“Reminders, please fasten your seatbelts, and switch off all electronic devices as we are about to land in a few minutes.”

Ang init.

Ito ang mga unang katagang pumasok sa isipan ni Kirsten nang lumapag ang eroplanong kanilang sinasakyan pa-Pilipinas. Sabi ng mga magulang niya, minsan na daw silang nanatili dito. Ngunit tila hindi naman niya matandaan kung kailan ‘yon.

“Tinay! Iha, ikaw na ba ‘yan? Ang laki mo na at ang ganda pa! Mestisahin ka talaga noon pa man.”

“Hi, Tita, Tito.”

“Kirsten po. Kirsten na lang sana, mas sanay ako,” giit niya sa kaniyang isipan. Hindi niya malaman kung bakit, ngunit sa puntong iyon ay may kung anong hiya na bumalot sa kaniyang kamalayan at ‘di tulad sa Amerika, hindi niya nasabi nang tahasan ang kaniyang saloobin.

“O’siya, tara na sa bahay at siguradong matindi na ang trapik ng ganitong oras.”

Mula sa paliparan ay sumakay sila sa sasakyang minaneho ng kaniyang tiyuhin. Huminto sila sa tapat ng isang compound sa Sampaloc at doon niya nalamang narating na pala nila ang tahanang kinalakhan ng kaniyang ama. Doon daw sila mamamalagi sa kanilang pananatili ngayon sa bansa.

Pagkababa ay sinalubong si Kirsten ng isang binatilyong mataba na kung ngumiti ay wari nakikingisi ang mga mata, na para bagang nagiging singkit ang mga ito. May hawak siyang plastik na baso na may kung anong inumin na nakalagay. “Ano iyon?” tanong niya sa sarili, “Pagkain? Inumin? Ano iyong nasa maliliit na baso na kulay kape at may halong puti at bilog-bilog…”

READ
Overdose

“Taho!” sigaw ng isang matandang papalayo sa gate ng compound nila. Mula sa kinatayuan nito ay sumunod ang tatlo pang kabataang sing tatanda niya na may dala ring plastik na basong mayroon din noong ‘bagay’ na pinagtatakhan niya.

“A, oo. Taho.” bulong ni Kirsten sa sarili.

“Maligayang pagdating, Tinay! Ang ganda mo naman, may dala ka bang tsokolate para sa amin?” pagbati ng binatilyong mataba.

“Sshh, magsitigil nga kayo, nakakahiya,” pananaway ng tiyahin niya na sumundo sa kanila sa paliparan. "Pasensiya ka na sa mga pinsan mo, iha. Parang walang pinagbago ‘yang mga ‘yan ‘e. Makukulit pa rin, tulad noong mga bata pa kayo. Tanda mo pa naman sila, ano? Si Biboy ‘yung mataba, si Linda ‘yung iyakin, si Popoy ‘yung matangkad, at si Paeng naman ‘yung nakasalamin.”

Tanda pa naman ni Kirsten ang kaniyang mga pinsan gawa ng maraming retratong nakikita niya madalas sa computer. Tanda niya ang kanilang mga mukha at pangalan. Ngunit hindi niya napigilang isipin na kung wala kayang mga retrato at computer, tanda pa rin kaya niya ang mga ito?

Pumasok sila sa compound at sa tahanan ng kaniyang lolo’t lola ay pinagsaluhan nila ang inihandang tanghalian ng isa pa niyang tiyahin.

“See-knee-guhng.”

“Iyan! Paborito mo ‘yang kainin noong araw. ‘Yan lang ‘ata ang ulam noon na hindi kita kailangan habulin para lang pakainin,” tawa ng kaniyang tiyahin.

Talaga? Buong akala niya’y burger lamang ang nag-iisa niyang paborito.

“Sabi ni Inay, mamamasyal daw tayo sa Baguio at Palawan para maka-relaks ka naman. Pagod ka raw lagi sa bago mong trabaho, a,” ani Linda.

READ
Review center postponed

Baguio? Palawan? Pamilyar ito kay Kirsten, ngunit hindi niya lubos na maalala kung ano ito.

“Baguio ba kamo? Makakakita na naman tayo ng mga palakaibigang Igorot!” siyang galak ni Biboy.

Nabagabag si Kirsten lalo dahil wari ay pamilyar na naman sa kaniya ang salitang Igorot ngunit hindi na naman niya mawari ng buo kung ano o sino ito.

“Nakasakay ka na ba sa kalesa? Gusto mo ba mamaya ay dumaan tayo sa Intramuros para masubukan mo?” tanong ni Paeng.

“Nako Paeng, apat lang ang kasya sa kalesa, huwag ka nang sumama. Kumain ka na lang ng paborito mong balot habang hinihintay mo kaming bumalik,” biro ni Popoy.

Kalesa? Teka, amusement park ba ang Intramuros kaya may rides? At anong pagkain na naman itong ‘balot’ na ‘to? Tila nahilo si Kirsten. Ilan pa ba ang hindi niya na maalala? Ano pa ba ang mga hindi niya alam? Talaga bang minsan ay namalagi siya sa lugar na ito? Kung oo ay bakit tila wala man lang siyang maalala?

Sa isang bagay lamang siya tiyak: siya si Kirsten, dalawampu’t limang taong gulang. Sanay siya sa iba’t-ibang lugar. Palipat-lipat sila ng bansang pinamamalagian buhat ng trabaho ng kaniyang mga magulang na negosyante. Marami siyang kaibigan at kamakailan lamang ay nakapagtapos ng kursong business administration sa isang unibersidad sa Australia.

Nakatagpo at nakihalubilo na siya sa mga puti, singkit at iba pang mga lahi at naging maayos naman ang kaniyang pagtanggap sa bawat lugar na napuntahan. Ngunit anong mayroon sa panibagong lugar na ito na tila nadismaya siya sa kaniyang labis na paninibago? Sanay siya sa pakiramdam ng palipat-lipat ngunit ngayong sila ay huminto, hindi siya mapalagay.

READ
Trauma clinic plans Asia center for depression

Ito ba ay dahil sa mga palangiting mukha na tila ba minsan na niyang nasilayan ngunit hindi niya lubusang matandaan? O baka dahil sa kabaitan at init ng pagtanggap ng mga taong halos hindi naman niya maalala ngunit nag-uumapaw ngayon ang saya nang muli siyang makita?

Siguro, ito ay dahil batid niyang sa dami ng bansang kaniyang napuntahan, ang isang ito ang dapat niyang alam at ang dapat niyang inalam mula noon pa man kahit siya ay malayo, sapagkat ito raw ang kaniyang tahanan.

“Kirsten? Ayos ka lang ba? Bakit bigla kang tumahimik, may kailangan ka ba?” tanong ng kaniyang tiyahin.

“Kristina po. O kaya Tinay na lang. Ayos lang po ako. Katunayan, excited na akong puntahan ‘yong Intramuros, para masakyan ‘yang kalesa na ‘yan,” nakangiting sagot niya.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.