25 Agosto 2014, 10:02 p.m. – BAGAMAN mas maliit ang bilang ng mga dumalo sa pangalawang “Million People March” ngayong Lunes sa Luneta kumpara noong nakaraang taon, isa pa ring mabisang paraan ang ganitong pagtitipon upang ipahayag sa pamahalaan ang pagkadismaya ng mga Pilipino.

Sa isang edisyon ng “Tapatan sa Aristocrat” na pinamagatang “PDAF-DAP sa ibang anyo? Pangulong PNoy Aquino: One More Time?” sinabi ni Arsobispo-Emerito Oscar Cruz ng Lingayen-Dagupan na kahit mas maliit ang bilang ng mga dumalo sa ikalawang bersyon ng Million People March, mas mahalaga na nagkakaisa pa rin ang mga Filipino sa adhikain nito.

“May mga pagtitipon na nakikita at hindi nakikita. May mga pagtitipon na nabibilang at hindi nabibilang,” ani Cruz na dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP). “Bumaba ang bilang ng nakikitang nagpoprotesta, pero naniniwala akong hindi bumababa ang adhikain ng mga naghahangad ng kabutihan para sa bayan.”

Ayon sa pagtatala ng Philippine National Police, umabot lamang sa humigit-kumulang 5,000 ang bilang ng mga dumalo sa pagtitipon, mas maliit kumpara sa halos 100,000 na nakilahok noong 2013.

Paliwanag ni Junep Ocampo, founder ng EDSA-Tayo, isang samahan kontra sa Priority Development Assistance Fund (PDAF), bumaba ang bilang ng mga nagsidalo dahil dumagdag sa adhikain ang isyu ng Disbursement Acceleration Program (DAP) ng Pangulo.

“Noong unang beses tayong nagkita sa Luneta, ang ipinaglalaban lang natin ay ang pag-alis sa pork barrel. Kasama pa natin noon ang mga ‘pro-PNoy’,” ani Ocampo. “Pero ngayon, nabawasan tayo dahil dawit na rin ang pangalan ng ating pangulo.”

Dagdag ni Ocampo, malaking tulong ang pagdaraos ng Million People March sa pagmulat sa mga Filipino tungkol sa mga katiwalian sa pamahalaan at sa paggawa ng mga hakabang upang baguhin ang mga ito.

“Noong unang beses tayong nagtipon para magpahayag ng pagkontra sa pork barrel, akala natin walang mangyayari. Pero madami nang nangyari. Mayroong mga nakulong, mayroong mga naideklarang na unconstitutional,” aniya. “Makikita natin ang pagkakaiba. Dati hindi pa alam ng mga normal na tao kung ano ang PDAF. Pero ngayon alam na nila. Pati ang mga kabataan, naririnig na natin.”

Kasama rin sa nasabing panel discussion si Rolando Simbulan, vice president ng Center for People Empowerment in Governance. Nagsilbing moderator naman si Melo Acuña ng CBCP News. Angeli Mae S. Cantillana

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.