LUMABAS kamakailan sa Inquirer ang isang liham na mula diumano sa nawawalang mamamahayag na si Arlyn Biasbas ng Net 25, ang istasyon ng Iglesia ni Cristo. Ilang buwan na rin siyang nawawala at nakumpirma ngang siya ay dinukot ng isang grupong nanggugulo sa Mindanao. Kilala na si Biasbas sa kanyang mga eksklusibong ulat hinggil sa hidwaan sa Katimugan. Siya ang kauna-unahang nakakuha ng panayam sa mga dinukot na foreign nationals mula sa Isla ng Sipadan, Malaysia. Kamakailan nga, siya na naman ang nakakuha ng eksklusibong panayam sa mag-asawang Burnham, dalawang natitirang Amerikano sa kuta ng Abu Sayyaf, na dinukot mula sa Dos Palmas Beach Resort sa Palawan. Gamay na gamay na ni Biasbas ang Mindanao beat, at kanya itong napatunayan nang makailang ulit.

Mainit na mainit ang mga usap-usapan sa Mindanao lalo na nang dumating ang puwersang Amerikano para sa Balikatan Exercises. At, biglang-bigla, nawala si Biasbas matapos mailabas sa telebisyon ang panayam sa mag-asawa. Sari-sari ang mga kuro-kuro at nanganganib na raw ang buhay ng mga kabaro ni Biasbas sa Mindanao. Marami naman ang tila natuwa sa pangyayari—mga kasamahan ni Biasbas sa industriya na may kipkip na galit laban sa kanya. May mga lumabas pang mga balita na ibinenta ni Biasbas ang footage ng mga Burnham sa mga kawani ng media. Para sa ilan, ganid si Biasbas. Sakim. Kaya iyon ang kanyang napala.

***

Sa kanyang liham, sinasabi ni Biasbas na nabuksan ang kanyang isip hinggil sa kanyang pagnanais na makakuha ng mga ekslusibong balita. Aniya, kanyang napagtantong marami palang galit sa kanya dahil nais niyang siya lamang ang makakukuha ng ulat. Pagsisisi, marahil, na sadyang nahuli. Ang totoo’y wala pang binibigyang linaw si Biasbas sa mga isyung bumabalot sa kanyang pagkakadukot. Wala pa siyang sinagot sa mga tanong. Ang nakaaantig dito ay ang kanyang pakiusap sa mga kasamahan: na kung sakaling magkaroon pa ng pagkakataong makalagpas sa ganoong pagsubok, mapagkinggan nawa ang kanyang panig. Hindi lamang siya dumudulog bilang isang mamamahayag sa pagkakataong iyon. Dumudulog siya bilang isang ina at asawa na nais pang mahagkan ang kanyang pamilya sa hinaharap.

READ
Eng'g mentors certified 'professionals'

***

Madaling patawarin ang mga tulad ni Arlyn (kung siya nga talaga ay maysala). Ang mahirap patawarin ay ang mga huling-huli subalit naghuhugas pa rin ng kamay at nagpapaawa pa, “kahit na magtiis.” Ay, ang buhay nga naman.

***

Bumubulusok pababa ang approval ratings ng Pangulong Macapagal-Arroyo, ayon sa Social Weather Stations. Mukhang walang dating, walang “it,” ang mga ginawang video commercials ng Punong Ehekutibo sa nakaraang ilang buwan. Nariyan na ang katawa-tawang “kailangan ko kayohhh” ng kampanyang “Ina ng Bayan, Tulungan.” Walang-tigil ang kanyang paglabas sa telebisyon at pagsusumamo sa mga tao. Pilit niyang “inaabot” ang masa. Ngunit ano nga ba ang kulang sa rekado ni Ate Glo? “It” pa rin ba ang isyu, o IQ?

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.