MATATAGPUAN sa kapilya sa loob ng UST Central Seminary ang isang hugis diyamanteng kuwadro ng imahen ni Hesukristo, ang Pantocrator. Nilikha ito ni Joe Barcena, isang dating katiwala ng seminaryo na pinag-aral ng mga Dominiko sa dating College of Architecture and Fine Arts.

Dahil sa utos at pagtitiwala ni Rektor P. Frederick Fermin, O.P., kinopya ni Barcena ang disenyo ng imahen ni Hesukristo mula sa isang maliit na bersyon nito. Kung susuriin, may pagkakahawig ito sa sining-Byzantine na kilala at madalas matagpuan sa mga simbahang Orthodox sa Europa.

Mula sa salitang Griyego na ang ibig sabihin ay “maylikha ng lahat,” taglay ng Pantocrator ang iba’t ibang sagisag ng Kristiyanismo.

Sumisimbolo sa banal na karunungan ang halo sa itaas ng ulo ni Hesukristo. Kumakatawan naman sa kapangyarihan ang Kanyang pagkakaupo, at Mabuting Balita ang ipinakikita ng bukas na aklat na tangan niya sa kaliwang kamay.

Kapansin-pansin ang makahulugang pagkakaayos ng mga daliri ni Kristo. Ipinapakita ng tatlong nakatindig na daliri ang mga persona ng Diyos—ang Ama, Anak, at Espiritu Santo. Samantala, ang dalawang natitirang daliri ay kumakatawan sa dalawang kalikasan ni Kristo—ang pagiging tao at Diyos.

Mayroon ding taglay na kahulugan ang apat na may pakpak na nilalang sa paligid ng imahe ni Kristo. Ito ay mga tao, agila, baka at leon na kumakatatawan sa apat na ebanghelista na gumamit ng iba’t ibang paraan sa pagsisimula ng pagpapahayag ng Mabuting Balita.

Kinakatawan ng tao si San Mateo dahil nagsimula siyang mangaral tungkol sa mga ninuno ni Kristo. Si San Juan naman ang agila sapagkat sinimulan niya ang pangangaral tungkol sa misteryo ng katauhan ni Kristo. Si San Marcos naman ang leon dahil nagsimula ang kanyang ebanghelyo sa pagpapahayag ni San Juan Bautista na parating na ang Mesiyas. Si San Lucas naman ang baka sapagkat ang pagsilang ni Kristo sa sabsaban ang simula ng kanyang ebanghelyo.

READ
Choosing only the best

Samantala, kontradiksyon naman ang ipinahihiwatig ng diyamanteng nakapaloob sa bilog ng Pantocrator. Ayon sa paniniwalang Kristiyano, ang ibig sabihin umano nito ay tanging si Hesukristo lamang ang makapag-aayos sa kaguluhan at misteryo ng buhay.

Pinasinayaan ang Pantocrator noong Hunyo 1995. Sa kasalukuyan, matatagpuan sa oratoryo ng UST Central Seminary ang orihinal na bersyong pinagkopyahan ni Barcena.

Noon po sa amin

Nilamon ng apoy ang unang palapag ng gusali ng Faculty of Medicine and Surgery noong Pebrero 13, 1971. Umabot ang pinsala hanggang P 1.2 M na kinabibilangan ng mga gamit sa laboratoryo.

Walang naibalitang nasaktan maliban sa isang laboratory assistant na nagtamo ng first degree burn sa kanyang braso nang sinubukan niyang iligtas ang mga kagamitan ng nasabing laboratoryo.

Napabalitang ang sanhi ng sunog ay faulty electrical wiring ng amplifier na nasa pagitan ng mga pader na naghihiwalay sa mga laboratoryo.

Kabilang sa mga laboratoryong napinsala ang mga Departamento ng Microbiology, Parasitology, at Pathology.

Matatandaang bago at matapos ang taong nasunog ang unang palapag ng gusali ng Faculty of Medicine and Surgery, ilang sunog rin ang naganap sa UST. Noong 1968 nasunog ang tower ng UST Main Bldg. dahil umano sa chemical reactions sa mga laboratoryo sa ibaba nito. Noong Hunyo 2, 1975 naman, nilamon ng apoy ang dating gusali ng UST High School. Napabalitang kagagawan ng mga construction workers na nagtatrabaho noon sa ipinatatayong bagong gusali ng mataas na paaralan ang panununog.

Tomasino siya

Tomasino ang lumikha ng disenyo ng Araneta Coliseum at mga planta ng Meralco¯ si Engr. Jose Mabanta.

READ
Mary, full of grace

Ipinanganak noong Okt. 10, 1928, nakatapos siya ng kursong Civil Engineering mula sa Faculty of Engineering noong 1950.

Noong 1953, nakuha niya ang kanyang Masters sa Engineering mula sa Yale University sa Estados Unidos.

Nang makapagtapos, nagsilbing draftsman si Mabanta sa Atlantic Gulf and Pacific (AG&P) Company of Manila.

Maliban sa pagiging inhinyero, minsan ding naglingkod sa bayan si Mabanta. Naging konsehal siya ng kanilang barangay mula 1964 hanggang 1968 at kapitan ng barangay ng Barrio Kapitolyo mula 1968 hanggang 1972.

Naging bahagi rin siya ng Philippine Army Reserves Corps (PARC) na nagbigay sa kanya ng titulong Major. Dito, natanggap rin ni Mabanta ang kanyang Markmanship Award—isang parangal na iginagawad sa mga magagaling sa pagbaril.

Maliban sa karangalang natanggap mula sa PARC, kinilala rin ng ilang kilalang institusyon ang taglay na kahusayan ni Mabanta. Noong 1976, kasabay ng kanyang Presidential Award, iginawad ng Board of Examiners for Civil Engineering ang Structural Engineering Award kay Mabanta.

Tomasalitaan

Kimod – (pangngalan) ismid, pagngiwi ng labi bilang pagpapahiwatig ng pagkasiphayo

Napagkakamalang masungit ang direktor ng tanggapan dahil sa madalas nitong pagkimod tuwing oras ng trabaho.

Mga Sanggunian

De Ramos, Norberto V. I Walked with Twelve UST Rectors. 2000. p 278.

UST Alumni Association, Thomasian’s Who’s Who, Tomo 1

Cajilig, O.P., Rev. Fr. Vince, Castigador, O.P., Honorato. UST Central Seminary.

The Varsitarian. Medicine Building: Fire Guts P1.2 M. (Tomo 42, Bilang 3). Pebrero 18, 1970. p.1.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.