PINABULAANAN ng mga dalubhasa ang pahayag ng Pangulong Benigno “P-Noy” Aquino III sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address (Sona) noong Hulyo 23 na responsible parenthood ang solusyon sa problemang pang-edukasyon ng bansa.
“Maaari nating ireporma ang edukasyon nang hindi kinokontrol ang populasyon,” ani Carlos Manapat, propesor ng Economics sa Faculty of Arts and Letters.
Samantala, sinabi naman ni Dr. Ma. Salve Olalia, direktor ng UST Health Service, na magkakaroon lamang ng pagbabago sa edukasyon kung mabibigyan ng sapat na pondo ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral.
“Ang tunay na reporma sa edukasyon ay dapat itutok sa mga sumusunod: pagtaas ng suweldo ng mga guro, pagsuporta sa kanilang masteral at doctoral studies, pagtustos ng mga aklat at iba pang teaching aids, pagpapatayo ng mga matitibay at maaayos na mga gusali ng paaralan, at pagbibigay ng scholarships sa mga nararapat na mag-aaral,” ani Olalia.
Ipinangako ni Aquino sa kaniyang SONA na matutugunan ng pamahalaan ang kakulangan ng aklat at upuan sa mga paaralan bago matapos ang taong ito.
“Sana nga po, ngayong paubos na ang backlog sa edukasyon, sikapin nating huwag uling magka-backlog dahil sa dami ng estudyante. Sa tingin ko po, responsible parenthood ang sagot dito,” ani Aquino.
Ayon kay Dr. Edna Monzon, pangulo ng Catholic Physicians’ Guild of the Philippines, ang Reproductive Health (RH) bill ay katumbas ng Responsible Parenthood bill.
“Nung binanggit [ni Aquino] ‘yun sa SONA, sinabi niya na ang ineendorso niya ay ang responsible parenthood. [Ito ay] nangangahulugan na hindi niya alam na ang panukalang batas na iyon ay ang RH bill,” ani Monzon. “Maliwanag sa sinabi ni Risa Hontiveros-Baraquel at ni Pia Cayetano na ang Responsible Parenthood bill na binanggit ni P-Noy ay ang RH bill.”
Idinagdag ni Olalia na pinalitan ang tawag sa RH bill upang ito ay maging katanggap-tanggap sa mga tumututol dito.
Habang ang Simbahan ay laban sa RH bill, patuloy nitong pinanghahawakan ang isinasaad ng encyclical na Humanae Vitae (Of Human Life) na mula kay Pope Paul VI ukol sa pagpapahalaga sa buhay ng isang tao. Ito ay kumokondena sa artipisyal na birth control sapagkat nilalabag nito ang batas ng moralidad.
Samantala, sinabi ni P. Dave Clay, assistant executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Family and Life, na ang paninindigan ng Simbahan laban sa RH bill ay naaayon sa pag-aaral ng mga dalubhasa sa edukasyon, ekonomiya, at kalusugan.
“Nagkakamali sila kung sinasabi nila na walang kaugnayan ang ekonomiya sa pananampalataya,” ani Clay. “Hindi kami naniniwala [na makatutulong sa bansa ang] RH bill. Hindi mabuti ang maidudulot nito sa bansa, kung kaya kinakausap at ipinakikita namin sa mga kongresista ang mga nangyayari, ngunit ayaw nilang makinig.”
Idinagdag pa ni Clay na ang malaking bilang ng mga kabataan, kapag nabigyan ng tamang edukasyon, ay ang makapagpapatatag ng ekonomiya ng bansa at ang pagdami ng kabataan sa mga silid-aralan ay hindi nangangahulugang ang bansa ay “overpopulated.”
Kahalagahan ng populasyon sa ekonomiya
Malaki rin ang maitutulong ng populasyon sa pag-unlad ng Pilipinas, ani Olalia.
“Pilit kasi nilang isinisisi ang pagdami ng mga isinisilang na Pilipino sa paghihirap ng bayan. Ang tao ay human resource—malakas na puwersa kapag nabigyan ng angkop na suporta sa pangangailangan,” ani Olalia.
Sinabi naman ni Manapat na ang mga kabataang may 0 hanggang 21 taong gulang ay nasa dependency stage pa lamang, ngunit pagdating nila sa edad 21 pataas ay maaari na silang makapaghanapbuhay, at makapagbigay ng malaking kontribusyon sa net factor income ng bansa.
“Sila ang tanging dahilan kung bakit mayroon tayong positibong Gross National Product (GNP). Kung kukulangin tayo sa populasyon, imposible na magkaroon tayo ng positive GNP,” ani Manapat. “Hindi masosolusyunan ang kahirapan sa pagpapaalis ng mga mahihirap dahil mayroon pa ring kahirapan kahit na kakaunti ang populasyon.”
Ipinaliwanag ni Monzon na kasalukuyang nakararanas ng mga problemang pang-ekonomiya ang mga bansang may laganap na birth control.
“Buksan n’yo ang inyong mga mata at tingnan ang nangyayari sa Amerika at sa Europa na nag-population control noong araw pa. Ngayon wala na silang masyadong mga kabataan at mas marami na [ang] matatanda kung kaya dumaranas sila ng economic recession,” ani Monzon.
Para kay Olalia, katiwalian ng ilang opisyal sa pamahalaan ang pinag-uugatan ng kahirapan sa bansa, at hindi ang malaking bilang ng populasyon.
“Ang RH bill ay hindi sagot sa mga problemang pangkalusugan at kahirapan. Lahat ng probisyon ng bill na ito na nasa batas na natin—katulad ng maternal and child health— ay kailangan lang pondohan ng gobyerno,” ani Olalia. “Ang problema, walang pondo dahil nawawala sa corrupt practices ng ilang mga nasa katungkulan sa pamahalaan na naliligaw ng landas.”
Ani Monzon, hindi ang bilang ng anak ang kailangang pagtuunan ng pansin ng pamahalaan, kung hindi ang pagbibigay sa mga magulang ng trabaho o mapagkakakitaan.
Dalubhasa = Carlos Manapat… Seryoso??!!!
Si Sir Manapat ay isang microeconomist. Cringe worthy ang macroeconomic analyses niyan, dapat si Dr Ang or Ma’am Leah initerview mo. Somebody did not do her assignment.