SA DALAWA’T kalahating taon kong paninilbihan sa opisyal na pahayagan ng Unibersidad, isa ako sa laging nananabik sa mga magaganap na aksiyon sa UAAP basketball.
Marami na rin akong nakasalamuha at naging kaibigan sa loob ng press room. Masaya pero mahirap din dahil magkakakompitensiya pa rin kami pagdating sa trabaho.
Gayunpaman, patuloy kong iniisip kung ano ang halaga ng mga peryodista: sila ba ay naglilingkod at nagbibigay serbisyo sa madla o sila’y nagbabalatkayo lamang at inaabuso ang press ID para sa pansariling interes?
Kamakailan lamang, naglabas ang UAAP Press Corps ng isang liham para sa mga manunulat at fotograpo na iwasang makihiyaw o makisali sa mga manonood habang ginagampanan nila ang kanilang trabaho.
Batid kong hindi ako nag-iisa at mayroon ding iba pang nakapapansin sa pang-aabusong ito subalit nakapagtataka na hindi nakagagawa ng ingay ang ganitong isyu.
Nagmimistulang isang perya ang dating maayos na press box tuwing nag-iinit na ang laro.
Tila dinaig pa ng UAAP basketball ang Olympics sa sobrang dami ng kumukuha at nagsusulat dito. Mayroon kasing mga pahayagan at mga “hao siao” o pekeng media na tatlo-tatlo kung magpadala ng kanilang mga tao.
Dagdag pa rito, mayroon ding mga abusado na ginagamit ang press ID para lamang makapanood nang libre.
Isang halimbawa na lamang kung paano malalaman kung sino ang totoo sa kanilang mga gawain sa hindi ay sa pamamaraan ng pagkuha at pagsulat sa iba pang larangan ng palakasan katulad ng football, baseball, tennis at iba pa. Bilang lamang sa aking mga daliri ang mga nagsusulat at kumukuha ng retrato na nakakasabay ko sa mga larangang ito.
Bilang mag-aaral sa unibersidad na kabilang sa UAAP, hindi maiwawaksi ng campus press ang matibay na pagsuporta nila sa kani-kaniyang mga koponan. Natutuwa sila sa mga tawag ng “referee” na pabor sa paaralan at naiinis sa mga tawag na hindi. Nadadala sila minsan ng mga emosyon lalo na kapag dikit ang laban. Nakakapagsabi sila nang mali at dito nakikita ang pangit na pag-uugali ng hila tulad ng ibang manonood.
Sa kabila nito, kakailangang tandaan pa rin ng campus press ang tungkulin nilang magbigay ng ulat na walang bahid ng partisan na pananaw. Suot pa rin nila ang press ID; ibig sabihi’y kailangan nilang mag-ulat na wasto, tama, at makatarungan. Hindi nila dapat hayaang manguna ang bugso ng damdamin, makisigaw kasama ang tao at magalit mismo sa mga referee. Mas mabuti pang tanggalin na lamang ang ID at pumunta sa mga audience at makihiyaw o magalit kaysa ikaw ang nangunguna sa pagsigaw sa loob habang suot ito.
Sa mga kasama ko sa pamamahayag: Huwag nating abusuhin ang tiwala at serbisyong ipinagkaloob sa atin. Unawain nating mabuti ang ating mga gawain. Maging patas tayo sa lahat ng ating mga ginagawa at huwag maging tuluyang salot ng lipunan.