MAYROON pa ring ilang bagay sa Unibersidad na ‘di kayang tumbasan ng makabagong panahon.

Nananatiling aktibo at matatag ang post office sa Unibersidad sa kabila ng mas mabilis na pagpapalitan ng mensahe gamit ang makabagong teknolohiya tulad ng iba’t ibang social networking sites.

“Ang post office ay dating matatagpuan sa unang palapag ng Main Building, hanggang sa ito’y malipat sa kasalukuyan nitong lokasyon na dating kantina ng gusali,” ani Cecilia Enfantado, dating post master.

Ayon naman sa kasalukuyang post master na si Raul Mariano, ang post office ay kasalukuyang pinangangasiwaan ng Philippine Post Corp. (PhilPost) sa Manila Central Office.

Sinabi rin ni Mariano na kahit na marami nang gumagamit ng Facebook at Twitter sa pagpapadala ng kanilang mga mensahe, marami pa ring mga sulat at parsela ang ipinapadala at kinukuha sa post office araw-araw.

“Tinatayang nasa 640 na mga sulat at mga parsela ang pumapasok at lumalabas sa post office araw-araw na kadalasa’y nagmumula sa mga Tomasino. Itinuturing namang peak season ang mga buwan ng Mayo, Nobyembre, Disyembre, at Pebrero,” ani Mariano.

Ayon kay Enfantado, ang dating post master na si Willy Ulibarri ay dating obrero ng Unibersidad.

“Hindi kalauna’y kinuha si Ulibarri ng PhilPost bilang empleyado nito at nanatiling post master hanggang siya’y nagretiro,” aniya.

Kilala rin ang post office sa pagbebenta ng Philatelic stamps tulad ng mga selyo na may UST 400, mga pangulo ng Pilipinas, at Manny Pacquiao.

Noong nakaraang taon, libu-libo ang bumili ng Philatelic stamps na nasa frames na pumatok sa mga alumni ng Unibersidad.

READ
Versus' sights and sounds coalesce

Tomasino siya

Alam n’yo ba na isang Tomasino ang kinilala sa larangan ng seguridad at pangangalaga ng bansa?

Si Lt. General Alberto Fernando Braganza ay nagtapos ng BS Mechanical Engineering sa Unibersidad taong 1969. Noong 1968, itinalaga siyang corps commander ng University of Santo Tomas-Reserve Officers’ Training Corps unit. Nagsilbi rin siyang platoon leader, company commander, battalion commander, brigade at division commander sa mga infantry units na nakabase sa Mindanao.

Dahil sa kapasidad niyang mamuno laban sa tumataas na banta ng terorismo sa bansa, hinirang si Braganza bilang commander ng bagong tatag na yunit noon na National Capital Region Command (NCRC) taong 2003. Ang NCRC ay itinatag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang sugpuin ang tumataas na communist insurgency sa bansa noon. Saklaw ng operasyon ng NCRC ang mga lungsod ng Maynila at ang mga karatig probinsiya tulad ng Bulacan, Cavite, at Rizal.

Noong 2004, pinamunuan ni Braganza ang AFP Southern Command at itinuring siya bilang pinakabatang Regional Director ng National Intelligence and Security Authority sa Southern Luzon.

Pinarangalan si Braganza ng walong distinguished service stars para sa pamumuno niya sa iba’t ibang yunit. Ang nasabing military award ay isa sa tatlong pinakamatataas na parangal sa AFP na ibinibigay para sa mga opisyal na humahawak ng malaking responsibildad sa militar. Binigyan din siya ng Royal Thai Army at Thai Army ng Parachutist Badges.

Mga Sanggunian:

UST 400 (n.d.). UST 400. Alberto Fernando F. Braganza. Retrieved June 6, 2012, from: http://www.ust400.com/alumni/alberto_fernando_f_braganza

Cantos, J. (2003, November 12). philstar.com. Bagong yunit ng military, kikilos sa Maynila. Retrieved June 6, 2012, from: http://www.ust400.com/alumni/alberto_fernando_f_braganza

READ
What happened to the Catholic vote?

Tomasalitaan

Hingawot (png)—hindi panatag na pakiramdam, takot, o sindak na gawa ng sabi-sabi o bali-balita.

Hal.: Matinding hingawot ang nadama ni Aling Selya dahil sa kaniyang mga narinig na masasamang bagay tungkol sa kaniyang anak.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.