukuyan siyang pinaghahanap ng kinauukulan. Gena Myrtle P. Terre

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.