Alam ba ninyo na minsang nagkaroon ng minyaturang zoo sa loob ng Unibersidad?

Noong 1932, pinasinayaan ang isang palahayupan sa publiko kung saan tampok ang iba’t ibang uri ng katutubong hayop na makatutulong sa mga pananaliksik na isinisagawa ng mga mag-aaral sa larang ng medisina at agham.

Sa isyu ng Varsitarian noong 1932, isinasaad na makikita rito ang halos lahat ng uri ng hayop na matatagpuan sa Filipinas, mababangis man o maaamo.

Bukas sa publiko ang itinayong pansamantalang zoo tuwing ika-anim ng umaga hanggang ika-lima ng hapon.

Hindi man naipagpatuloy ang minyaturang zoo, makikita pa rin sa Unibersidad ang Botanical Garden sa pagitan ng simbahan ng Santisimo Rosario at Main Building na kasalukuyang may pampublikong museo kung saan masisilayan ang iba’t ibang uri ng halamang-gamot at mga labi ng iba’t ibang hayop.

Tomasino siya

Pinatunayan ni Rosario Setias-Reyes ang kalinangan ng mga kababaihan sa larangan ng abogasya nang hirangin siyang kauna-unahang babaeng pangulo ng pambansang samahan ng mga abogado sa Filipinas.

Taong 2015 nang italaga si Reyes bilang pangulo ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), isang institusiyong binubuo ng mahigit 55,000 miyembro at itinuturing ng pamahalaan bilang opisyal na organisasiyon ng mga abogado sa bansa.

Nakamtan niya ang degree sa political science sa Unibersidad noong 1969. Taong 1973 nang magtapos siya ng abogasya rito.

Bago pa man niya maipasa ang bar examination noong 1974, naging empleyado siya sa legal division ng National Investment and Development Corporation, isa sa pinakamalalaking bangkong pangkomersyo sa bansa noon.

Kalaunan, nagsilbi rin siya sa iba’t ibang mga bangko sa Filipinas. Taong 1987 nang italaga siyang kawani ng bise presidente sa legal department ng Urban Development Bank.

Naging bise presidente naman siya sa legal division ng Philam Savings Bank noong 1992, at sa Philippine Savings Bank noong 1998.

Bukod pa rito, nakapagtayo rin siya ng kaniyang sariling law firm noong 2000.

Kabilang sa mga pinagsisilbihan nito bilang legal consultant ang Bangko Sentral ng Pilipinas, LGU Guarantee Corporation at iba pang malalaking kompanya sa bansa.

Dahil sa kaniyang mga nakamit bilang Tomasinong abogado, kabilang si Reyes sa mga pinarangalan sa The Outstanding Thomasian Alumni Awards noong 2015.

Bagaman nagtapos na ngayong taon ang kaniyang termino bilang pangulo ng IBP, patuloy niyang ipinamamalas ang kaniyang kalinangan at katapatan sa larangan ng abogasya.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.