KATULAD ng mga nakaraang taon, walang makabuluhang programa ang Department of Languages upang ipagdiwang ang Buwan ng Wika maliban sa taunang timpalak bigkasan. Nadagdag lamang ang timpalak kagandahan—“Lakan at Lakambini ng Wika”—na hindi marahil batid ng nakararami at tanging ang liderato lamang ng kagawaran ang nakaaalam kung paano mapapayabong nito ang wikang Filipino.
Salamin ba ng walang-buhay na pagdiriwang ng Buwan ng Wika ang katotohanan na walang dapat ipagdiwang sa buwan ng Agosto dahil naluluoy na ang wikang Filipino sa Unibersidad. Ito ay dahil na rin sa programa ang Kagawaran ng Wika para sa intelektuwalisasyon ng pambansang wika.
Maraming ulit nang sinabi ng ilang may pagkalinga sa kinabukasan ng wikang Filipino na isang solusyon dito ang pagkakaroon ng hiwalay na kagawaran para sa Filipno upang mapagtuunan ng pansin ang mga programang makapag-papaunlad at lilinang sa wika, subalit lubhang bingi yata ang administrasyon at kapit-tuko naman ang ilan kanilang posisyon. Bagama’t aminado ang mga nagnanais na magkaroon ng hiwalay na kagawaran na mahihirapan ang Unibersidad sapagkat wala talagang awtoridad sa wika, hindi naman kami naniniwalang hindi ito magagawa. Maraming propesor sa Unibersidad ang nag-aaral at nagpapakadalubhasa sa wika at panitikan sa wikang Filipino ang maaring mamuno at bumuo ng kagawaran.
Para saan pa’t mga Tomasino ang mga naunang nagpakadalubhasa sa wikang Filipino kung pababayaan natin na makalimutan ng mga Tomasino ang kinang at kagandahan ng wikang Filipino samatalang kapuwa natin Tomasino ang nagsumikap na mapaunlad at makilala ito.
Nariyan ang yumao nang si Dr. Jose Villa Panganiban, pundador ng Varsitarian at dating pinuno ng Surian ng Wikang Pambansa. Nariyan din si Dr. Ponciano Pineda, isa ring Tomasino at dating pinuno ng Komisyon ng Wika.
Ang pagtitipid na dati’y idinahilan para pagsamahin ang iba’ ibang wika at panitikan sa iisang bubong ay hindi na maaring gawing dahilan sa hindi nito paghihiwalay ngayon.
Ayaw magbigay ang liderato ng kagawaran ng puna sa panukala dahil hindi pa nito di umano nakakausap nito ang mga tamang kinauukulan. Samantalang ilang taon nang inilalathala ng Varsitarian ang mga panukalang ito at kung hanggang ngayon hindi pa rin nakakausap ang mga kinauukulan, marahil sadyang hindi niya nais kausapan ang mga ito. Sino na nga namang magnanais na mabawasan ang kanilang nasasakupan?
Sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, hindi malayong maiwanan na at mawalan na ng gamit ang wikang Filipino at tuluyan na itong makalimutan kung kikilos na parang pagong ang administrasyon at ang Kagawaran ng Wika. Sa administrasyon na siyang dapat tumitiyak na natutugunan ng Unibersidad ang mga pangangailangan nito, kailan ninyo pakikinggan ang hinaing ng nanghihingalong wika at kailan ninyo isasaisantabi ang mga walang silbing pamumuno sa Kagawaran ng Wika? Ang tradisyon ng mga Tomasinong nagsikap mapaunlad ang wikang Filipino ay hindi dapat kalimutan o kalimutan na lang natin sa taong 2011, ang ika-apat na dantaon na ang Unibersidad. Huwag nating ipagmalaki ang katandaan kung hindi natin masasabing mayroon tayong pinagkatandaan lalo na pagdating sa ating pambansang wika.