NANGINGINIG ang kanyang palad habang tangan niya ang telegrama. Paulit-ulit na binalikan mga nangingislap at nanginginig niyang mga mata ang nakasulat dito:

Doktor,

Lubhang Kailangan ka. Luwas ngayon o baka huli.

Villa Balcon

Matagal na panahon na ring hindi nakatanggap si Dr. Hilario ng balita mula kay Villa, asawa ng kanyang dating tsuper. Dahilan para mabalot siya pagkabagabag sa kanyang pagmumuni-muni.

“Malalim ang iniisip mo, Hil?” biglang sagi ng kanyang asawa sa kanilang katahimikan.

“Wala ito. Ang mabuti pa, matulog ka na at maaga tayong luluwas bukas.”

“Alam mo ba kung saan naroon sina Samuel?”

“Tatlong taon nang huli akong makapasyal sa lugar nila sa Tirad pero kahit paano naman ay makakarating pa ako roon.”

Alas diyes na nang gabi at di pa rin natitinag sa pagkakaupo sa may bintana si Dr. Hilario Mendoza. Nakapangalumbaba ang matandang doktor sa may pasimano habang dinarama niya ang gabing lalo pang pinalamig ng mga matitimyas na huni ng mga kuliglig nang sumibat sa kanyang balintataw ang mapait na dinanas sa lugar na iyon ilang taon na ang nakalilipas. Kagyat siyang ibinalik ng kanyang alaala rito.

Makawasak-pinto ang lakas at ingay ng katok na gumulantang sa buong kabahayan ng doktor isang gabi ilang taon na ang nakalilipas. Isang matangkad at maitim na lalaki ang bumungad sa kanya.

“Doktor, mahinang-mahina na ang kasama ko. Maaari bang sumama kayo sa akin?” garalgal na pagsusumamo ng pawis na pawis na lalaki sa pagitan ng paghingal.

Dagling nagbihis ang doktor. Dahil sa takot at pagkabalisa sa sitwasyon, agad niyang ginising ang tsuper na si Mang Samuel.

Nasa bayan ang klinika ng doktor. Kasama niya si Samuel sa lahat ng kanyang mga misyong medikal sa mga baryo. Bagamat malimit siyang dumayo sa mga liblib na lugar sa Gumaca, dalawang linggo siyang natigil dahil sa problema sa kanyang sasakyan. Sanay na si Samuel sa mga agarang lakad kaya’t hindi siya balisa habang papunta sila sa lugar na itinuturo ng lalaki.

Isang oras bago nila narating ang lugar na tanging mga kuliglig at lagaslas ng payapang mga kawayan ang maririnig. Walang anumang liwanag bukod sa alitaptap at flashlight na tangan ni Dr. Mendoza.

Kinailangan nilang iwan ang kotse para marating ang maputik at makalat na daanan tungo sa mabundok na lugar.

Nang marating nila ang madilim na kubong kinaroroonan ng pasyente, nagsindi ng sulo ang matipunong lalaking sumundo sa kanila kaya’t naaninag ni Dr. Hilario ang pagdaloy ng malapot at pulang likido sa bisig ng nakaratay na lalaki. Pilit niyang pinaampat ang dugo sa pamamagitan ng torniquet.

READ
Isang bagong larawan ng Tondo

Kinakailangang masalinan ng dugo mula sa klinika ang lalaki. Namumuti na ang mga mata ng nanginginig na pasyente. Humihiyaw na ito sa sakit ngunit sinenyasan siya ng malaking kasama na tumahimik. Pinagtulungan nilang ibaba ang pasyente upang dalhin sa kotseng kinaroroonan ni Mang Samuel.

Ngunit nang pababa sila sa balkunahe ay biglang sinalubong sila ng mga putok ng baril na. Hindi nila makita kung saan nanggagaling ang maraming mga putok. Sa isang saglit lamang, biglang dumapo ang matigas na bagay sa ulo ni Dr. Hilario.

Bumilis ang pag-inog ng madilim na daigdig. Umikot. Umikot nang umikot.

Nagisnan na lamang niya ang sarili sa loob ng isang masikip, marumi, at mabahong silid kasama ang mga kriminal.

“Napatay ho si Heneral Kusiñer at napatay na rin ang lalaking ayon sa mga kasamahan ng Heneral ay inyong inalalayan upang itakas” tiniyak ng pulis kay Dr. Hilario sa dagundong ng kanyang timbre.

“Ngunit sir…” nais sanang mangatuwiran ni Mang Samuel para sa sarili ngunit sinigawan lang siya nito sabay hampas sa kanyang batok na kanyang ikinabuwal.

“Sa husgado ka magpaliwanag!” matapang na sigaw ng pulis.

Labing-apat na taong nalayo si Dr. Hilario sa pamilya at propesyon dahil sa dagok ng pangyayaring yaon. Sa bawat gabi nang mahabang panahon, mga rehas ang tangi niyang kaagapay sa malayang pakikipag-ulayaw sa kaaya-ayang liwanag ng buwan. Puno ng kapighatian ang mga panahong iyon subalit ang pamumuo lamang ng mahahabang linya ang mababakas sa mukha ng walang-salang doktor.

Lalo niyang inaala si Samuel, ang matapat niyang tsuper. Ang walang palyang pagdalaw nito sa kanya linggu-linggo at walang pangingimi nitong pakikipagsigawan sa kabo ng selda.

“Walang kasalanan ang amo ko! Wala!” Subalit tatawanan lamang siya ng kabo at ng mga kasamahang pulis.

Ngunit ang matibay na paninindigan at matatag na pasya si Samuel ay sapat na para ipaglaban ang kanyang amo sa harap ng korte kapag may bista gaya ng pagpapahayag niya sa mga maykapangyarihan ng buong katotohanan. Ngunit umabot pa rin sa 14 na taon bago naalis ang piring sa makitid na pananaw ng mga maykatungkulan. Sa kabila nito, tinanggap ng doktor ang pangyayaring iyon bilang isang di-maiiwasang biro ng kapalaran.

Batid na ng doktor ang tapang ng loob ni Mang Samuel. Dati ay ‘di siya naguguluminahan kung naaalala ito. Subalit malakas ang kaba niya sa pagkakataong ito.

READ
Rain of honors

“Masyado kasing matapang,” marahang wika niya. Napabalikwas siya sa may bintana ng masambit niya iyon. Binabagabag pa rin siya ng mensahe sa telegrama. Tumindig ang kanyang mga balahibo kaya’t tumayo na siya para sipingan ang natutulog nang asawa.

Hindi niya maaninag nang husto ang anyo ng asawang nahihimbing sa papag na kawayan at nakakulong sa apat na sulok ng kulambo. Ngunit alam niya, di man itanong sa asawa, na mas panatag na ito sa bago nilang pamumuhay ngayon.

Ginusto ng asawa niyang tumigil siya sa panggagamot at pagyamanin na lang ang kanilang lupain sa Bacnotan kaysa maulit ang masakit na yugtong iyon ng kanyang buhay. Hindi nga kaya maulit? Ang kapanatagan ng doktor ay patuloy na ginagambala ng misteryong dala ng telegrama.

Mahaba ang gabing ipinaghintay ng kanyang pangamba. Bago pa lamang sumikat ang araw, lulan na sila ng isang bus patungong Tirad. Magtatanghali na nang dumating sila sa harap ng dampa nina Mang Samuel at Aling Villa. Nanibago ang mag-asawa sa amoy ng patay na daga sa kapaligiran.

Higit na mukhang kuweba ang dampang tinatahak nila sa maburak na ilalim ng tulay ng Tirad. Malungkot na nakatalumbad ang pusang itim sa pagkakaupo sa gilid ng pintuang kartong may nakadikit na larawan ni Nora Aunor at Victor Wood.

Nilingon ng doktor ang asawa. Lalong tumindi ang kanyang panimdim nang makita ang impit na labi ng asawa. Tumambad sa kanila ang apat na ilaw na nakapaligid kay…

“Samuel!!!” naisatinig ang kanina pa kinikimkim na pangamba ng doctor.

“Bakit Villa?” baling niya sa asawa ng taong nasa ataul.

Sa pagitan ng mga iyak, buong-buong isinalaysay ni Villa ang kinasapitan ng asawa.

“Nagdemolisyon sa Navotas pero walang malilipatan ang anak ko kaya’t nagpasya ang ama niya na muling itayo ang bahay. Alam mo naman kung gaano katigas manindigan si Samuel,” wika ni Aling Villa. Sandaling katahimikan ang naramdaman na sinundan ng walang hinting pag-iyak.

“Pero marupok ang kahoy na pinatungan nila sa itaas. Bumagsak si Samuel pagkaputol ng kahoy at nawalan ng panimbang ang anak na si Bernardo sa pagkabigla. Bumagsak siya sa nakabulagtang ama.”

“At si Bernardo?” ani ng asawa ni Dr. Mendoza.

“Nabali ang kaliwang tuhod at hanggang ngayon ay nasa ospital pa. Ay kung hindi sana nagdemolisyon, ay!” Nangingibabaw ang hagulhol ni Aling Villa sa buong bahay.

“…Kung hindi sana nagdemolisyon,” maliwanag sa isip ng doktor ang huling tinuran ni Aling Villa. Muling bumalik sa kanyang haraya ang alaala ng sariling kaapihan. Ngayon lang niya itinuring na kaapihan ang sariling karanasan.

READ
Playing safe

Namumugto na ang luha sa mga ni Dr. Mendoza at mababanaag ang pait sa kanyang mukha habang nakapako ang paningin sa ataul ng kaibigang tsuper. Nagpupuyos ang berdeng ugat sa kanyang bisig. Malinaw sa kanya ngayon na si Samuel ay biktima, hindi ng kapalaran, kundi ng mga naghahari-hariang nais magdikta ng kapalaran ng mga mahihina.

Muling umagos sa alaala ng doktor ang anyo ng lalaking sugatan. Naramdaman niya ang tinik na dinadala sa dibdib ng lalaking sugatan dahil sa matindi niyang pagkahabag sa anyo nito. Bilang doktor, ang mapagaling ang sugat ng lalaki lamang ang kanyang iniintidi. Wala na siyang pakialam kung bakit kinakailangang makipaglaban ang mga taong iyon sa mga armalite at de-sabog.

Estudyanteng taga-Maynila ang nasugatan, sabi ng sumundo sa kanya noon. Nasa nayon daw sila para tulungan ang mga magbubukid sa kanilang problema sa lupa.

Hindi iyon pansin ng doktor noon. Ni hindi niya ito naisip sa loob ng 14 na taon niyang pagkapiit. Ngayon ay malinaw na lang sa kanya kung bakit may mga taong tulad nila at tulad ni Samuel. Nakita niya sa kinasasadlakan ni Samuel na kailangan ding gamutin ang sugat na bumubulok sa lipunan. Sa kasalukuyang katayuan niya, nararamdaman niyang isa rin siya sa kanila.

Kung hindi sana siya nanikluhod sa paniniwalang ang sariling kinasapitan ay guhit ng kapalaran, ‘di sana sila naghiwalay ng tapat na tsuper. Magkabalikat sana nilang susuungin ang hamon ng mga mapang-api.

Namumuo na ang luha sa mga mata ng doktor na ngayon ay isa na lamang magsasaka. Namatay si Samuel sa pagtatayo ng bahay ng giniba ng mga mangwawasak. Ang panggagamot naman niya ay nasira dahil sa di-makatarungang bintang.

Sino pa ba ang magpapagamot sa isang taong itinadhana nang “kriminal” ng isang baluktot na sistema? Dahil sa takot na maulit ang naganap kaya’t binalingan na lamang niya ang paglinang sa lupa.

Gumuhit sa kanyang gunita ang madalas sabihin sa kanya ni Samuel sa bilangguan:

“Ano ang maipagmamalaki mo sa iyong kahapon?Anong dangal ang ihahandog mo sa iyong apo?Kung nanikluhod ka lang sa kapalaran,At inihain sa mga mangwawasak ang kanyang kinabukasan?”

Nagpabalikwas sa kanyang damdamin ang sinapit ni Mang Samuel. Kahit wala na ang matapang na tsuper, handa na siyang wakasan ang pangwawasak.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.