LINGID sa kaalaman ng mga Tomasino, malaki ang naiambag ng Unibersidad sa larangan ng pagsasahimpapawid—partikular na sa pamamagitan ng telebisyon.

Noong Pebrero 1950, itinampok ang kaauna-unahang demonstrasyon ng telebisyon sa Pilipinas, sa pamumuno ng dating katuwang na dekano ng Faculty of Engineering na si Jose Mijares at dating katuwang na technician ng electronics laboratory ng Unibersidad na si Jose Nicolas.

Ang mga pagtatanghal sa loob ng gusali ay ginanap sa harap ng camera system ng telebisyon. Kasabay nito, nakapuwesto sa malayong lugar ang receiver na nagbigay daan upang maipalabas sa isa pang screen ang pagtatanghal.

Bago tuluyang maisagawa, naging isang malaking pagsubok sa mga kasapi ng Electronics Laboratory ang pagbuo ng isang yunit. Kinailangan nilang gawin ang television set sa labas ng Unibersidad dahil sa kawalan ng ekslusibong lugar noon dahil wala pa ang Engineering at Architecture Building na ngayon ay mas kilala bilang Roque Ruaño Building (ang gusali ng Architecture ngayon ay naturingan nang Beato Angelico).

Noong 1949, unang sinubukan ni Nicolas at iba pang electricians ang pagtanggap ng imahen mula sa malayong lugar. Sa kasamaang palad, nang simula, ang mga imaheng lumabas sa screen ay malabo at ang ilang bahagi ng set ay mayroong sira.

Naging pinakamalaking hamon sa technicians ang paglikom ng iba’t ibang parte upang makompleto ang sistema—isa na rito ay ang paghanap ng iconoscope na nagdadala ng imahen sa receiver. ‘Di nagtagal, nakakuha rin sila ng mga bahagi mula sa Radio Corporation of America, isang supplier ng electronic parts na sumasagap ng audio at video.

READ
Fragile

Sa isang panayam taong 1950, binanggit ni Mijares sa Varsitarian na ang pangunahing layunin ng kanilang pananaliksik ay sanayin ang mga mag-aaral sa larangang ito upang kapag naging kasing sikat na ng radyo ang telebisyon, siguradong may natatanging kasanayan na ang mga Tomasino sa pagkumpuni nito.

Tomasino siya

Alam n’yo ba na isang Tomasino ang bantog sa larangan ng medisina at kawanggawa?

Si Egidio Pecaoco Elio, isang urologist, ay nagtapos sa dating kursong BS General Science noong 1977 at sa Faculty of Medicine and Surgery noong 1981.

Tampok sa kaniyang pananaliksik ang paggamit ng sibuyas at rice bran upang maiwasan ang urological disorders tulad ng sakit sa bato at urinary calculi na nagdudulot ng pagsusuka at lagnat.

Noong 2002, binuo niya ang “Tabang sa Antique,” isang proyektong nagbibigay ng serbisyong medikal, konsultasyon at operasyon. Noong 2008, mayroon nang 2,000 na konsultasyon at 1,300 na operasyong naihatid ang naturang proyekto.

Maliban sa kaniyang kasanayan sa medisina, pinangunahan ni Elio ang pagtaguyod ng mga proyektong naglalayong pagtibayin ang pampublikong edukasyon at pagbigay ng parangal sa mga natatanging mag-aaral sa Antique. Gayundin ang pagpapatayo ng St. Isidore the Farmer Shrine sa bayan ng Laua-an, Antique noong 1985.

Isa pa sa mga pinakamahalagang proyektong itinaguyod ni Elio ay ang pagbubukas ng “Elio Library-Books for Antique” na nagkaroon ng mahigit 27,500 na aklat sa mga pampublikong paaralan.

Sa kasalukuyan, patuloy na ipinapamalas ni Elio ang kaniyang husay sa urology sa St. Luke’s Medical Center sa lungsod ng Quezon.

Tomasalitaan:

Landos (pnr) – Hindi nakasuot ng tamang kasuotan

READ
Fresh graduates urged to teach in public schools

Hal: Pinagbabawalang pumasok sa loob ng mga gusali ng UST ang mga landos na mag-aaral.

Mga sanggunian:

(2008). The Outstanding Physician: Dr. Egidio Elio's service to humanity. Retrieved May 17, 2013 from http://www.thenewstoday.info/2008/10/08/the.outstanding.physician.html

The Varsitarian: Tomo XXIII Blg. 2, ika-15 ng Pebrero 1950

The Varsitarian: Tomo XXIII Blg. 4, ika-15 ng Marso 1950

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.