INIREREKLAMO ng mga propesor ang pagkaantala ng suweldo kahit na ito ay natatanggap na sa pamamagitan ng automated teller machine (ATM).

Sa isang panayam ng Varsitarian kay Jose Ngo, UST Faculty Union (USTFU) vice president for legal affairs at kasalukuyang propesor sa AMV-College of Accountancy, hindi umano tumupad ang Treasurer’s Office sa napagkasunduan na dapat ay nasa ATM na sa huling banking day ang suweldo kung ang ikalabinlimang araw o katapusan ng buwan ay natapat sa isang non-banking day.

Ayon sa Artikulo XVIII Seksyon 5 ng 2006-2011 Collective Bargaining Agreement (CBA), ang suweldo ay ibibigay sa ikalabinlimang araw at sa katapusan ng buwan. Ngunit kung ito ay ipamamahagi sa pamamagitan ng tseke at ang nakatakdang araw ng distribusyon ay natapat sa isang non-banking day, ang tseke ay dapat maibigay sa propesor nang hindi lalagpas sa huling banking day.

Noong Enero, naglabas ng memorandum si P. Manuel Roux, O.P., vice rector for finance, na sa pamamagitan na ng ATM facility ipamamahagi ang suweldo ng mga propesor ng Unibersidad.

Ngunit ayon kay Ngo, hindi na nasunod ang nasabing probisyon ng CBA nang maging epektibo ang naturang memorandum.

“Lately, what happened is that the July 1 -15 salary was reflected in the ATM of the faculty members only on Saturday, July 14,” ani Ngo. “The problem is that these faculty members would have bills to pay and they would be affected.”

Iginiit pa niya na ang pangangasiwa sa sistema ng pamamahagi ng suweldo ang problema.

Para kay Gian Francisco, pangulo ng faculty association ng College of Nursing, hindi dapat ipagpatuloy ang ganitong pagkaantala, bagkus umaga pa lang ng araw ng suwelduhan ay maaari na itong matanggap.

READ
Substation now fully energized

“Minsan ang nangyayari ay hatinggabi o bago mag-hatinggabi pa ito (suweldo) madedeposito,” aniya.

May mga pagkakataon din na makukuha lamang ang naantalang suweldo matapos ang labinlimang araw, ani Jenalyn Francisco, propesor sa Faculty of Arts and Letters.

“‘Pag sinabing delayed [ang salary] ng June 15, understood na ang salary mo na ‘nun is June 30 so kailangan may savings ka,” aniya.

Nakaaapekto rin ang nasabing problema sa paglaki ng buwis na ibinabawas sa suweldo na kanilang natatanggap, dagdag pa ni Francisco.

“Dahil sa nagipun-ipon ‘yung salary mo, ‘yung tax mo ay malaki kasi ang pagko-compute ng tax ay ayon sa kung ano ang natanggap [mong suweldo] that time,” aniya.

Sinabi ni Ngo na dapat agahan ng Unibersidad ang distribusyon ng suweldo upang maiwasan din ang problema tulad ng pag-o-offline ng ATM.

“They should have put the money there earlier rather than wait for the very last day,” ani Ngo. “They should have allotted time to the faculty members and the system should be faculty-friendly and always consider existing realities of ATMs.”

Sinang-ayunan ito ni Rene Tadle, internal vice president ng USTFU, at nagsabing dapat maging “consistent” sa pagbibigay ng suweldo—ATM man o tseke—dahil mahirap ito para sa mga miyembro ng fakultad na may mga agarang babayaran.

“The point is if 15th [day] falls on a non-banking day, it should be given earlier. [UST officials] should be consistent with what is provided for [in the CBA] because that’s the spirit of agreement,” aniya.

Subalit naniniwala naman si Tadle na matutugunan ito kaagad ng pamunuan lalo na ni P. Herminio Dagohoy, O.P., Rektor ng Unibersidad.

READ
UST sa panahon ng giyera

“I trust in the sensitivity of the Father Rector and [Fr.Roux] that they can really attend to this problem,” aniya.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Roux sa Varsitarian ngunit ayon naman kay Wilma Orate, payroll supervisor, “ay wala namang pagkaantala sa suweldo.”

Noong nakaraang Enero, nagpadala ng letter of complaint si Tadle sa tanggapan ni UST Comptroller Diomedes Yadao ukol sa nasabing isyu kalakip na rin ang pagkakaantala ng 13th month pay ng mga propesor.

Sinagot naman ito ni Roux, sa pagsabing tutugunan ang problema sa pamamagitan ng paggamit ng ATM facility sa pagbibigay ng suweldo.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.