ALINSUNOD sa kautusan ng Espanya na ipatupad ang Batas Moyano, pansamantalang hindi pinayagan ang Unibersidad na maggawad ng doktorado sa mga mag-aaral ng mga Fakultad ng Derecho Civil, Medisina at Parmasya mula 1872 hanggang 1898.

Ang kautusan ay naglalayong gawing sentralisado ang pagbibigay ng pampublikong instruksiyon sa edukasyon.

Sa pamamagitan ng Batas Moyano, napasailalim sa pamamahala ng Madrid Central University ang karapatan upang maggawad ng doctoral degrees sa mga unibersidad na nakapailalim sa pamamahala ng Espanya.

Dahil dito, lahat ng mga propesor, mga miyembro ng claustro at mga doktoradong nagtapos sa Unibersidad ay tumanggap ng kanilang titulong pang-akademiko mula sa University of Madrid.

Gayunpaman, pinayagan pa rin ang Unibersidad na maggawad ng doctoral degree sa mga Dominikano na kumukuha ng teolohiya, batas kanoniko, at pilosopiya sa kabila ng pagpapatupad ng batas kasabay ng kondisyon na kinakailangan muna nilang kumuha ng karagdagang kurso mula sa disiplina ng Council of Trent, Laws of the Indies at History of the Councils bago magtapos.

Gayunpaman, ang panuntunan ay nagbunga ng mga hakahakang pamamaraan lamang ito ng gobyerno upang tuluyang tanggalin ang impluwensiya ng mga Filipinong ilustrado at hindi na muling maulit ang Cavite Mutiny noong 1872 na nagresulta sa paggarrote sa tatlong Filipinong pari na sina Burgos, Gomez at Zamora na higit na kilala bilang Gomburza—ngunit walang naging patunay sa paniniwalang ito.

Sa katunayan, sinikap ng Unibersidad na bigyang karapatan ang lahat ng mga mag-aaral nito na makakuha ng degree noong 1878 ngunit tinanggihan ng gobyerno ng Espanya ang petisyon.

Tomasino siya

Alam niyo ba na isang Tomasino ang kinilala dahil sa kaniyang mga dinesenyong gusali hindi lang sa Filipinas kundi maging sa ibang bansa sa Asya?

READ
Mid-stride*

Si Emmanuel “Manny” Canlas, nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Architecture ng Unibersidad taong 1978, ay isa na ngayong tanyag na arkitekto sa Malaysia.

Bago gumawa ng sariling pangalan sa napiling larangan, nagtrabaho si Canlas para sa national artist ng arkitektura sa bansa na si Leandro Locsin na siyang nagsilbing guro at nagsama sa kaniya sa Brunei upang maging katuwang sa pagtayo ng palasyo ni Sultan Hassanal Bolkiah, ang Istara Nurul Iman.

Matapos ang proyekto, lumipad si Canlas patungong Malaysia kung saan siya nanatili at bumuo ng pamilya kasabay ng pagdisenyo sa mga gusaling nagbigay karangalan sa kaniyang pangalan.

Ilan sa mga kilalang gusali na idinisenyo ni Canlas ang Menara Felda at Naza Tower na matatagpuan sa Platinum Park na siyang nagwagi ng Best Commercial High Rise Development Award for the Asia Pacific sa 2012-2013 International Property Awards.

Bukod sa mga gusaling ito, lingid sa kaalaman ng nakararami na kabilang rin siya sa mga arkitektong bumuo ng Petronas Twin Towers na dating naging pinakamatayog na gusali sa buong mundo mula 1998 hanggang 2004.

‘Di kalaunan, natulungan ni Canlas ang iba pang mga Filipinong arkitekto na magkaroon ng trabaho at mga proyekto sa Malaysia upang higit pang patunayan ang galling ng Filipino.

Sa kasalukuyan, nakikipagtulungan si Canlas sa Professional Regulation Commission upang bigyang pagkakataon ang mga arkitektong “underboard” na magkaroon ng lisensiya. Erika Mariz Cunanan

Tomasalitaan

Kabanya (PNG) – kubong silungan sa may dalampasigan o sa tabi ng swimming pool.

Hal.: Inilagay muna ni Gillan ang kaniyang mga gamit sa kabanya bago siya lumangoy sa dagat.

READ
USTv Awards tackle May 9 polls

Mga Sanggunian:

Villarroel, Fidel (2002). A History of the University of Santo Tomas: Four Centuries of Higher Education In the Philippines (Vol. II) Manila: UST Publishing House.

Sabillo, K. (2015 May 12). “Filipino Architect Stands Tall in Malaysia.” Nakuha mula sa http://globalnation.inquirer.net/122792/filipino-architect-stands-tall-in-malaysia

(2015 May 13). Nakuha Mayo 24, 2015 mula sa http://www.buildingshows.com/market-insights/malaysia/architect-manny-canlas-on-his-favourite-buildings-in-malaysia/801787166

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.