SA DARATING na taong pampaaralan, ipatutupad ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang “Mother Tongue-Based-Multilingual Education” (MTB-MLE) sa ilalim ng K+12 curriculum, kung saan gagamitin ang 12 pangunahing wika ng bansa (ang Tagalog, Kapampangan, Pangasinense, Iloko, Bikol, Hiligaynon, Cebuano, Waray, Tausug, Maguindanoan, Maranao, at Chabacano) bilang midyum ng pag-aaral mula kinder hanggang ikatlong baitang.
Ang mother tongue ay ang wikang ginagamit sa bahay ng isang mag-aaral. Naniniwala ang DepEd na ang paggamit ng mother tongue sa mga unang taon ng edukasyon ay makatutulong sa mas epektibo at mabilis na pagkatuto ng mga mag-aaral.
Sa ilaim ng DepEd Order No. 16, Series of 2012, ang MTB-MLE ay ipatutupad bilang isang asignatura mismo at bilang midyum din ng pagtuturo. Gagamitin ito sa lahat ng asignatura maliban sa Filipino at Ingles.
Sang-ayon si Marilu Madrunio, tagapangulo ng Departmento ng Ingles ng UST at dating pangalawang pangulo ng Linguistic Society of the Philippines, sa pagtataguyod ng MTB-MLE dahil, ayon sa kanya, walang negatibong epekto ito sa mga guro, mag-aaral, at pati na sa lipunan.
“Isandaang porsiyento ang suporta ko sa MTB-MLE dahil una, karamihan sa mga Pilipino ay hindi naman Ingles o Filipino ang unang wika dahil ang ating bansa ay binubuo ng halos 170 na lokal na wika. Pangalawa, pinabubuti nito ang resulta ng pag-aaral at itinataguyod nito ang education for all (EFA). Pangatlo, ayon sa pagsusuri, mas mabilis matuto ng ikalawang wika ang mga mag-aaral na nag-aral muna gamit ang kanilang unang wika kumpara sa mga nag-aral lamang gamit ang ikalawang wika. Mas mabilis ding umunlad ang cognitive, linguistic, at academic competencies ng mga nag-aral gamit ang kanilang unang wika kaysa sa mga nag-aral sa ikalawang wika,” ani Madrunio.
Ibinahagi rin niya na mabuting pagkatiwalaan ang mga pananaliksik ng mga eksperto tungkol sa paksang ito kaysa mga sabi-sabi lamang. Kaya naman ang pagbabago mula sa bilingual directive patungong multilingual directive ay nararapat dahil ito ay suportado ng maraming saliksik sa lingguwistika. Dalawang kilalang pagsusuri rito ay ang “Thomas Coiller Study” at ang “Lubuagan Experiment.”
Ang Lubuagan Experiment ay isang magkatulong na proyekto ng DepEd at ng Summer Institute of Linguistics International (SIL), kung saan limang paaralan sa probinsya ng Kalinga ang sumailalim mismo sa programang MTB-MLE. Itinuro rito sa mga bata ang mga asignaturang Ingles, Filipino, at Matematika gamit ang sarili nilang wika na Lilubuage.
Makalipas ang 10 taon, nagsumite ang SIL sa Committee on Basic Education and Culture, Committee on Higher and Technical Education, at House of Representatives ng pormal na pag-uulat sa mga naging resulta ng MTB-MLE sa limang paaralan sa Kalinga. Ayon sa ulat, mas naiintindihan ng mga mag-aaral ang araling ginagamitan ng sarili nilang salita, bukod pa rito ay napag-alaman ng mga eksperto na mas nalulugod ang bata na mag-aral dahil nararamdaman nito ang sense of belongingness sa paggamit ng sarili nilang pananalita.
Para naman kay Roberto Ampil, tagapangulo ng Departamento ng Filpino ng Unibersidad, hindi pa masasabi kung ano ang kahahantungan ng malawakang pagpapatupad ng MLE-MTB dahil sa iilan pa lamang ang nagsasagawa nito.
“Kapag tuluyang naipatupad ito, kailangan na ring magkaroon ng ebalwasyon at doon matutukoy ang kahinaan at kalakasan ng programa. May ilang nagsasabi na tila may kakulangan ng kagamitan para sa MTB-MLE at dapat na pagtuunan ng gobyerno. May ilang negatibong reaksyon din ang ilan dahil sa ipapatupad ito sa walong pangunahing wika ng Pilipinas. Paano 'yung ibang wika?” ani Ampil.
Aniya, mas mabilis matututunan ng mag-aaral ang wikang Filipino dahil halos magkakalapit naman ang mga wika sa bansa.
“Higit na magiging madali ang pagkatuto ng Filipino dahil na rin sa sinasabi ng mga pag-aaral na ang mga wika sa Pilipinas ay magkakamag-anak, ang ibig sabihin, mas madaling matutuhan at salitain ang mga wika bunsod na iisa lamang ang pinag-ugatan nito at kapwa Pilipino ang nagsasalita nito,” ani Ampil.
Dagdag pa niya, kaalinsabay sa pagpaplanong pangwika ay pagpaplanong pang-ekonomiya. Kailangan suriin ang lahat ng aspekto upang malaman kung ito nga ay tunay na epektibo.
“Sa aking pagtatasa, kailangang gastusan ng gobyerno ang programang pang-edukasyon lalo't higit ang pagpaplanong pangwika (wikang panturo) upang sa huli ang lahat ay makinabang. Magiging madali ang pagkatuto ng mag-aaral (sapat at de kalidad) at magiging episyente at epektibo ang guro (promosyon, mataas na sahod, atbp.), mas magiging matatag ang ekonomiya,” ani Ampil.
Sa isang online news ng pahayagang Balita ay ipinahayag ni Magtanggol Gunigundo, Valenzuela second district representative at deputy majority floor leader, na hindi buong 100 porsiyento ang suporta ng DepEd sa MTB-MLE dahil may ilan pang nag-aatubili rito. Ang pahayag niyang ito ay sinalungat naman ni Rosalina Villaneza ng DepEd na sinabing buo ang panukala ng departamento sa MTB-MLE upang mapaangat ang kalidad ng edukasyon at makamit ang EFA goal.
Ipinahayag ni Villaneza na 921 paaralan na ang sumailalim sa MTB-MLE noong akademikong taong 2011-2012.
“Matagal na naming nahasa ['yung mga guro ng mga paaralang ipinatupad na ang MTB-MLE] kasi noong lumabas ang DepEd Order 74, we gathered all the materials and existing experiences ng mga schools na nag-implement ng lingua franca. Tapos nag-prepare at nagkaroon ng teachers training noong 2010 na na-implement noong 2011-2012,” ani Villaneza sa lathala ng GMA.
Sa kasalukuyan, pinaghahandaan na ng DepEd ang malawakang pagpapatupad ng MTB-MLE. Ngayong bakasyon ay isasagawa ang pagsasanay sa mga guro, lalo na sa mga guro ng baitang 1, 2, at 3 dahil sa mga baitang na ito nakatakdang ipatupad ang MTB-MLE sa ilalim ng K+12 curriculum. J. M. T. Mutuc