Higit sa 85 na taon nang pinakamatayog ang Main Building sa buong UST kampus. Naniniwala rin ang maraming Tomasino sa unwritten rule na nagsasaad na hindi nararapat ang magpatayo ng gusaling mas tataas pa sa Main Building. Ngunit sa pagbuhay sa Alumni Center, anong kahihinatnan ng paniniwalang ito?

“As far as I know it is a common knowledge and I believe it should be practiced. Supposedly, the Main Building is a landmark of Sampaloc,” ani Enrique Sta. Maria, in-house architect ng Unibersidad.

Nagbalik-tanaw si Norma Alarcon, propesor sa College of Architecture, sa kasaysayan ng Pilipinas upang bigyang linaw ang nasabing paniniwala.

Ayon kay Alarcon, maaaring nagmula ang paniniwalang ito sa mga kamalayang naging impluwensiya ng mga Kastila sa mga Pilipino noong dumating sila sa bansa. Nagsimula ang pagbuo ng isang lungsod na may parihabang liwasan kung saan ang isang bloke ay inilaan sa simbahan, at kumbentong sumisimbolo sa karapatang relihiyon at sibil noong panahon ng mga Kastila

“Ang konseptong ito ay naisalin sa mga sumunod na mga henerasyon, ‘di lamang sa pambansang lipunan bagkus maging sa loob ng isang pamilya,” ani Alarcon. “Dahil dito, ang mga gusaling nakatayo sa palibot ng liwasan ay ‘di tumataas nang higit pa sa tore ng Simbahan. Ito ay tanda ng paggalang sa sinisimbulo ng katedral.”

Halimbawa pa ni Alarcon, nang ayusin ang Intramuros noong 1970 ay naging patakaran ng Intramuros Administration na walang itatayong gusaling mas mataas pa sa dome ng Manila Cathedral upang mapanatili ang kabuluhan ng katedral at ang integridad ng lugar.

Dagdag pa niya, ang Unibersidad ay maituturing na isang lungsod at ang Main Building ang sentro nito.

“Ang ating kampus ay aking inihahalintulad sa isang maliit na bayan kung saan ang Main Building—ang unang gusali na itinayo ng lumipat ang pamantasan buhat sa Intramuros—ay simbolo ng kapangyarihang akademiko at tanggapan ng mga namumuno,” ani Alarcon.

READ
DOH, P-Noy ipinuslit ang mala-RH bill na utos

“Hindi lamang ang mga kasalukuyang mag-aaral at mga nagtapos ang nagpapahalaga sa Main Building, maging ang mga taong taga-labas ay naiintindihan ang kahulugan ng gusaling ito. Kaya nga ito tinawag na Main Building, dahil ito ang pangunahing gusali sa kampus kung saan nakaluklok ang kasaysayan ng 400 taon na pananatili ng ating pamantasan,” dagdag ni Alarcon.

Sa kasalukuyan, ang ipinatutupad na planong dinisenyo ni Abelardo Tolentino para sa Alumni Center ay aabot sa labindalawang palapag.

“Ang taas kasi ng Main Building natin ay approximately pang 11-story building,” ani Sta. Maria.

“Ang taas ng Alumni Center, ayon sa aming konsepto, ay hanggang tatlong palapag lamang dahil sa aming paniniwala na wala dapat tumaas higit sa Main Building,” ani Alarcon. “Bukod dito, hiniling namin na masunod ang tamang pamamaraan ng conservation ayon sa iba’t ibang pandaigdigang charters.”

Sinubukang makapanayam si Tolentino ng Varsitarian ngunit walang nakuhang tugon mula sa kaniya.

Sa mga librong iniambag tungkol sa kasaysayan ng Unibersidad, walang nabanggit sa lehitimong pagsasabatas ng kaalamang ito.

Ayon kay Jose Victor Torres, isang Tomasino at historyador, walang anumang batas o kasulatan ang nagsasabing bawal magtayo ng gusali sa Unibersidad na mas mataas sa Main Building.

“Prior to the Alumni (Center) is ‘yung Beato (Angelico) building [ang mas mataas kaysa Main Building] na umabot ng walong palapag… Nang panahong iyon, faculty member pa lamang ako ngunit batid ko na ang tungkol sa isyung bakit nga raw mas mataas ang Beato Angelico kaysa Main Building? Doon ko nalaman na wala namang pinanghahawakan na batas na dapat hindi tataas sa Main Building ang kahit anong gusali,” ani Sta. Maria.

Ayon kay Alarcon, kung may gusaling hihigit pa sa taas ng Main Building, mawawala ang pamanang lahi ng Unibersidad hindi lamang sa kampus kundi pati na rin sa sambayanan.

READ
The Philippines as a martial law state

“Ang Main Building ay isang pamana. Ang pamana ay isang bagay na ating inaalagaan at iniingatan upang ipasa sa susunod na henerasyon,” ani Alaracon. “Nakalulungkot ngang isipin na ang apat na National Treasures ng ating kampus ay nasa ilalim ng banta ng kalikasan tuwing bumabaha. Sa ibang bansa, kapag may itinatayong gusali na may kinalaman sa isang simbolikong bantayog, isinasangguni sa mga stakeholders. Sana ganoon din ang gawin ng mga kinauukulan.”

Ang Main Building ay hinirang na National Cultural Treasure ng National Museum noong 2011 kasama ng Central Seminary, Arch of the Century at Grandstand/Open Grounds.

Tomasino Siya

Alam n’yo ba na isang Tomasino ang bantog sa larangan ng teatro at kasaysayan?

Si Jose Victor Torres, nagtapos ng Journalism sa Unibersidad noong 1987, ang associate director ng Drama and History sa Bienvenido N. Santos Creative Writing Center, isang samahang pansining ng De La Salle University (DLSU).

Walong taong gulang si Torres nang isulat niya ang kaniyang unang dula.

“’Di ko na alam [‘yung pamagat ng dula], ngunit tungkol iyon sa batang naglaro ng posporo at sinunog ang bahay nila,” ani Torres.

Taong 1983, si Torres ay sumali sa Teatro Tomasino, ang opisyal na samahang panteatro ng Unibersidad. Makalipas ang apat na taon bilang miyembro ng samahan, isinaentablado ang kaniyang dulang “Sitio.”

Nagkamit si Torres ng kaniyang kauna-unahang gantimpala para sa dula noong 1994 mula sa Gantimpala Theater Foundation para sa dulang “Café Vittorio.”

Mula noo’y bumuhos na ang mga gantimpalang natanggap niya sa pagsusulat ng dula—limang Palanca awards, National Book Award for Travel Writing, at Gawad Ustetika. Kamakailan lamang ay nakamit niya ang Premio Tomas para sa kategoryang Expanded Creative Non-fiction.

Sa Unibersidad din nagtapos si Torres ng M.A. in History noong 1994 at Ph.D. in History noong 2006.

READ
UST third in Medtech boards

Ayon kay Torres, may kasalatan ang kasaysayan ng Unibersidad noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano.

"Most of the papers in the archives under the American period were written in Spanish. No one actually dared to collate those data until I decided to use them for my dissertation," ani Torres sa Varsitarian.

Ang dissertation ni Torres ay nagbunga ng librong “In Transition: UST during the American Colonial Period” na inilimbag ng UST Publishing House (USTPH).

Sa kasalukuyan, lima sa anim na akdang libro ni Torres ang nailimbag na ng USTPH.

“Siguro ang librong ‘di ko makakalimutan ay ‘yung ‘Ciudad Murada’ kasi ito ang pinakakilala na libro ko ngayon,” ani Torres.

Kasalukuyang inihahanda ni Torres ang final edtting ng kaniyang libro na nagwagi sa Premio Tomas tungkol sa Unibersidad noong panahon ng Hapon.

Bukod sa pagsusulat ay hilig din ni Torres ang pagtuturo.

Taong 2001 ay nagturo si Torres sa Unibersidad ng Playwriting sa M.A. Creative Writing Program kasabay ng pagiging Associate in Drama sa UST Center for Creative Writing and Studies.

Makalipas ang tatlong taon, sa Faculty of Arts and Letters naman nagturo si Torres Torres. Pagkakuha naman ng kaniyang Ph.D., pagtuturo ng History sa Graduate School ang hinarap niya.

Nagsilbi rin bilang gurong-tagapayo si Torres ng Teatro Tomasino at Thomasian Writers Guild.

Taong 2009 ay tuluyang umalis sa Unibersidad si Torres.

Kasalukuyan siyang nagtuturo sa DLSU ng History at Rizal courses, at miyembro rin ng Literature Department sa Graduate School Creative Writing Program ng DLSU. Jonah Mary T. Mutuc

Tomasalitaan

Giwaswas (png)—himasmas; malay-tao

Hal.: Si Doreen ay nagiwaswasan mula sa kaniyang pagkakaidlip sa klase nang kalabitin ni Aldrin.

Mga Sanggunian:

Bantog, M.J. & Celis, M.L. 2006. Dramatizing history and historicizing drama. Montage Magazine Volume 10.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.