NGAYONG 2012, darating ang mga alien upang sakupin ang daigdig at unti-unting ubusin ang sangkatauhan.

Ngunit bago pa man ito mangyari, minadali nang tapusin ni Eros Atalia ang kaniyang pinakabagong librong, It’s Not That Complicated: Bakit Hindi Sasakupin Ng Mga Alien Ang Daigdig sa 2012 (Visprint, 2012), ang karugtong na kuwento ng pag-iibigan nina Intoy at Jen sa librong Ligo Na Ü, Lapit Na Me (2009).

Tampok sa akda ang buhay ng pangunahing tauhang si Intoy bilang isang product developer sa isang advertising company.

Sa kabila ng patuloy na paglunod ni Intoy sa sarili sa mga matatamis na alaalang iniwan ni Jen, may mga bagong tauhan na magbubukas ng bagong kabanata sa kaniyang buhay. Isa na rito ang kaniyang mataray at mailap na boss na ‘di kalauna’y magugustuhan ni Intoy dahil sa misteryong bumabalot sa kaniya.

Sa pagdating ng mga tauhan sa mala-paraisong isla ng Boracay, unti-unting naibulatlat ni Intoy ang mga plano ng kaniyang boss na ‘di niya inaasahang magiging komplikado—mga rebelasyon na akala niya’y ‘di na niya kailanman malalaman.

Nakasulat ang kuwento sa kolokyal na Filipino na akma sa panlasa ‘di lamang ng mga matatanda kundi pati na rin ng mga kabataan. Bagaman may mga maseselang bahagi ito, maingat na pinili ni Atalia ang mga angkop na salita.

Inilarawan din ni Atalia sa 24 kabanata ng akda ang ilang isyu ng lipunan sa mga lesbian, buhay ng isang Pilipinong empleyado na patuloy ang pagkayod, at ang mapanlibak na kultura ng pagti-tsismisan na ayon kay Intoy ay “lupon ni Boy Abunda”.

READ
Rector blesses 'rosary garden'

Pinamagatang It’s Not That Complicated: Bahit Hindi Sasakupin Ng Mga Alien Ang Mundo Sa 2012 ang akda dahil inilalahad nito na dahil sa pagkagahamang ugali ng mga tao ay sila na mismo ang uubos sa kanilang lahi.

Sa paniniwala ng samahan na Atheists’ Sunday School, isang grupo ng mga ‘di naniniwala sa Diyos, hindi na kailangan pang lumusob ng mga alien sa mundo para ubusin ang kakaibang species ng mga tao dahil mismong mga tao na ang papatay at sisira sa lahi nito, dala ng walang humpay na mga tsismisan, siraan, pagmamagaling, at inggitan sa kanilang kapwa.

Sinasalamin din ng kuwento ang mga tradisyon ng mga Pilipino tulad ng paniniwala sa mga dwende, pagpapatawas, pagsasangguni sa mga manghuhula ng Quiapo, at ang papamanata sa Poong Nazareno.

Ang bagong lunsad na libro ni Atalia ay hindi lamang para sa mga taong gustong kumawala sa gulo ng nakaraan. Hindi rin ito tungkol sa nalalapit na pagtatapos ng mundo. Ito ay para sa mga Pilipino na dapat sana’y kinikilala ang kinalakhang bayan at ang kinagisnang mundo.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.