KASABAY ng pagdiriwang sa ikaapat na raang taon ng silid aklatan ng Unibersidad, gugunitain din ang ikaapat na sentenaryo ng nobela ni Miguel de Cervantes na Don Quijote de la Mancha ngayong buwan ng Agosto.
Ipapakita sa exhibit area ng Central Library ang isang “traveling exhibit” ng Don Quijote na inililibot sa buong mundo. Naglalaman ito ng 32 panels na nagpapakita ng malawak na impluwensya ng nobela sa buong mundo.
Sinabi ni Fr. Angel Aparicio, O.P., Prefect of Libraries, na sa pamamagitan ng eksibit na ito, mas mapapalawak ang pagkakaintindi sa nobelang Don Quijote.
“(These) panels describe the influence and impact of the novel to different areas and groups (around the world),” ani Aparicio. “By viewing these panels, one will have an idea of the 400 years of Don Quijote”.
Ayon kay Aparicio, ito ang kauna-unahang pagkakataon na madadala ang mga ito sa bansa sa tulong ng Embahada ng España sa Pilipinas, Instituto Cervantes, Sociedad Estatal de Commemoraciones Culturales, at Ministerio de Cultura de España. Ang mga nasabing tanggapan din ang kasama ang Unibersidad ang nagbigay ng pondo para sa pagbubunyi.
Bukod sa travelling exhibit ipapakita din ang 18 edisyon ng Don Quijote na itinatago ng UST Central library mula sa pinakamatandang edisyon hangang sa unang Tagalog na edisyon. Nakasulat ang mga ito sa iba’t ibang lenguwahe gaya ng Español, Ingles at Filipino.
Magkakaroon din ng pagpapalabas ng tatlong iba’t-ibang pelikula ng Don Quijote, pagsasalaysay ng kuwento ng naturang nobela sa mga mag-aaral sa elementarya, at isang pagpupulong tampok si Francisco Sionil Jose, isang ukol sa kanyang mga karanasan bilang isang mambabasa ng naturang nobela. Gaganapin ang mga gawaing ito mula Agosto 1 hanggang 25.
Ayon kay Aparicio, nagsimulang mabuo ang silid aklatan ng UST nang magpasya si Msgr. Miguel de Benavides, O.P., Arsobispo ng Maynila, na ipgakaloob ang kanyang mga aklat at kayamanan para sa pagbuo ng isang institusyon. Isinakatuparan ang huling habiling ito ni P. Domingo de Nieva, Father Friar ng Santo Domingo.
Ginamit ang pera at mga libro na iniwan ni Benavides kasama ang pera ng iba pang mga benefactors sa pagbuo ng College-Seminary of Our Lady of the Holy Rosary na sa kalaunan ay naging College of Santo Tomas at ngayo’y sa pangalan na Unibersidad ng Santo Tomas.