NANG nakaraang linggo, nabasa ko ang akdang The Happiness Project ni Gretchen Rubin, isang aklat na nagsusulong sa kahalagahan ng personal na kaligayahan.

Para kay Rubin, maaaring mabansagan siyang “makasarili” o “mababaw,” ngunit aniya, ang pagbibigay ng kasiyahan sa sarili ay isang gawi na madalas nating nakaliligtaan—dahil nga nangangamba tayo sa maaaring sabihin ng iba.

Ayon pa sa manunulat, ang pagkakaroon ng personal na kaligayahan ay isang malaking instrumento sa pagbibigay saya sa ating kapuwa. Madalas sabihin, “You cannot give what you do not have,” at sabi pa nga, “When you smile, the world smiles with you.”

Sa panahong tila naglipana ang mga “emo” at “BV” (bad vibes), nakahanap si Rubin ng kaligayahan—na maaari nating maramdaman, at ipamahagi sa lipunan.

“Give positive reviews,” aniya. Napakatalim ng wika. Sa isang iglap, kaya nitong makapagpasaya o makapagpaluha—depende sa gamit ng salita, o sa paraan ng pananalita.

Halimbawa na lamang ay ang ipinagdiriwang ngayon na “Buwan ng Wika.” Tiyak, may mga komentaryo na naman mula sa kung sinu-sino: “Buwan ng Wika na naman—lagi na lang ganito, lagi na lang ito ang paksa tuwing Agosto” o ‘di kaya’y “Buwan ng Wika na naman—tara na’t pahalagahan natin ang wika; isang buwan lang naman ‘to sa isang taon. Sa halip na negatibo ang gawing komento, hindi ba’t mas kaaya-ayang marinig ang “Buwan ng Wika na naman—ano kaya’ng bago nating matututunan tungkol sa ating wika?” o ‘di kaya’y “Buwan ng Wika na naman—ang natatanging buwan ng pagdiriwang sa wikang araw-araw nating pinahahalagahan.”

Biniyayaan tayo ng wika, kaya’t sana’y sa bawat pagbukas ng ating bibig, kabutihan ang masambit. Sana’y sa bawat pagbukas ng ating bibig, wala tayong makapaninirang masasabi’t matutuwa ang sinumang ating patungkulan sa ating mga winiwika. At kapag dumating ang pagkakataong alam nating makasasakit ang ating bibitawang salita, ‘wag na muna tayong magsalita—saka na lamang, kapag hindi na makapananakit ang matabil nating dila.

READ
Visitation rights

Para sa mga taong ginagamit lamang ang wika upang pumuna at manlibak ng kapuwa, isang ngiti lamang ang pinakamagandang tugon para sa kanila; isang ngiting nagsasabing, “masaya ako, at sana’y madama mo rin ito.”

At para naman sa mga taong ginagamit ang wika upang makapagpalaganap ng kasiyahan—katulad mo? Isang ngiti rin ang pinakamagandang tugon para sa kanila; isang ngiting may sambit na, “Halika’t ‘wag tayong titigil hangga’t makita nating nakangiti ang buong mundo.”

Ang wika ay may buhay. Kaya nitong pumunta sa iba’t ibang lugar; kaya nitong magbunyag ng lihim. Kaya nitong magpatahimik. Kaya’t kung hindi tayo titigil sa paggamit nito, malamang ay patuloy pa itong yumabong.

Ang wika’y nariyan lamang—naghihintay na ating mahawakan at maibahagi sa iba.

Tulad ng personal na kaligayahan.

Maligayang Buwan ng Wika!

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.