5 Agosto 2015, 4:14 p.m.. – BITBIT ang makukulay na bandera, lobo at mga instrumento, masayang dumaan sa ilalim ng Arch of the Centuries ang 12,815 bagong mag-aaral ng UST kaninang umaga, bilang bahagi ng taunang “Welcome Walk” na simbolo ng kanilang ganap na
pagka-Tomasino.
“Sobrang saya at magical ng experience kasi ramdam mo na welcome ka talaga,” ani Eliza Elento, estudiyante mula sa College of Fine Arts and Design. “Ganap na ganap na Thomasian na kami.”
Sa kanyang homiliya sa Banal na Misa na ginanap matapos ang Welcome Walk, hinikayat ng Rektor P. Herminio Dagohoy, O.P. ang mga bagong Tomasino na huwag matakot at harapin ang mga pangamba at suliranin sa kanilang pamamalagi sa
Katolikong Pamantasan.
“You don’t need to master all the elements and become an avatar to survive your fears. Face your giants,” aniya.
Ayon kay P. Dagohoy, kabilang sa mga kakaharaping “giants” ng mga mag-aaral ay ang mga propesor, pagsusulit at mga requirements.
“UST is where champions in life are born. We eat giants for breakfast,” dagdag pa ni P. Dagohoy.
Naging tradisyon na mula noong 2002 ang Welcome Walk, kung saan pinapapasok sa makasaysayang arko sa harap ng Kalye España ang mga freshman.
Ang
Arch of the Centuries ay nagsilbing lagusan ng lumang gusali ng
Unibersidad sa Intramuros, Maynila (nasira noong Ikalawang Digmaang
Pandaigdig), na dinaanan ng mga bayani at santong Tomasino. Isa-isang
inilipat ang mga bato ng lagusan mula Intramuros hanggang pasinayaan ang
arko noong 1954.
Isang concert ang nakatakdang itampok ngayong gabi sa Plaza Mayor upang magbigay kasiyahan sa mga bagong-sibol na Tomasino. Kathryn Jedi V. Baylon at Alhex Adrea M. Peralta