23 Agosto 2012, 4:35 p.m. – NAKUHA ng isang Tomasino ang unang puwesto sa June 2012 nurse licensure examinations, ngunit bumaba sa ikatlong puwesto ang UST sa naturang pagsusulit.
Pinanguhan ni Roxanne Trinity Lim ang mga bagong nars sa bansa matapos magtala ng markang 86.20 porsiyento.
Samantala, bahagyang bumaba sa 99.33 porsiyento ang passing rate ng Unibersidad. Ikatlo lamang ang UST sa listahan ng top-performing schools.
Mas mababa ang bahagdan ngayong taon kumpara noong 2011 nang magtala ang UST ng passing rate na 99.79 porsiyento at naideklara itong second top-performing school.
Ang Chinese General Hospital College of Nursing and Liberal Arts, Cebu Normal University, at University of the Philippines-Manila ang itinanghal na mga top-performing school matapos magtala ng perpektong mga marka.
Ang West Visayas State University-La Paz na isa sa mga top-performing schools noong 2011 ay bumaba sa ikalawang puwesto ngayong taon, matapos magtala ng 99.36 porsiyentong passing rate.
Ayon sa datos ng Professional Regulation Commission, sa 451 na Tomasino na kumuha ng pagsusulit, 448 ang pumasa. Dalawa sa tatlong hindi pinalad ay first-time examinees. Noong 2011, isa lamang sa 469 na kumuha ng board exam ang hindi pumasa.
Bumaba rin ang bilang ng mga Tomasinong topnotcher ngayong taon. Mula sa 18 noong 2011, walong Tomasino lamang ang pasok sa top 10 ng naturang pagusulit.
Maliban kay Lim, pito pang Tomasino ang pasok sa top 10 ng pagsusulit.
Nakuha nila Ronessa Irene Maglinte (84.40 porsiyento) ang ikapitong puwesto habang nakamit ni Stephanie Marie Seno (84.20) ang ikawalong puwesto.
Nasa ikasiyam na puwesto naman si Eunice Chan matapos magtala ng 84 porsiyentong marka, habang tabla naman sina Joseph Gabriel Abello, Nicoleo Christian Ardiente, Aeron Love Ramos, at Jailene Faye Rojas sa ika-sampung puwesto matapos makakuha ng iskor na 83.80 porsiyento.
Kabilang sa mga pumasa ngayong taon ay ang dating patnugot ng Natatanging Ulat ng Varsitarian na si Charmaine Parado.
Samantala, bumaba sa 45.69 porsiyento ang national passing rate ngayong taon, mula sa 48.01 noong 2011.
Sa 60,895 na kumuha ng nursing board exam noong nakaraang Hunyo, 27, 823 lamang ang pinalad na pumasa. Noong nakaraang taon, 37,513 ang pumasa mula sa 78,135 na kumuha ng pagsusulit. Reden D. Madrid