ISANG lalaking nagpapanggap na Tomasinong seminarista o pari ang napag-alamang nanloloko at humihingi ng donasyon mula sa mga mag-aaral at nagtratrabaho sa Unibersidad.

Noong nakaraang Abril, natuklasang may dalang pekeng student identification card (ID) ang nagngangalang si Prettyboy John De Castro, 20, upang makapasok sa UST. Nagpanggap si De Castro na mag-aaral ng Faculty of Canon Law.

Minsan ay ipinapakilala rin niya ang kaniyang sarili bilang paring Dominiko, o kaya naman ay mag-aaral ng Faculty of Civil Law.

Nang mapag-alaman ng mga awtoridad ng UST ang modus ng impostor, nagpakalat ang Office of the Secretary General ng babala na may larawan ni De Castro sa mga social networking sites.

Ani Imelda Dakis, executive assistant ng secretary general na si P. Winston Cabading, O.P., nagpapakilala si De Castro bilang isang mapagkakatiwalaang mag-aaral. Aniya, ginagawa niya ito upang makuha ang loob ng kaniyang mga mabibiktima.

'Di umano’y nanghihingi si De Castro ng pera sa mga mag-aaral, pari, at seminarista bilang abuloy. Kadalasan ding may ipinapakita siyang pekeng imbitasyon sa isang ordinasyon.

Noong Agosto, matapos kumalat ang mga babala ukol sa impostor, nagreklamo ang isang namamasukan sa carpark matapos nakawin ni De Castro ang kaniyang cellphone na nagkakahalaga ng P33,000.

Ani Alona Punongbayan, 27, nagpakilala si De Castro na pari at matapos makuha ang loob niya ay nagpasama sa Ateneo de Manila University upang makipagkita umano sa kapuwa pari.

“Nagtratrabaho [ako] sa UST at siya naman ay kilala [ko] bilang isang pari, minsan nga ay naka-abito pa siya kaya ako ay tiwalang-tiwala na tunay siyang pari,” ani Punongbayan sa sinumpaang salaysay sa Quezon City Police Department-Station 9.

READ
Sex-prone scenes and copycats of hit Hollywood sci-fi flicks dominate Philippine prime-time TV

Nagkataon naman na ang kaibigan ni Punongbayan na si Jomaima Conde ay namamasukan sa Ateneo. Nang magkakasama na ang tatlo, hiniram daw ni De Castro ang cellphone ni Punongbayan at sinabing tatawagan niya ang kaniyang mga kasamahang pari. Dagdag pa ni De Castro, lalayo daw muna siya dahil lihim ang pag-uusapan nila.

“Tiwala kami sa kaniya [kaya] balewala sa amin ang kanyang paglayo. Hindi namin napansin na wala na pala siya,” ani Punongbayan.

Nang bumalik na si Punongbayan sa Unibersidad, pinaalam niya ang nangyari sa kaniyang mga katrabaho at ipinakita ang larawan ni De Castro. Nakilala naman ng kaniyang mga katrabaho si De Castro bilang nagpapanggap na pari sa kumakalat na babala sa Facebook.

Agad ipinaalam ni Punongbayan sa mga awtoridad ang pangyayari at sinamahan ito ni Cabading sa Ateneo matapos tumawag ang security office ng unibersidad na nagsabing nasa kustodiya na nila ang impostor.

Sa sertipikasyon na ibinigay ni Cabading sa pulisya ng Station 9, si De Castro ay hindi mag-aaral ng UST at kailan ma’y hindi naging Tomasino.

Ngunit hindi maaaring sampahan ng reklamo ng UST si De Castro dahil tanging ang mga biktima lamang ang may karapatang magsampa ng kaso.

“May mga kondisyon kasi para ituring na krimen ang modus ni De Castro. Kailangan na makasuhan siya ng mga tao na nabiktima niya [at] hindi maaaring isa lamang,” ani Dakis.

Dagdag pa niya, huling namataan si De Castro sa Daet, Camarines Norte na patuloy pa ring nagpapanggap bilang isang paring Dominiko at nanghihingi ng donasyon para sa Simbahan.

READ
Ustexchange.com wins Philippine Web Award

Kasalukuyan pa ring iniimbestigahan ng pulisya ang kaso. Nikka Lavinia G. Valenzuela

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.