SA PATULOY na pagsulpot ng mga nagtataasang gusali sa paligid ng UST, tila nagiging “balon ng salapi” na lamang ang Unibersidad para sa ilang mga mamumuhunan sa distrito ng Sampaloc.

Ngunit dapat nga bang pinahintulutan ang mga konstruksyong ito sa simula pa lamang?

Nang muling maging alkalde ng Maynila si Alfredo Lim noong 2007, isinawalang bahala niya ang Ordinance No. 8119 na naglilimita sa pag-unlad ng Lungsod upang pangalagaan ang katatagan ng lokalidad.

Aniya, sumasagisag ang mga gusaling ito sa kaunlaran. “Ayaw kong sundin iyon (ang ordinansa). Kapag sinunod natin iyon, mauunahan ng ibang mga lungsod [sa pag-unlad] ang Maynila na kapitolyo ng Pilipinas” ani Lim sa Varsitarian.

Idinagdag pa niya na kailangang sumabay sa modernisasyon ang Maynila sa ibang mga karatig-lungsod nito.

“Maaaring magpatayo ng gusaling aabot ng 60 na palapag, ngunit kinakailangang kumuha ng special permit kung lalagpas sa nabanggit na bilang ng palapag,” ani Lim.

Nililimitahan ng ordinansa ang taas ng mga gusali at ang dami ng palapag na maaari nitong taglayin batay sa floor area ratio (FAR).

Makakalkula ang FAR sa pamamagitan ng paghati ng kabuuang palapag ng gusali sa laki ng sukat ng lupa kung saan ito itatayo. Sa kaso ng university belt, apat lamang ang FAR, kaya hindi maaaring tumaas sa 19 na palapag ang mga gusali sa bahaging ito ng lungsod.

Ilan sa mga gusaling humigit sa 19 na palapag ay ang Richville Tower sa sangandaan ng Lacson Avenue at kalye ng Dapitan (24 na palapag), at Pacific Grand Tower 1 at 2 sa Dapitan na may 20 at 24 na palapag. Ang Torre de Santo Tomas na kasalukuyang itinatayo sa España Boulevard ay inaasahang aabot ng 45 na palapag.

READ
Rising waters

Ngunit ayon kay Jocelyn Dawis-Asuncion, konsehal ng ikaanim na distrito ng Maynila, walang karapatan ang alkalde na buwagin ang ordinansa dahil hindi ito kabilang sa kaniyang tungkulin.

“Hanggang ngayon, ang Ordinance 8119 ay isa pa ring batas sa lungsod,” aniya.
“Dapat sundin ng mga may-ari ng mga gusali ang ordinansa dahil ginawa ito upang malaman ang holding capacity ng isang gusali lalo na sa isang university cluster.”
Nakasaad din sa ordinansa na 60 porsiyento lamang ng kalupaan ang maaaring sakupin upang mapanatili ang sapat na espasiyo sa lungsod.

“Kapag dumami ang mga tao, posibleng magdulot ito ng maraming basura, pangangailangan sa tubig at kuryente, at dahil sa konstruksyon, mababara ang mga agusan ng tubig at magdudulot ito ng pagbaha,” ani Asuncion.

Makapagdudulot din ang patuloy na pagtatayo ng gusali sa paligid ng UST ng pagsikip ng daloy ng trapiko at pagkaantala ng trabaho, pati sa paghahatid ng mga kalakal, aniya.

Subalit taliwas ito sa paniniwala ni Jose Siao Ling, isang tanyag na Tomasinong arkitekto.

“Makababawas sa trapiko ang pagtatayo ng mga condominium sa lugar dahil hindi na kailangang bumiyahe ng mga mag-aaral papunta sa unibersidad kung sila ay maninirahan sa kalapit na gusali,” ani Ling.

Idinagdag pa niya na kailangang may sapat na tubig, kuryente, at sewage system ang mga gusaling ito.

Hindi tataas sa Main Building

Ayon naman kay Rino Fernandez, isang propesor sa College of Architecture, dapat isaalang-alang ng mga may-ari ng mga nagtataasang gusali ang cultural heritage ng Unibersidad.

Idineklara ng National Historical Commission of the Philippines ang UST bilang isang national historical landmark noong Mayo 2011.

READ
Paris museum highlights Philippine heritage

Iginiit din ni Josefin de Alban, dekano ng Faculty of Engineering, na hindi dapat gawa nang gawa ng matatayog na gusali sa paligid ng Unibersidad.

“How you treat Sampaloc is different from how you treat Divisoria,” aniya.
Ipinaliwanag ni Enrique Sta. Maria, arkitekto ng Facilities Management Office, na may “unwritten law” na humahadlang sa pagtatayo ng mga gusaling hihigit ang taas sa UST Main Building.

“Bago magkaroon ng nagtataasang gusali sa paligid ng UST, may sistema ng herarkiya sa mga ito,” aniya.

Dagdag pa ni Sta. Maria, dapat kilalanin ang UST bilang isang educational landmark. Binanggit din ni De Alban na marapat magkaroon ng maliwanag na zoning regulation kung saan maaaring itayo ang mga nagtataasang gusali.

“Dapat lang sana mayroong mga lugar sa Sampaloc na limitado kung gaano kataas ang mga gusali,” ani De Alban.

Ligtas ba?

Samantala, nagdadalawang-isip si John Joseph Fernandez, dekano ng College of Architecture, ukol sa kaligtasan ng mga nagtataasang gusali sa paligid ng Unibersidad.

Aniya, mahihirapang lumikas ang mga naninirahan dito sakaling magkasunog at mahihirapan ang mga awtoridad na pangalagaan ang seguridad ng mga tao sa dami ng naglalabas-pasok sa gusali.

Kampante naman si Elton Tan, chief operating officer ng Pacific Grand Tower, na ligtas ang mga naninirahan sa kanilang condominium dahil kumpleto umano ito sa mga makabagong teknolohiya tulad ng smoke detector at closed circuit television camera.

Ngunit inamin niyang hindi pa nila napaghahandaan ang sistema ng paglilikas sakaling magkasunog.

“Sa ngayon, wala pa kaming mga [konkretong] plano ukol sa evacuation,” ani Tan.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng mga konsehal ng Maynila ang mga tahasang lumalabag sa naturang ordinansa, ayon kay Asuncion.

READ
Civil Law eyes Commercial Law center

“Balak naming magsampa ng kaso laban sa mga developers na nakikipagsabuwatan sa mga opisyales,” aniya.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.