BAGO pa man tuluyang sumiklab ang digmaan laban sa mga mananakop na Hapon, tumulong ang Unibersidad sa paghahanda sa bansa sa pamamagitan ng pakikiisa sa programa ng Philippine Red Cross (PRC).

Noong Hulyo ng 1941, inilunsad ng PRC ang “Emergency Roll Call Fund Campaign,” isang programang naglalayong makalikom ng ?1,000,000 sa pamamagitan ng pagtitinda sa kantina ng PRC.

Ang makukuhang pera ay gagamitin bilang paghahanda para sa nalalapit na giyera laban sa mga Hapon. Ang iba’t ibang paaralan sa Maynila ay inanyayahang sumali sa programa.

Noong Agosto ng nasabing taon inilunsad ng Unibersidad ang “UST Red Cross Day Canteen” sa Manila Jockey Club, kung saan dinaluhan hindi lamang ng mga Tomasino kung hindi ng mga mag-aaral mula pa sa ibang paaralan.

Bukas ang kantina mula ika-10 ng umaga hanggang hatinggabi. Sa itinakdang oras ay mayroong naatasang mga kolehiyo na magtinda sa kantina. Dinaluhan din ito ng mga Paring Dominiko sa pangunguna ng dating Vice Rector Padre Eugenio Jordan, O.P.

Ang Commerce at Liberal Arts ay ang mga naatasang kolehiyong tumao sa kantina mula sa pagbubukas nito hanggang ika-2 ng hapon. Mula naman ika-2 ng hapon hanggang ika-6 ng gabi ay ang Law, Pharmacy at Philosophy ang naatasang magtinda. Samantala, ang Normal, Fine Arts at High School ang humalili sa pagtitinda mula ika-6 ng gabi hanggang ika-9 ng gabi. Ang Medicine, Engineering at Architecture ang magbabantay sa kantina mula ika-9 ng gabi hanggang sa oras ng pagsasara.

Tomasino siya

Alam n’yo ba na isang Tomasino ang kinikilala at iginagalang sa larangan ng medisina partikular na sa Urology?

READ
'Promdi' to artist: The UST years of Raymond Legaspi

Si Ananias Diokno, nagtapos ng kursong medisina sa Unibersidad noong 1965, ay isa sa mga iginagalang na propesor ng Oakland University William Beaumont School of Medicine sa Estados Unidos.

Noong 1970, ipinagpatuloy at tinapos niya ang kaniyang urology residency sa University of Michigan kung saan siya ay pinarangalan ng fellowship in neuro-urology at urodynamics ng sumunod na taon.

Samantala, noong 1984, hinirang si Diokno bilang tagapangulo ng Department of Urology sa Beaumont Hospital sa Royal Oak, Michigan.

Taong 2000, kinilala si Diokno bilang NAFC Urologist of the Year Matapos ang dalawang taon, ginawaran din siya ng Lifetime Achievement Award ng Society of Urodynamics and Female Urology.

Bilang isang propesor, pinarangalan si Diokno ng Kaiser-Permanente Award for Excellence in Teaching mula sa pagpili ng mga mag-aaral sa Oakland University at Silver Cystoscope naman mula sa kaniyang mga kapuwa residente.

Sa kaniyang angking dunong, nakapaglimbag si Diokno ng mahigit 250 na mga saliksik sa iba’t ibang mga journals at libro na humakot ng maraming parangal mula sa mga siyentipikong organisasyon.

Noong 2013, pormal na binitiwan ni Diokno ang kaniyang posisyon bilang executive vice president ng Beaumont Health System kasabay ng kaniyang pagreretiro.

Tomasalitaan:

Halimbukay (PNG)—salpok ng alon

Halimbawa: Pilit niyang pinapangarap ang halimbukay ng tubig dagat sa kaniyang mga binting tinakasan na ng pakiramdam.

Mga Sanggunian:

Ananias Diokno, M.D., Nakuha Enero 30, 2014 mula sa https://www.beaumont.edu/press/reporter-resources/biographies/ananias-diokno-md-executive-vice-president/

Greene, J. (2013) Ananias Diokno announces retirement as Beaumont's chief medical officer .Nakuha Enero 30, 2014 mula sa http://www.crainsdetroit.com/article/20130516/NEWS/130519906/ananias-diokno-announces-retirement-as-beaumonts-chief-medical

Nakuha Enero 30, 2014 mula sa http://www.linkedin.com/pub/ananias-c-diokno/33/28b/1a7

READ
Mushing around the bush

The Varsitarian: Tomo XIII, Blg. 5, Hulyo 5, 1941

The Varsitarian: Tomo XIII, Blg. 5, Agosto 9, 1941

The Varsitarian: Tomo XIII, Blg. 5, Setyembre 10, 1941

The Varsitarian: Tomo XIII, Blg. 5, Oktubre 11, 1941

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.