BINABALAK ng mga opisyal ng Unibersidad na isara na ang kampus mula sa publiko upang siguraduhin ang kaligtasan ng mga nasa loob nito.
Ito ang mungkahi ni Joseph Badinas, pinuno ng UST Security Office. Aniya, mas mainam kung hindi bukas sa publiko ang Unibersidad.
“Kapag hindi ka estudyante ng Unibersidad, hindi ka makakapasok ng campus,” aniya.
Ayon sa panukala, lahat ng hindi estudyante ng Unibersidad ay dadaan sa P. Noval at Lacson para itala ang dahilan ng kanilang pagbisita.
“Lahat ng sibilyan na gugustuhing pumasok kailangan balido ang dahilan," ani Badinas.
Hamon sa seguridad ng mga mag-aaral ang pagiging open campus ng Unibersidad na idineklarang national historical landmark ng National Historical Commission of the Philippines noong 2011.
“Medyo mahirap dahil sa simbahan, ospital at carpark,” ani Badinas, “Humahalo ang mga sibilyan sa mga nagkaklase lalo na sa field.”
Dalawang kaso ng pagpatay
Kamakailan lamang, dalawang magkaibang insidente ng pagpatay ang naganap sa paligid ng UST.
Natagpuan ang bangkay ng isang hindi-kilalang lalaki noong ika-apat ng umaga ng Hulyo 15 sa panulukan ng mga kalye ng Lacson at P. Florentino.
Ayon sa ulat ng Manila Police Department, nadatnan ang bangkay na may balot na garbage bag sa ulo at may placard na may mga katagang “HOLDAPER AKO. SNATCHER SUSUNOD NA.”
Sa spot report ni SPO1 Charles John Duran, imbestigador ng insidente, maaaring namatay ang biktima dahil sa pagkakasakal.
Samantala, may natagpuan ding bangkay ng isa ring hindi-kilalang lalaki sa panulukan ng mga kalye ng Dapitan at Gelinos noong ikalima ng umaga ng Hulyo19.
Ayon kay SPO1 Oliver Balingit, natagpuang nakabalot sa bed sheet ang bangkay. Tulad ng naunang bangkay, mayroon din itong placard na nagsasabing “SNATCHER! ‘WAG PAMARISAN!”
Ayon naman sa spot report, may natagpuang mga mababaw na hiwa sa kaliwang kilay ng bangkay, mga marka ng pagkakagapos sa leeg, at nylon rope na nakatali sa leeg, mga braso, at paa.
Hindi pa rin natutukoy ang mga biktima hanggang ngayon, ani Duran.
Dagdag ni Duran, ang mga suspek sa pagpatay ng dalawang biktima ay maaaring maituring na “vigilante group” sa Sampaloc na nais mapatay ang mga kriminal sa lugar.
“Dahil siguro talamak na ‘yung holdapan banda sa inyo, gusto nila mawala ‘yung mga holdaper,” aniya.
Maaaring ang dalawang insidente ng pagpatay ay magkaugnay, ani Duran.
“Same method ‘yung pagpatay sa kanila, which is strangulation, at binalot sa plastic bag ang mukha,” aniya.
Ayon pa sa kanya, sapat naman ang ginagawang pagpa-patrol at police visibility sa paligid ng UST ngunit sadyang napakalaki ng Sampaloc area kaya kakailanganin pa rin ng mga closed-circuit television (CCTV) cameras upang mabantayan nang maigi ang lugar.
Dati nang mayroong mga CCTV cameras sa malapit sa mga unibersidad sa Maynila ngunit pinatanggal ang mga ito noong umapela ang De La Salle University na ipagbawal ang paglalagay ng mga ito malapit sa isang campus, dagdag ni Duran.
Ani naman ni Badinas, miyembro rin ng Crisis Management Office (CMO) ng UST, hindi sila nagkulang sa pagpapanatili ng sapat na kaligtasan sa loob o labas man ng Unibersidad.
“Sa tingin ko, manageable naman. Meron naman tayong ginagawang information dissemination,” ani Badinas.
Ilan sa mga paraan ng pagpapanatili ng seguridad ay ang pagkakaroon ng roving guards sa panulukan ng Lacson at Espana mula gabi hanggang umaga.
Mas magiging mapagmatyag din ang Security Office laban sa mga outsiders sapagkat sila umano ang responsable sa mga modus operandi ng mga krimen sa loob ng UST.
Iminumungkahi rin ni Badinas na bigyan ng karagdagang seguridad ang mga kalye ng P. Noval at Lacson sapagkat dito umano madalas nagaganap ang mga krimen.
“Sa ngayon, ang nakikita naming risky ay sa P. Noval at Lacson,” aniya. “’Yung sa Lacson corner Dapitan, mahihina na ang mga ilaw sa mga poste at ‘yung mga puno mahahaba na ang sanga kaya medyo [madilim] na ‘yung [lugar]."
Bagaman hanggang sa perimeter lang ng UST ang sakop ng Security Office, kailangan pa rin nilang makipagtulungan sa mga pulis sa labas ng pamantasan sa pagre-report ng mga krimen, ayon pa kay Badinas.
Puksain ang krimen
Pinag-iisipan ang paglalagay ng turnstile sa gate ng Espana at Dapitan kung saan kailangang ipasok ang school ID upang pahintulutang pumasok sa loob ng Unibersidad.
Ito ay katulad ng teknolohiyang ginagamit sa MRT at LRT.
Ngunit ayon kay Badinas, na sa unang yugto pa lamang ang pag-uusap at tinitignan pa ang teknikal at pinansiyal na aspekto ng panukala.
Samantala, batay sa datos mula sa UST Security Office, tila bumaba ang mga krimen sa loob ng Unibersidad.
Noong nakaraang Hunyo, isang kaso lamang ang naitala kumpara sa naitalang anim na kaso sa parehong buwan noong nakaraaang taon. Dalawang kaso naman ang naitala ngayong Hulyo, mas mababa sa limang naitala sa parehong buwan ng nakaraang taon.
Ang pagbabang ito, ayon kay Badinas, ay bunga ng epektibong pagpapakalat ng impormasyon ukol sa pag-iingat, pati na rin ang pakikipag-ugnayan nila sa Philippine National Police (PNP).
Subalit hindi lahat ng mga krimen ay isinusumbong ng mga estudyante sa Security Office, ayon kay Badinas.
“Siguro iniisip nila na wala na ring magagawa,” aniya. “Hinihikayat ko lahat ng mga Tomasino na mag-file ng complaints para hindi na maulit.”
Pero ayon kay Miyuki Morishita, pangulo ng Central Student Council (CSC), ang datos ay hindi patunay na ligtas na ang mga estudyante mula sa kapahamakan.
“Ang estatistika ay mga numero lamang,” aniya.
Dagdag pa niya, hindi nararamdaman ng mga Tomasino na ligtas sila sa kabila ng pagbaba ng mga naitalang krimen.
“Dapat nakikita ng mga Tomasino ang ebidensya na ligtas sila, hindi lang sa mga graph o estatistika,” ani Morishita.
Bantay komunidad
Nabawasan din ang krimen na naganap sa Sampaloc, ayon sa datos mula sa Manila Police District (MPD).
Bumaba sa 32 ang kasong naitala noong Hunyo, mula sa 138 na naiulat na krimen noong Enero 2013. Samantala, anim na kaso lamang ang naitala nitong Hulyo.
Upang tumulong sa pagpapaigting sa seguridad ng paligid ng Unibersidad, binuo ni P. Manuel Roux, O.P. ang Sampaloc-UST Neighborhood Watch (SUN Watch).
“Naglalayon ito na gawing mas ligtas at mas maayos ang komunidad,” ani Carl Balita, pinuno ng SUN Watch at may-ari ng isang review center sa Espana.
Kasapi sa grupo ang UST at mga negosyo sa paligid ng Unibersidad, pati ang mga opisyal ng barangay, ani Balita.
“Boluntaryo lang ang pagsali dito, lahat ng gustong tumulong puwedeng sumapi,” aniya.
Ngunit ayon kay Balita, hindi sila ang solusyon upang tuluyang mawala ang krimen sa lugar. Binuo sila upang paganahin ang sistema, aniya.
“Bakit gagamitin ang security guards ng UST kung meron namang tao na dapat gumagawa ng trabaho,” aniya. “Nandito kami para gawin ng mga tao ang kanilang trabaho.”
Closing UST to the public is a great idea. It will help in the security of the students as well as employees of the university. I have just one concern. How about the taxis entering the university in Espana and Dapitan gates? How will it be resolved? The security guards do not allow private cars without the sticker to enter but they let the taxis to enter which the non-students and non-employees can take advantage of to enter the university.