“YOU KNOW what, sir, in my 22 years of existence I can say that there’s nothing major, major problem that I’ve done in my life because I’m very confident with my family, with the love that they are giving to me. So thank you so much that I’m here. Thank you, thank you so much!”
Sinong hindi nakaaalam sa kontrobersiyal na sagot na ito ni Miss Universe 2010 Fourth runner-up Venus Raj?
Ang tinuran niyang ito noong ika-23 ng Agosto sa Miss Universe Pageant 2010 na ginanap sa Mandalay Bay, Las Vegas, Estados Unidos ay naging usap-usapan hindi lamang sa bansa, kundi pati na rin sa iba’t ibang panig ng daigdig. Naging laman ito ng mga maiinit na talakayan sa radyo, telebisyon, diyaryo at lalung-lalo na sa Internet. Sa katunayan, ang “major, major” na sagot na ito ni Raj ay naging isa sa mga trending topics sa Twitter, isang social networking site, noong araw ng kaniyang pagkapanalo.
Masasabing hati ang opinyon ng madla sa kaniyang sagot na “major, major.” Marami ang natuwa, ngunit marami rin ang bumatikos dito.
Gayon pa man, hindi maikakaila na ang katagang “major, major” ay naging ekspresyon na ng maraming Filipino sa kasalukuyan. Hinahalintulad ito sa sikat na ekspresyon ng mga bakla na “bonggang-bongga” na nangangahulugang labis-labis.
Philippine English
Para kay Propesor Marilu Madrunio, tagapangulo ng Departamento ng Ingles, ang naging sagot ni Raj ay hindi niya kinakikitaan ng ano mang kamalian sa balarila, maliban na lamang sa kaniyang pag-uulit ng salitang major, na ayon sa kaniya ay maaaring nangangahulugan ng pagkaseryoso.
“I don’t think the response was grammatically wrong. Only one lexicon in the sentence caught the attention of the listeners, and that was the word “major, major”. Perhaps, it was direct translation that she was doing. I don’t think what she really meant was “bonggang-bongga” as was stated in the news. As it is, when she said “major, major,” she probably meant serious. And major, major is something severe,” ani Madrunio.
Dagdag pa niya, ang naging sagot ni Raj ay normal para sa isang Filipino dahil ito ang kalikasan ng Philippine English. Maraming Filipino ang nagsasabi ng last, last year sa halip na two years ago, o kaya’y next, next year imbes na two years from now. Madalas ding marinig sa mga Filipino ang mga katagang happy, happy birthday at merry, merry Christmas.
“I’m not saying that “major, major” is part of Philippine lexicon at present but if the time comes that it becomes commonly or frequently used, there is the possibility that it later becomes part of our lexicon,” aniya.
Ipinagtanggol din ni Madrunio si Raj na sa edad nitong 22, maaaring wala pa itong maituturing na seryosong pagkakamali sa buhay kaya’t wala itong nasagot sa tanong. Naniniwala rin siya na mayroong first language interference (L1) sa pagsagot ni Raj dahil maraming salitang FIlipno ang may inuulit na pantig.
“If there is L1, then I believe that [it] is something cultural. It could be attributed to the cultural imprint of the speaker’s use of the language. If this is how a Filipino uses his L1, then we cannot question why she said major, major,” wika ni Madrunio.
Ayon pa sa kaniya, ang paggamit ng translator ay hindi na kinakailangan dahil ang wikang Ingles ay ang ikalawang wika ng mga Filipino, hindi tulad ng ibang bansa na ginagamit ang Ingles bilang foreign language.
“Isn’t it we also have to be proud about the fact that Filipinos themselves are able to use the language, at least in comparison to other users of English? I think we still have an advantage than the rest,” ani Madrunio.
‘Beauty queen’
Bagaman pinupukol ng intriga ang sagot ni Raj sa prestihiyosong paligsahan, isa si Desiree Verdadero-Abesamis, Miss Universe 1984 third runner-up, sa mga naniniwalang walang masama sa naging sagot ni Venus sa tanong ng huradong si William Baldwin.
Para sa kaniya, ang tanong kay Raj ay mahirap kumpara sa ibang kandidata ngunit nasagot naman ito ni Venus nang tapat. Ilang buwan bago ang patimpalak, pinayuhan ni Abesamis si Raj na panatilihing “short but sincere” ang pagsagot sa mga tanong ng mga hurado.
“Honestly, I was impressed with her answer. Given a somehow difficult question, she chose to just be honest about what she felt at the moment,” ani Abesamis.
Dagdag pa niya, ang tanong kay Raj ay nangangahulugang kailangan nitong magsabi ng isang bagay na hindi maganda tungkol sa kaniyang nakaraan, bagay na taliwas sa imahe na kailangang ipakita ng mga beauty queen.
“The question would compel anyone to answer by stating something negative about his/her past. Beauty queens have an image to protect—that of which is all-positive and of strong disposition,” aniya.
Ngunit naniniwala si Abesamis na ang isang tao ay mas malayang maipahahayag ang kaniyang damdamin kung ang gamit nito ay ang sariling wika.
Dagdag pa niya, hindi madaling maging beauty queen dahil hindi lamang ang pangalan ng kandidata ang nakataya, kundi pati na rin ang bansang kinakatawan nito.
“The candidate is not only representing herself, but the country as well. The pressure of having to be always perfect is very complex and being up there on stage takes a lot of courage. What Venus Raj did was a hard feat to follow. She did our country proud.” ani Abesamis.
Hindi madaling tanong
Ayon sa isang special report na ginawa nina Sharon Alfonsi at Bardley Blackburn ng ABC News sa Estados Unidos, hindi lamang si Venus ang nahirapan sa tanong na ibinato sa kaniya. Sa katunayan ay maging ang dating pangulo ng Amerika na si George W. Bush ay hindi nakasagot nang tanungin siya sa isang panayam kung ano ang pinakamalaking pagkakamaling nagawa niya.
Maging ang ilang Tomasino ay nahirapan ding sagutin ang tanong na ito, lalo pa’t on-the-spot ang ginawang pagtatanong.
“Wala naman talagang pagkakamali sa buhay, pagsubok lang ang mga iyon. Ang mahalaga ay may natutunan ka sa mga ito,” ani Gizelle Marie Lee ng Faculty of Engineering.
Para naman kay Jobert Jabob Rodriquez ng AMV-College of Accountancy, ang pagsagot sa kaniyang magulang ang pinakamalaking pagkakamaling nagawa niya at naitama niya ito sa pamamagitan ng paghingi ng tawad at pagdarasal.
Ayon sa ekspertong si Louise Kursmark, direktor ng Resume Writing Academy, kinakailangang maging matapat sa pagsagot at piliin ang isang karanasang kapupulutan ng aral.
“No one likes to admit they make mistakes, especially in a high pressure situation,” dagdag pa niya. Patricia Isabela B. Evangelista at Danalyn T. Lubang