HINDI dapat isisi sa Unibersidad ang mga ‘di kanais-nais na gawain ng mga nagsipag-aral dito, ayon sa Rektor.

Nilinaw pa ni P. Rolando de la Rosa, O.P. na ang mga Tomasinong artist na bumuo ng “Kulo” exhibit ay hindi humingi ng permiso na idaos ito bilang bahagi ng Quadricentennial celebration ng Unibersidad.

“Schools certainly want their graduates to embody the values and principles that make us truly human, but other societal forces push powerfully in the other direction,” ani De la Rosa sa kaniyang opisyal na pahayag matapos ang kontrobersiya sa art installation ni Mideo Cruz na tinaguriang “Poleteismo” (makikita ang buong pahayag sa pahina 7).

“Blaming schools for every indiscretion of its alumni is to presume that it has full control over them. In fact, they don’t.”

Dagdag pa niya, “educational outcomes often result from a whole range of factors external to the school.”

“Right at the onset of the exhibit, the University, through the kindness of the CCP President, had posted a disclaimer at the site, clearly disowning it,” ani De la Rosa. “Also, the University had already requested the CCP President to discontinue the exhibit even before a public outcry was raised against it.”

Dagdag pa ng Rektor, ang media ay tila mayroong “wicked delight in implicating UST” sa bawat eskandalo at kontrobersiya na may kinalaman sa mga dating mag-aaral nito.

“Surprisingly, they seldom do this to other universities whose graduates are among the most corrupt and inutile government officials this country has ever known,” aniya.

Sa isang panayam ng Varsitarian, sinabi ng National Artist for Literature na si Francisco Sionil Jose na ang installation ni Cruz na tinawag na “Poleteismo” ay hindi maituturing na sining.

Umani ng batikos si Cruz dahil sa pambabastos niya sa mga larawan at imahen ni Hesus.

Ani Sionil, ang sining ay dapat “pinag-isipan, multi-meaning, at [nagtataglay ng mga katangian gaya ng] craftsmanship at originality.” Hindi raw niya nakikita ang mga nasabing katangian sa “Poleteismo.”

“It’s juvenile, it’s immature, it’s not art at all,” ani Sionil. “There’s no obscenity in art. ‘Yung ginawa niya (Cruz), it’s not obscene, he’s just a bad artist.”

Samantala, humingi ng paumanhin si Mideo Cruz para sa eskandalong naidulot ng “Poleteismo,” at sinabi niyang wala itong intensyong mambastos o mang-insulto ng relihiyon at publiko, at mang-api o manakit ng ibang tao.

READ
Thomasian filmmakers included in '44 Cineastas Filipinos'

Sa isang e-mail na ipinadala sa Varsitarian (makikita ang buong pahayag sa pahina 7), sinabi ni Cruz na “muli akong humihingi ng paumanhin sa publikong nasaktan o nagalit nang dahil sa kontrobersiyang ito.”

Aniya, sining ang nag-uudyok sa mga tao na mag-isip at magtanong hinggil sa mga nakikita sa kasalukuyang lipunan, kaya pinahahalagahan niya ang opinyon ng mga tao.

“Pero ang ginagawa ko pong sining ay hindi ang magpinta ng pisikal na kagandahan ng bundok o ng mga bulaklak,” ani Cruz.

Sa parehong e-mail, sinabi ni Cruz na ang intensyon ng kaniyang gawa ay ang kumatawan sa iba’t ibang manipestasyon at kontradiksyon ng “idolatry” o “pagsamba” sa ating lipunan, na hindi lamang tungkol sa relihiyon, “kundi tungkol din sa iba’t iba pang aspeto ng ating kultura at lipunan.”

Ang “Poleteismo” ay isang collage, o koleksyon ng iba’t ibang imahe at materyales, na sa isang paraan ay nagiging salamin ng “search for perfection” ng ating kultura, ani Cruz.

Aniya, ang “Poleteismo” ay dapat makita ng buo ngunit siya raw ay napilitang ipaliwanag ang ilang elemento nito, “lalo na po ang mga elemento o imahe na ikinakagalit ng ilang panig.”

Ani Cruz, “The condoms are placed randomly and are meant to represent questions on hypocrisy in our culture. The phalluses are symbols of patriarchy, power and worship as indicated in history like the obelisk seated in the center ground of the Saint Peter[‘s] Basilica.”

Sa hiwalay na panayam ng Varsitarian sa isa pang National Artist for Literature na si Bienvenido Lumbera, sinabi niya na “ang napiling punahin ni Mideo Cruz ay ang mga icon na malaganap at ipinalalaganap ng media sa ating lipunan, at bahagi nito ang mga larawang kaakibat ng relihiyon, tulad ng mga imahen ni Hesus at ng Birhen Maria na itinabi ni Cruz sa mga artista sa pelikula, tauhang palasak sa telebisyon, at iba pa.”

Sinabi rin niya na ang ibig sabihin ng pamagat na “Poleteismo” ay iba-ibang “diyos” na ipinasasamba sa madla. Dahil naging “mariin ang puna ni Cruz” sa mga icon ng Simbahan, nagbunga ito sa pagkapoot ng mga Katoliko sa kaniyang gawa, aniya.

Gayunman, ang naging reaksiyon ng mga alagad ng Simbahan at ng mga relihiyosong organisasyon ay “maaasahan lamang,” dahil ang ginawa ni Cruz sa mga imahen ni Hesus at ng Birheng Maria ay bahagi ng kaniyang konseptwalisasyon, ani Lumbera.

READ
Bulol o bingi?

“Ang isang likhang-sining ay sadyang umaakit ng reaksiyon sa mga nagmamasid. Ang naging reaksyon sa likha ni Cruz ay tumawid sa rasyonal na guhit sa pagitan ng sining at buhay,” ani Lumbera.

Dagdag pa niya: “Tila nakaligtaan ng mga nagmamasid na ang ‘Poleteismo’ bilang likhang-sining ay humihingi ng pagmumuni [at] ng pagpapairal ng isipan upang masapul ang sinasabing kabuuang likha tungkol sa lipunang Filipino ng ating panahon.”

Aniya, hindi isinaalang-alang ng madla na ang pangkalahatang layunin ng “Kulo” ay upang “gunitahin ang tunguhin ni Rizal sa kaniyang mga akdang pumuna sa mga patakaran ng kolonyal na administrasyon ng Espanya sa Filipinas.”

“Tuloy ang naganap ay walang iniwan sa mapaniil at marahas na pagsupil ng mga awtoridad sa isang intelektwal na nangahas sumalungat sa umiiral na kalagayan ng lipunan,” ani Lumbera.

Relasyon sa UST

Noong Agosto 16, nagkaroon ng joint hearing ang Senate Committee on Education, Arts and Culture at Committee on Public Information and Mass Media, na dinaluhan ni Vice Rector P. Pablo Tiong, O.P. na naglahad ng opisyal na posisyon ng UST ukol sa isyu.

“UST promptly expressed its objection at the onset of the exhibit to some of the featured works, specifically those by Mideo Cruz—who, while once a UST student, did not earn any degree in UST,” ani Tiong. “We also requested CCP to take appropriate measures in order to remedy the situation which placed UST in a very embarrassing position.”

Dagdag pa niya, hindi hangarin ng UST na pigilan si Cruz sa pagpapahayag ng kaniyang sarili, ngunit tungkulin din niya na irespeto ang mga karapatan at paniniwala ng ibang tao.

Sa kaniyang pahayag, ipinaliwanag ni Tiong kung bakit itinuturing ng UST na “sacrilegious” at “offensive” sa mga Katoliko ang naturang installation ni Cruz.

Inisa-isa rin ni Tiong sa kaniyang pahayag ang mga likha ni Cruz na diumano’y nakapambastos sa pananampalatayang Katoliko: “a bright red penis is attached in the midsection of the Holy Cross which was adorned with rosaries and scapulars; dark ink which seemingly ooze or drip out from the eyes of Jesus Christ in His picture and with a condom pinned above the said image; Christ the King with a clown-like nose, Mickey Mouse ears, and one of its hands replaced with Mickey Mouse glove; and a wooden penis mounted on the face of a picture of Jesus Christ.”

READ
Same story, different deluge

Mga kaso sa Ombudsman

Samantala, dalawang reklamo ang nakahain ngayon sa Office of the Ombudsman laban kay Cruz at 11 opisyal ng CCP, kabilang na ang pangulo nito at dekano ng Conservatory of Music na si Raul Sunico.

Noong Agosto 11, pinangunahan ni Jo Imbong, abogado ng St. Thomas More Society, ang pagsampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa mga opisyal ng CCP, habang si Cruz naman ay sinampahan ng kasong kriminal. Makalipas ang dalawang araw, nagsampa din ng parehong reklamo si Eusebio Dulatas Jr., isang Katolikong abogado.

“Inirereklamo namin ang mga opisyal [ng CCP] dahil hinayaan nilang maganap ang [‘Kulo’ exhibit] sa loob ng CCP na isang pampublikong lugar,” ani Imbong sa isang panayam ng Varsitarian.

Sinubukang kunin ng Varsitarian ang panig ni Sunico ngunit tumanggi siya.

Ang Kulo exhibit, na binuo ng 32 Tomasinong artists, ay binuksan noong Hunyo 17 bilang paggunita sa ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ng pambansang bayani na si Jose Rizal, na isa ring Tomasino.

Ang exhibit ay nakatakdang magpatuloy hanggang Agosto 21, ngunit dahil sa eskandalong nangyari, nagdesisyon ang pamunuan ng CCP na isara na ang ito noong Agosto 9.

‘Prayer of Reparation’

Alinsunod sa circular mula kay Arsobispo Gaudencio Cardinal Rosales, isinama sa mga dasal sa lahat ng misa mula Agosto 21 hanggang 28 ang “Prayer of Reparation” upang ihingi ng kapatawaran ang mga kasalanan ni Cruz.

Inanyayahan ang lahat ng Katoliko na makiisa sa araw na ito sa pamamagitan ng pag-aayuno at iba pang uri ng mortification.

Idineklara rin ang Agosto 26 bilang Day of Penance kung saan nagdaos ng “Mass for Forgiveness of Sins.”

Noong Agosto 14, mahigit 200 katoliko at miyembro ng mga relihiyosong grupo ang nakiisa sa Reparation Mass na sinundan ng isang ng prusisyon mula Roxas Boulevard hanggang CCP, tampok ang mga imahen ni Hesus at Birheng Maria. Daphne J. Magturo at Bernadette D. Nicolas May ulat mula kay Lorenzo Luigi T. Gayya

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.