MAHALAGA ang pag-aaral ng agham at teknolohiya sa lahat ng panahon dahil ito ang susi sa pag-unlad ng bansa. Ngunit kadalasan ang wikang Ingles ang ginagamit sa pagtuturo nito, mula sa antas ng hayskul hanggang sa kolehiyo, bihira ang guro or propesor na gumagamit ng sariling wika sa pagtuturo nito.
Gayunpaman gumagamit si Dr. Fortunato Sevilla III, ang direktor ng UST Office for Research and Development (ORD) ng wikang Filipino sa pagtalakay ng mga liksyon sa mga klaseng kemistri sa Kolehiyo ng Agham.
Ayon sa kanya, mas malaya ang pagtatanong and mas buhay ang talakayan sa ganoong paraan. Mas madaling naiintindihan ng mga estudyante ang mga konseptong teknikal na pinapaliwanag niya.
Para sa kanya, kailangang batay sa kakayahang intelektwal at di lamang sa wika ang pag-aaral sa kemistri dahil di naman lahat ng estudyante ay magaling mag-Ingles.
“Kung sumusulong sa agham ang mga mauunlad na bansa tulad ng Hapon, Korea, Taiwan, Tsina, Germany, Pransiya, España at iba pang bansa na gamit ang sariling wika, bakit hindi paunlarin ang sariling wika para maging matatas din ang mga Pinoy sa agham?” ani ni Sevilla III.
Ayon sa Third International Matehmatics and Science Study na lumabas noong 1997, nahuhuli ang Pilipinas sa larangang ito.
Sinisikap ni Dr. Sevilla III na hikayatin ang mga guro at mananaliksik na gumamit ng Filipino sa talakayan, maging sa klase man o sa pag-uulat ng kanilang saliksik sa mga panayam.
Isang magandang halimbawa ay panayam sa Filipino tungkol sa mga teknikal na paksang agham at teknolohiya na isinasagawa ng Sentrong Pananaliksik sa Agham Pangkalikasan (Research Center for the Natural Sciences) tuwing Agosto, ang buwan ng Wika.
Hindi ang nilalaman ng kanilang panayam kundi ang paglahad nito sa sariling wika ang pinaghahandaan ng mga tagapagsalita. Nakikipag-ugnayan sila sa isang guro mula sa Departamento ng Wika upang masigurong wasto ang ginagamit na salitang Filipino.
Sa panayam na ito, mapapansin ang kakaibang tuwa ng mga estudyante na makarinig ng mga terminong agham sa Filipino. Mahirap man para sa mga tagapagsalita, malaya at masigla ang malayang talakayan kaya sulit naman ang pinaghirapan nila at nahihikayat silang gumamit ng Filipino bilang panturo.
Ayon pa kay Dr. Sevilla III, mas malinaw ang paggamit ng Filipino dahil ito ang ginagamit sa pang-araw-araw na buhay. Halimbawa, sa pananaliksik niya, gumamit si Dr. Sevilla III ng salitang haba ng alon para sa wavelength; at dalas para sa frequency; pagtunaw sa melting; at paglusaw sa dissolving.
Sa pisika naman, bilis ang speed at tulin kung saan may direksiyon ang paggalaw sa velocity.
May iba’t ibang paraan ang pagsalin ng mga salitang Ingles sa Filipino. Una rito ang paggamit ng salitang Kastila. Kabilang dito ang siyensya, kimika, pisika, biyolohiya, matematika, metal, likido, solido, produkto at iba pa.
Pangalawa, ang pag-uugnay ng mga katutubong salita para makabuo ng bagong salita. Halimbawa, kapnayan (galing sa salitang sangkap at hanayan para sa chemistry); haynayan, (buhay + hanayan sa biology) at liknayan (likas + hanayan sa physics); at mulapik ( mulaang + butil para sa molecule).
Ang panghihiram sa Ingles at pagsasa-Filipino ng baybay, tulad ng kemistri, fisiks, bayolodgi, ikwesyon, molekyul, eyr, ays at iba pa ang pangatlong paraan.
Ang paghahalo ng wikang Ingles at Filipino nang wlang pagbabago ang huling paraan. Halimbawa, bumibilis ang takbo ng mga molecule kung tataasan ang temperature. Ayon kay Sevilla III, mas mainam itong gamitin sa mga talakayan sa klase, dahil malapit itosa pangkaraniwang paraan ng pag-uusap.
Subalit, tutol ang ibang siyentipiko sa paggamit ng Filipino. Makapipigil raw ito sa pagiging globally competitive ng mga estudyante dahil Ingles ang ginagamit na lingua franca o medium of communication sa mundo. Bukod sa kailangan ito para sa mabilis na pag-unlad., ito rin ang paraan para makakuha ng pinakabagong kaalaman sa agham at teknolohiya.
Nagiging mahirap din ang pagsulong ng agham sa Filipino dahil sa kakulangan ng mga materyales tulad ng babasahin at mga librong pang-agham na maaaring gamitin ng mga estudyante.
Mayroong diksyunaryo na nabuo ng mga siyentipiko noong dekada sisenta at isa naman sa dekada otsenta. “Ang Talahuluganang Pang-Agham: Ingles Pilipino” na isinulat ni Dr. Jose Sytangco, isang manggagamot mula sa UST; at ang English-Pilipino Vocabulary for Chemistry na nilikha ng mag-asawang Bienvenido Miranda at Salome Miranda, mga propesor ng kemistri sa Unibersidad ng Pilipinas.
Sa ngayon, ang UP Diliman lamang ang may librong pang-agham sa Filipino dahil sa panghikayat na binigay ng Sentro ng Wikang Filipino dito. Gayunpaman, sa UST, Ingles ang ginagamit na libro, at nasa wikang Ingles ang mga pagsusulit.
Madalas na ipahayag sa Ingles ang agham at teknolohiya. Dahil dito, naniniwala ang mga siyentista na kailangan din ito ituro sa Ingles. Ngunit s panahon ngayon, matindi ang pangangailangan ng mga kabataan na matuto ng makabagong agham para makasulong sa edukasyon.
At kung nahihirapan ang karamihan sa pag-unawa ng Ingles, paano nila mapag-aaralan ang mga teknikal na konsepto sa agham na pawang Ingles lamang? Dahil dito, mahalaga ang pagbuo ng bokabularyong agham at teknolohiya sa wikang Filipino.
Halaw sa: Daluyan Vol IX at X.
Bilang isang guro sa asignaturang Filipino ipinababatid kung magandang simulain ang ganitong paraan para mapataas ang antas ng karunungan ng mga mag-aaral sa ating bansa lalo na sa larang ng agham at teknolohiya. Hindi sapat na patunay ang pagiging bihasa sa wikang ingles para masabing globally competitive ang mag-aaral hanggat ang kanyang sariling wika hindi niya nagagamit ng tama at may pag-unawa.