IMINUNGKAHI ng isang dalubhasa ang muling paggamit ng mga tuldik at ang pagbabalik nito sa mga manwal ng ortograpiyang Filipino sa ikatlong araw ng Konsultatibong Forum sa Ortograpiyang Pambansa na inilunsad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) .
Ayon kay Ron Rene Cagalingan, senior language researcher ng KWF, mas patatatagin ng paggamit ng tuldik ang pagtataguyod sa wikang FIlipino bilang estandardisado at inklusibong wika.
“Sa halip na namayagpag ang pagkalito at pagiging sarado, ang tuldik ay isang paraan upang maipalaganap ang tumpak at inklusibong pananaw sa ating wikang pambansa at mga katutubong wika,” ani Cagalingan.
Ang tuldik ay simbolong dinadagdag sa mga titik na sumasagisag sa mga uri ng bigkas katulad ng malumay, malumi, maragsa, mariin, at malaw-aw.
Ayon kay Cagalingan, magiging mas bukas ng Wikang FIlipino sa mga salitang mula sa mga katutubong wika sa bansa kung gagamitin ang tuldik.
“Isinasaalangalang din sa pagtutuldik ang pagbaybay ng mga katutubong salita. Sa ganitong paraan, bumubukas ang wikang Filipino sa realidad ng mga katutubong wika at nakalalahok naman ang mga wikang ito sa pagpapayaman ng wikang pambansa,” wika niya.
Idiniin ni Cagalingan na mabibigyang-diin din ang pagpapatibay ng mga tuntunin sa paggamit ng tuldik.
“Ibinabalik natin ang konsiderasyon sa mambabasang umuunawa sa ating pagsulat sa Filipino. Kasama na rito ang pagkilala sa mambabasa bilang mag-aaral, mananaliksik, at bilang nakakaengkwentro ng ating wika,” aniya.
Dagdag tuntunin sa pagpapantig at pagbabaybay
Mayroon ding mga karagdagang tuntunin sa pagpapantig at pagbabaybay na dapat ikonsidera sa mga aklat ng ortograpiya para sa FIlipino, ayon sa mga dalubhasa.
Ayon kay Jose Evie Duclay, senior language researcher sa KWF, may mga tuntunin sa pagpapantig ng mga salitang may kambal-katinig na dapat isama sa mga susunod na edisyon ng mga ortograpiyang Filipino.
Ang kambal-katinig ay magkakabit na dalawang magkaibang katinig sa isang pantig o magkasunod na katinig na matatagpuan sa inisyal at pinal na posisyon ng pantig.
“Kung susuriin natin ang KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat, medyo nalimitahan lamang ang pagbibigay ng tuntunin kung papaano ang paguulit ng pantig ng mga salitang mayroong kambal-katinig. Iilan na lamang ang nabanggit doon na tuntunin,” pagpapaliwanag ni Duclay.
Ani Duclay, ilan sa mga kombinasyon ng kambal-katinig na hindi nabigyan ng tiyak na tuntunin ay ang “n” at “gr”, at ang “l” at “ts”.
Para naman kay Evelyn Pateño, isa ring enior language researcher ng KWF, mayroong kawalan ng pagtalakay sa kung paano ang pagbabaybay sa mga salitang mayroong digrapong “SH.”
Ang digrapo ay dalawang magkatabing katinig na anyong kambal-katinig na lumilikha ng isang tunog lamang at kadalasang nakikita sa mga hiram na salita.
“Sa pagsulat ng mga salitang may SH napagkasunduan sa mga nakaraang pagpupulong na ipinanukala ang tuntunin na, banyaga man ito o katutubo, panatilihin ang orihinal na ispeling o hiramin nang buo ang salita,” wika ni Pateño.
“Hindi lahat ng salita ay kailangan i-respell lalo na kung ito ay magdudulot ng kalituhan sa mga babasa at gagamit nito. Hindi masama ang paghiram ng buo sa mga salitang banyaga at katutubo lalo na kung ito ay kilala na sa ganitong anyo,” dagdag ni Pateño. Matthew G. Gabriel