PAANO maging Filipino sa isang globalisadong mundo?
Higit na bibilis ang ragasa ng globalisasyon sa bansa dahil sa integrasyong pang-ekonomiya ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa darating na 2015. Sa pamamagitan ng integrasyon, magkakaroon ng iisang merkado sa rehiyon na siyang magpapadali sa pagluwas at pag-angkat ng mga produkto ng bawat bansa, sa pagpapadala at pagtanggap ng mga manggagawa, sa pamumuhunan at pagpapalitan ng serbisyo at higit sa lahat, mas mapapadali ang pagkawala ng mga Filipino.
Bukod sa kakulangan sa kalidad na mga produkto na maaaring makipag-sabayan sa produkto ng mga karatig-bansa, pag-usad ng pasukan sa Setyembre at agarang pagpapatupad ng K-12, hindi pa rin handa sa globalisasyon ang mga Filipino.
Magbubunsod ito ng pagkawala ng sariling identidad ng mga Filipino sa maraming kadahilanan.
Una sa lahat, Ingles ang opisyal na midyum ng pakikipagtalastasan sa ASEAN. Sa hindi kalayuang hinaharap, maaaring mapalitan ng Bahasa o Malay ang Ingles bilang opisyal na wika ng rehiyon ngunit maliit at halos walang tiyansa na mapalitan ito ng Filipino sapagkat sa Filipinas lamang ginagamit ito.
Kung tutuusin, mainit pa ring usapin ang pagtanggal ng Commission on Higher Education (CHEd) sa pagtuturo ng Filipino sa kolehiyo sapagkat magiging sanhi ito ng kawalan ng pagkakakilanlan ng mga Filipino sa kanilang sarili. Kung patuloy na Ingles ang sasalitain ng mga Filipino, tuluyan nang lalamunin ng Ingles ang Pambansang Wika.
Ikalawa, malilimutin at hindi mapagmahal sa kanilang kasaysayan at kultura ang mga Filipino. Dulot marahil ng mapait na karanasan at alaala ng humigit tatlong daantaong pananakop ng iba’t ibang lahi, mababaw ang pagpapahalaga ng mga Filipino sa kanilang nakaraan.
Mababanaag ang paghihikahos ng mga samahang patuloy na isinusulong ang adbokasiya ng muling pagbuhay sa mga lumang tradisyon ng bansa. Bihira nang sayawin ang tinikling, cariñosa at pandanggo sa ilaw sa mga pista. Kasabay ng pagguho ng maraming makasaysayang gusali sa Visayas, ay ang pagguho ng pagka-Filipino ng mga Filipino sa pag-usbong ng samu’t saring lahi at kultura sa darating na integrasyon.
Ikatlo, masyadong magiliw sa panauhin ang mga Filipino. Sa pagdating ng ibang lahi at ng kanilang mga produkto, tiyak na higit silang tatangkilikin ng mga Filipino.
Patunay na rito ang pagkahilig ng mga Filipino sa pagbili ng mga bagay na imported at ang pagpipilit na mag-Ingles o kausapin ang mga banyaga sa kanilang wika imbis na ituro ang wikang Filipino at ipakilala ang kulturang Filipino.
Panghuli, wala naman talagang mga Filipino. Mayroong Filipino-Tsino, Filipino-Amerikano, Filipino-Hapones, Filipino-Koreano, Filipino-Espanyol, ngunit madalang ang Filipino.
Parating may kahating lahi sa pagka-Filipino ng mga Filipino. Kung mamalasin, umaabot pa ng sang-katlo, sang-kapat, maging sang-lima ang lahi na nakikihati sa pagkatao ng mga Filipino. Nang lumaon, nagkaroon na rin ng Filipino-Tsino-Koreano-Espanyol-Amerikano o kaya nama’y Filipino-Hapones-Italyano-Thai-Russo. Hangga’t may mahuhukay na ibang lahi sa kanilang dugo, hindi papayag ang mga Filipino na basta na lamang sila Filipino. Dahil sa mga kadahilanang ito, masasabing hindi tayo handa sa integrasyon. Hangga’t hindi nagiging malinaw sa isipan ng mga Filipino ang kanilang pagkakakilanlan, hangga’t hindi nagiging mahigpit ang kanilang kapit sa kung ano ang tunay na Filipino, mananatiling mga tulog na hipon na tatangayin ng agos ng globalisasyon ang mga Filipino.
Darating ang dapithapon ng 2015 na naghihingalo ang lahing Filipino. Naghihikahos maki-ayon sa globalisasyon, nagpupumilit makipag-sabayan sa ibang bayan, patuloy na umuusad, ngunit walang napatutunguhan, nalilimutan ang pagkakakilanlan.