INILUNSAD ng Educational Technology Center (Ed-Tech) Innovative Learning Section ang bagong bersyon ng Blackboard e-Education platform upang tumugon sa modernong pangangailangan ng mga Tomasino at magbigay ng mas malawak na paraan ng pagtuturo.
Ang bagong e-Learning Access Program (e-LeAP) ay mayroong bagong login interface at overlay, social learning at notification system, retention center, item analysis at online calendar.
Binigyang diin ni e-LeAP Director Anna Cherylle Ramos na ang social learning ay isang mahalagang kasangkapan sa pagsusulong ng akademikong kurikulum kaalinsabay ng teknolohiya.
“Ang mga estudyante, ayaw kumawala sa Facebook, ayaw kumawala sa Twitter, so let us give these social tools inside their courses. You are able to connect and link their social life with their academic life. It is a global connection of platform users,” aniya.
Sa bagong bersyon, maaaring magbahagi ang mga mag-aaral ng kanilang mga aralin sa kapuwa mag-aaral gamit ang follow-following system.
“You can post something on your wall. You can follow people using Blackboad within the University or even outside the University. You can communicate with them through the use of this social learning platform,” ani e-LeAP Technology and Infrastructure Manager Leonid Lintag.
Pinagbuti rin ang login interface upang maging kapaki-pakinabang sa mga mag-aaral ang mga makikitang anunsyo at impormasyon ukol sa Unibersidad.
“With our present e-Leap, we will observe [a] clean design. Kitang-kita mo ‘yung login details and we are actually now creating announcements kung ano’ng kailangan ng students at faculty,” ani Lintag.
Dagdag pa ni Lintag, ang bagong e-LeAP ay makatutulong sa mga guro na masundan ang partisipasyon ng mga mag-aaral sa mga asignaturang kanilang ipagagawa sa Blackboard Learn. Gamit ang retention center at item analysis, malalaman kung sinu-sino ang mga nahuli sa deadline at bumagsak sa mga pagsusulit.
“Retention center is for faculty members to monitor students. Matse-check niya kaagad kung ang mga estudyanteng ito ay kailangang ng extra atensiyon so puwedeng mapagsabihan agad,” aniya.
Ngunit mahalaga pa rin ang papel ng guro upang magamit nang wasto ng mga mag-aaral ang e-LeAP sapagkat maraming bahagi nito ang kailangang buksan ng mga guro bago magamit ng mga mag-aaral.
“It is up to the teacher at the end of the day to maximize all of the features. Everything there is blank container, that is why we had a rapid e-Learning training for professors para ma-maximize nila ito,” ani Ramos.
Ang oryentasyon sa bagong bersyon ng e-LeAP ay kasalukuyang inilulunsad sa mga mag-aaral na nasa unang taon. Nauna nang natapos ang oryentasyon sa mga mag-aaral ng Architecture, Medicine, Accountancy, Science at Nursing.
Mula sa Blackboard 9.1 service pack nine noong 2012, ang e-LeAP ay gagamit na ngayon ng Blackboard 9.1 service pack 11 na magbibigay ng mas modernong anyo at nilalaman ng e-LeAP. Pormal na inilunsad ng Ed-Tech and bersyong ito noong Mayo 2.
Sinimulang gamitin sa UST ang e-LeAP noong Nobyembre 2002 upang magbigay ng karanasan sa mga mag-aaral sa pagamit ng teknolohiya bilang kaagapay sa kanilang pag-aaral. Lord Bien G. Lelay