MABABAWASAN ang matrikula para sa ikalawang semestre ng ilang estudyante ng Conservatory of Music na naapektuhan ng maling tabulasyon ng kompiyuter.

Ito ang isa sa mga solusyon na ginawa ng Unibersidad matapos madagdagan ng humigit kumulang P 2,000 na ibinayad ng ilang estudyante ng Music noong nakaraang enrolment.

Sinabi ni Antonio Africa, faculty secretary ng Music, nagkaroon ng problema sa sistema ng Oracle, ang software na ginagamit ng UST sa pagproseso ng enrolment, dahil iregular ang karamihan ng mag-aaral sa Music.

“Posible kasi na kumuha ng asignaturang pang-unang taon ang mag-aaral na nasa ika-apat na taon,” ani Africa. “Nadiskubre ko ang problema nang rebyuhin ko ang listahan ng mga estudyante.”

Sanhi ito ng magulong kurikulum ng Music, ani Rowella Garcia, Systems Development Supervisor ng Santo Tomas E-Service Providers.

“Hindi depinido ang kurikulum nito,” ani Garcia. “Parang may ‘pool’ ng asignatura kung saan maaring mamili ang estudyante ng kanilang kukunin nang hindi kinikilala ang mga naunang kinuha nila.”

Ani Africa, maaring binasa ng Oracle ang mga antas base sa mga asignaturang nakuha ng mga estudyante sa halip na kung kalian sila naging estudyante ng Music. Mas mataas kasi dapat ang sinisingil sa mga nasa unang taon, at mas mababa sa ibang antas.

“Halimbawa na lang sa isang mag-aaral sa ikaapat na taon na ang nakalagay sa Oracle ay ‘1’ o unang taon sa halip na ‘4’ o ikaapat. Pagbukas kong muli ng dokumento sa kompiyuter, bumabalik siyang muli sa ‘1’ kahit baguhin,” ani Africa.

Kinumpirma ni Garcia sa Varsitarian na naiayos na ang listahan ng mga estudyanteng naapektuhan ng pagkakamali.

READ
Behind the veil

“Naayos na ang mga bayad, maibabawas na ang mga iyon sa prelim exams,” ani Assistant Registrar Dr. Chin Uy. “Sa mga sobra pang ibinayad, ibabawas na iyon sa bayarin ng mga estudyante sa susunod na semestre.”

Sinabi ni Garcia na ginawan na rin nila ng paraan para hindi na maulit ang pangyayari.

“Binago na namin ang Oracle ayon sa kurikulum ng Music,” ani Garcia. R. S. Mejia

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.